Maulan na hapon, pagkagaling ko sa eskwela, tinahak ko ang maputik, masikip at magulong daan ng Quiapo papuntang LRT Station sa may Carriedo. Naglalakad lang ako mula sa Hidalgo St. pero wala naman akong reklamo, nasanay na kasi ako.
Alas-kwatro y media na, madilim na rin ang langit dahil sa ulan at eto na nga ako, naglalakad. Sa sobrang putik ng daan, naputikan na rin ang uniform ko. Gusto ko na sanang makaupo na sa tren o kahit tumayo lang basta makasakay na ako pero hindi ko naman magawa dahil maraming tao, Quiapo day kasi ngayon.
Siksikan talaga at hindi ko naman maisip kung bakit nagti-tyaga sila kahit umuulan. Bigla akong natawa ng maaninag ko ang kumpul-kumpulang tindahan ng ukay-ukay. Marahil kasi iyon ang dahilan kung bakit dagsa pa rin ang mga tao. Sabagay, saan ka nga naman makakakita ng mga branded na damit na tig-bi-bente, trenta o kung minsan sampung piso lang. Konting laba lang, mukhang bago na ulit.
Biglang nawala ang bakas ng ngiti sa mukha ko nang makita ko ang isang babae, ilang hakbang sa harapan ko na dinidikitan ng isang lalaking naninigarilyo. Inilahad ng lalaki ang kamay nito, pilit na inaabot ang leather na back pack ng babae na sa palagay ko ay estudyante rin tulad ko, kahit naka-civilian s’ya. Kailangan kong gumawa ng paraan, mukha kasing hindi nararamdaman nung babae yung lalaki sa likod n’ya.
Lumakad ako palapit sa kaliwa ng babae. May naisip akong paraan. Tinawag ko yung babae sa pangalang “Nikki” bigla ko kasing naisip si Nicole ng Pussy Cat Dolls dahil sa buhok nitong naka-tirintas ng parang sa video ng PCD na “Don’t Cha”.
Inulit ko ng isa pang tawag sa pangalang iyon yung babae sabay lapit ko sa kanya at tinapik ko s’ya sa kaliwang balikat. Napatingin s’ya sa’kin. Pinagpatuloy ko ang pagsasalita.
“Nandito ka rin pala.” Ang sabi ko.
Iyon ang naisip kong paraan dahil gusto kong paniwalaan nung lalaking mandurukot na kakilala ko ang babaeng balak n’yang dukutan para hindi n’ya na itutuloy pa ang masamang plano n’ya. Gusto ko lang tulungan yung babae. Sa palagay ko ay tama naman ang ginawa ko dahil pagtingin ko sa lalake ay lumakad ito palayo na kunwari ay walang nangyari.
“Hindi ako si Nikki.” Sabi ng babae. Napaka-lambing ng boses n’ya. Bigla kong naisip na paano pala kung nagalit sa akin ang babaeng 'to dahil hindi naman n’ya ako kakilala at tinapik ko s’ya sa balikat? Paano pala kung inakala n’yang magnanakaw ako? Paano kung nagsisigaw s’ya? Pero salamat naman at di n’ya yun ginawa. Salamat, mukha pala akong mabait.
“Miss, wag kang magagalit ha. Kanina kasi may lalake sa likod mo, gusto n’yang buksan yang bag mo. Tumulong lang ako at yun ang naisip kong paraan.” Paliwanag ko habang nakatigil kaming dalawa at pinupunasan ko ng panyo ang buhok kong basa ng ulan.
Nginitian n’ya ako. Napagtanto na n’ya siguro ang gusto kong sabihin kung bakit yun yung paraang ginawa ko para tulungan s’ya. Nagpasalamat s’ya sa akin at pinasukob n’ya ako sa pink n’yang payong. Hindi pa n’ya alam kung saan ako papunta pero diretso lang ang lakad namin.
BINABASA MO ANG
Hidalgo, Quiapo
Short StoryIsang paglalakbay. Isang pagtatagpo. Isang pagtingin. Isang di malilimutang lugar... Ang Hidalgo, Quiapo