Title: Lena
Genre: Romance
Author: shyhaida
~•~
Lumaki akong malayo sa kabihasnan, malayo sa ingay ng lungsod at malayo sa nagbabagong mundo. Nagtatrabaho ang tatay noon bilang karpentero sa isang construction site sa kabayanan. Ang nanay ay naglalabandera upang makatulong din kahit papaano sa gastusin sa bahay. Lahat kami ay nag-aaral. Sinisikap ng mga magulang ko na mapaaral kami sapagkat ang sabi nila'y iyon lang ang tanging yamang maipamamana nila sa amin. Hindi ko lubusang naunawaan ang pahayag na iyon ng Inay. Ayaw kong mag-aral noon sapagkat ang akala ko'y walang silbi ang paaralan at ang mag-aral ay para lang sa mga taong may sapat na salapi.
Hanggang sa dumating ang araw na iyon, araw na nadama ng aking munti at mahinang puso ang unang dagok ng kasawian.
Namatay ang tatay pagkatapos mahulog sa mataas na gusaling pinagpapandayan. Binigyan lamang kami ng may-ari ng gusaling ipinapatayo ng limang daang piso para sa pinsalang natamo ng tatay. Limang daang piso. Limang daang piso para sa napatid na buhay ng tatay. Limang daang piso para sa isang amang inaasahan ng kanyang asawa't limang anak. Limang daang piso para sa isang mapagmahal na nilalang.
Humahagulgol ako noon habang kaharap ang bangkay ng Itay nang lumapit ang nanay at sinabi ang mga pangungusap na muli ay hindi ko naintindihan.
"Walang puwang ang mga mahihirap sa mundong ito." At saka niya ako sinaluhan sa pag-iyak.
Pagkalipas ng isang buwan, pagkatapos bumagsak ang haligi ng aming tahanan, pagkatapos pumanaw ng tatay ay napilitang bumalik ang nanay sa kinalakhan niyang bayan. Ang bayan na pinagmulan ng kanyang mga magulang na matagal nang wala. Nagtungo kami roon kasama ang aking apat na kapatid. Nagtungo kami roon upang magsimula ng panibagong buhay, upang magsimula na kasa-kasama lamang ang mga alaala ni tatay.
Tumira kami sa bahay ng mga magulang ni Nanay. Wala kaming kahit isa mang kamag-anak doon sapagkat nag-iisang anak lamang ang nanay. Malayo naman sa amin ang mga pinsan niya.
"Nay, 'di na po ako mag-aaral." Mahina kong sabi noon habang pinipilipit ang mga damit na binabanlawan namin ni Nanay.
"Kaya nga ako nagtitiyaga na makakuha ng maraming labahan ay upang makapag-aral kayo. Pangarap ng tatay ninyo na makapagtapos kayong lahat." Sagot ng Inay.
"Dito na lang ho ako sa bahay, Inay, tutulungan kita sa paglalabada at sa mga gawaing bahay. Sina Emily na lang ho ang pag-aralin ninyo." Paliwanag ko.
"Anak, nasa ikaapat na taon ka na, malapit ka nang magtapos. Kahit 'yun lang. Kahit high school lang."
Ngunit kahit anong pilit ang ginawa ng Inay ay hindi niya nagawang pasang-ayunin ako. Sadyang napakatigas ng ulo ko. Ayaw ko kasi talagang mag-aral. Pakiramdam ko noon sinasayang ko lang ang oras at pera para sa pag-aaral eh halos wala naman akong matutunan. Hindi naman kasi gaanong katalas ang isip ko.
Nanatili ako sa bahay. Nagpatuloy sa kanilang pag-aaral ang tatlo kong kapatid. Si Micheal ay nasa unang taon na sa hayskul, si Emily ay nasa pang-anim na baitang at si Ella ay nasa ikalawang baitang pa. Si Mike ay hindi pa nag-aaral.
Tinutulungan ko ang nanay sa paglalaba, ako ang umiigib ng tubig sa poso na nasa bakuran namin, ako ang nagbabanlaw, ako ang nagsasampay at kung minsan ay ako ang kumukuha't naghahatid ng mga labahan.
Dahil sa desisyon kong manatili sa bahay at tulungan ang nanay ay nakilala ko ang isang pag-ibig na magpapaunawa sa akin ng tunay na kahulugan ng buhay.
Hindi ko inaasahan noon na may isang taong lihim palang may pagtingin sa akin. Hindi ko alam na sa tuwina pala ay inaabangan niya ako sa tindahan ni Aling Ebeng kung saan una niya akong nakita. Wala sa loob kong mag-uukol siya ng pagtingin sa akin. Sino nga ba naman ang magkakagusto sa isang tulad ko? Isang anak maralita, walang nalalaman sa labas ng mundong ginagalawan at walang maipagmamalaking kahit ano.
BINABASA MO ANG
Lena (One Shot)
Short StorySa buhay, laging nariyan ang desisyon. Mga desisyon na kung minsan ay hindi natin ginusto kung hindi dahil kailangan at iyon ang natatanging dapat gawin. Mga desisyong kung minsan ay humahantong sa isang malaking pagkakamali at pagsisisi. Mga desis...