Chapter 1
Alas-singko ng hapon 'yon. Katatapos pa lamang ng klase. Pero madami pa akong kailangang gawin bago ako makauwi. Isa pa, kakausapin daw ako ng adviser namin. Dalawa lang ang absent nang araw na 'yon kaya medyo natagalan ako sa pag-aayos ng mga assignments at notebooks na ipinapasa sa'kin. Binilisan kong tapusin ang mga pinapagawa sa'kin dahil alam kong naghihintay sa'kin ang Mama ko.Isang taon na din ang lumipas, simula nang magka-problema siya sa mata- nawalan siya ng kakayahang makakita o sa madaling salita, nabulag siya. Nagbago ang lahat mag'mula no'n. Natanggal siya sa trabaho kaya tinitipid namin ang savings niya sa banko. Naghanap din ako ng part- time job pangdagdag sa araw-araw na pangangailangan namin. At kinailangan din naming lumipat sa murang paupahan dahil hindi na namin kayang bayaran ang dati naming nire-rentahang bahay.
Araw-araw na eksena ang sigawan, chismisan at inuman sa isang makalat at magulong apartment na nilipatan namin. Mayro'ng limang palapag at sa bawat palapag may lima o anim na kwarto. Sa fourth floor ang inuuupahan namin. Maliit na sala ang bungad pagpasok ng pinto- may mahabang sofa sa kanan at malaking display cabinet sa kaliwa. Sa tuktok ng display cabinet, nakalagay ang altar na may Santo Nino at ilang lalagyan ng kandila. Nakapatong naman ang mga figurines at isang lumang T.V. -na mas matanda pa sa'kin at halatang 'di na gumagana; sa sumunod na palapag nito. At sa pinakababa naman nakalagay ang iba't ibang libro at CDs. Sementado ang sahig at natatakpan lang 'to ng linoleum na pinatungan ko ng floral- patterned carpet. Walang kulay ang mga dingding, tanging mga medals, certificates at litrato lang namin ni Mama ang nakasabit.
Ilang hakbang lang mula sa sala ang masikip na kusina. Tipikal na kusina. May lababo at faucet at maayos na supply ng tubig, double -burner stove at mga gamit na pang-kusina. Sa tabi, may pintuan papasok ng maliit na c.r.
Sa tapat ng pintuan ng palikuran ay ang pinto naman papasok sa k'warto. Si Mama lang ang gumagamit ng k'warto- may isang kama at dalawang pilit na pinagkasyang cabinet na lalagyan ng mga damit; sa sofa ako natutulog.Palabas, masikip na eskinita din ang lalakarin bago makapunta sa mausok at maingay na kalsada kung saan ako sumasakay ng jeep papuntang school. Pero bago ako pumasok, tinatapos ko muna ang lahat ng gawaing bahay- naglilinis, nagluluto at inaasikaso ang Mama ko.
Dalawa na lang kami. Lumaki akong walang tatay at tanging siya lang ang nagpalaki sa'kin. Sabi niya, iniwan kami ng aking ama matapos niya akong ipanganak dahil nga may iba s'yang pamilya. Hindi ko kilala ang tatay ko at kahit kailan, hindi ko na ninais pang kilalanin siya.
Dating high school teacher ang Mama ko. Literature ang tinuturo niya. Mahilig s'yang magbasa ng mga novels at magsulat. Parati s'yang sumasali sa mga novel writing contests dati pero madalas pangatlo o pangalawang p'westo lang ang nakukuha niya.
Mahilig ang Mama ko sa thriller, mystery at fantasy. Fan siya ng mga Japanese novelists at novels. Naaalala ko nung bata pa ako, sabay kaming nanonood ng 'Detective Conan' tuwing weekends at walang pasok. At madalas niya din sa'king i-k'wento ang mga novels na nag-inspire sa kan'ya.
Nang mawala ang paningin niya, marami ding nagbago sa kan'ya. Parati na lang s'yang walang kibo habang nakatanaw sa paligid na ipinagkait nang ipakita sa kan'ya. Malayo sa dating s'ya na parating may ngiti sa labi at punong-puno ng pag-asa. Napakahirap isipin na sa isang iglap, lahat ng pinaghirapan niya'y nawala nang parang bula. Halos lahat ng naipundar niya- bahay, mga gamit at kotse; kinailangan naming ibenta. Pati promotion niya hindi natuloy.
Hindi namin alam ang dahilan ng pagkabulag niya. Ayon sa mga doktor, wala naman daw problema ang mga mata niya. Ang sabi naman ng iba, gawa daw 'to ng taong may galit sa kan'ya. Strikto daw kasing teacher ang Mama ko. Madalas s'yang pinag-uusapan ng mga estudyante at pinangalanan pa s'yang 'Ma'am Kwago' dahil sa lumalaki n'yang mata pag-nagagalit siya.
Hindi din ako nakaligtas sa kanila. Madalas akong abangan ng mga estudyante niya para sabihin sa'kin kung ga'no siya ka-sama. At sa'kin din nila dinadaan ang lahat ng galit nila sa kanya. Tatlo o apat na suntok ang kapalit ng bawat pag-bubunganga o parusa at higit pa sa bente kapag nabigyan sila ng mababang marka. Tiniis ko lahat ng 'yon dahil natakot akong magsumbog.
Parang usok na kumalat ang balita na nabulag ang Mama ko.
Ang lahat ng daga ay nag-diwang nang mawala ang kwago.
Naging headline at trending sa buong school. Madaming nasiyahan at meron din namang kunwari may pake at nalulungkot sa nangyari. Ramdam ko na mas lumiit pa ang mundong ginagalawan ko. Kahit sa'n ako mapunta, paulit-ulit kong naririnig kung ga'no sila kasaya sa nangyari at kung gan'no nila ako kinakaawaan. Nag-bingi-bingihan na lang ako hanggang tuluyan nang mapagod ang mga bunganga nila.
Matapos ang isang taon, unti-unti nang bumabalik sa dati ang Mama ko. Tanggap na niya ang lahat. Ito na nga raw siguro ang kaparusahan sa lahat ng nagawa n'yang pagkakamali. Matapos ang isang taon ay unti-unti na ding bumabalik ang kan'yang mga ngiti. Matapos ang lahat ng 'yon, natapos ko din ang sinusulat kong libro na ipapasa ko sa contest na parating sinasalihan ng Mama ko. At dedicated 'to sa Mama ko.
Matapos ang isang taon, nakasanayan ko na din ang bagong mundong ginagalawan ko. Naging normal sa'kin ng ingay at gulo. Naging pamilyar na din ang tenga ko sa daan-daang murang naririnig ko. At kaya na ding langhapin ng ilong ko ang usok at iba't ibang hindi mawaring amoy.
Alas-singko ng hapon 'yon matapos kong gawin lahat ng inutos sa'kin dali-dali akong umuwi sa bahay dala-dala ang isang magandang balita. 'Yon din ang araw na ipapasa ko ang natapos kong novel. Hindi na ako makapaghintay pa na sabihin sa Mama ko na nakapasa ako sa isang scholarship at makakapag-college ako. Unti-unti nang natutupad ang mga pangarap namin. Makakapasok ako sa isang magandang eskwelahan at makapagtapos ng kursong ophthalmology.
Parating pa lang ako nang bumungad sa'kin ang ingay na nanggagaling sa napakaraming nagkumpulang tao at tunog ng ambulansya. Tanaw rin ang isang malaking usok na nanggagaling sa isang eskinita. Dali-dali akong kumaripas sa pagtakbo nang ma-realize ko na galing 'yun sa apartment na inuupahan namin.
Huli na ang lahat nang dumating ako. Nakita ko ang malaking apoy na nilalamon ang tinutuluyan namin. Nabinggi ang tenga ko sa mga iyak at sigawan at sirena ng mga ambulansya, fire trucks at sasakyan na bumabalot sa paligid. Wala ang Mama ko sa mga nakaligtas. Naroon siya, sa loob ng tinutupok na apartment na tinutuluyan namin.
Thank you for reading my first attempt in Filipino writing!
Maraming Salamat po! <3
本当にありがとうございます!
(o≧▽゜)o