*wala pa* :D

17 0 0
                                    

Limang araw na akong walang tulog. Pang-anim ngayon. Pero wala akong maramdamang pagka-antok ni pagkapagod. Walang nararamdama ang buong katawan ko. Dumungaw ako sa ibaba. Mas maraming tao kaysa kagabi. Hindi na ako magtataka. Huling araw na kasi ngayon. Kailangan ko nang maghanda at mag-ayos.

“Ihanda mo na ang mga gagamitin mamaya, Riko. Yung mga plato, yung kubyertos, pati yung mga baso. Maraming darating mamaya. Maraming kakain. Pagod sila pagbalik dito. Siyanga pala, huwag mong isamang ihanda yung. . .”

“Yung paborito nina. . .”

“Oo, iyon nga.”

Hindi ko na hinayaang tapusin ni Riko ang sasabihin niya. Ayokong marinig pa iyon. Alam kong alam ni Riko ang ibig sabihin ng pagputo ko sa kaniyang sinasabi.

Dumating na ang oras; oras na hindi ko inakalang darating sa amin. Sinulyapan kong muli ang mga tao. Malungkot sila. Bakas sa kanilang mga mukha ang napakaraming katanungan na hindi alam kung sino ang makasasagot. Maging ako ay gaya rin nila. Wala akong ibang magawa kundi ang magbuntong-hininga.

“Kuya.”

Lumapit sa akin ang bunso kong kapatid, si Bimbo. Tinitigan ko lang siya at hinintay na pumatak ang namumuong luha sa kaniyang mga mata. Gayundin si Riko. Hindi na niya napigilan ang pagtakas ng kaniyang mga luha. Gusto ko na ring umiyak. Pero, hindi sa harap ng mga kapatid ko. Hindi sa harap ng maraming tao.

“Huwag kang umiyak, Bimbo. Ikaw rin Riko.” Sabi ko sa kanila.

“Hindi mo naiintindihan, Kuya! Palibhasa, hindi ka nalulungkot e. Parang ang saya-saya mo pa! Manhid ka Kuya! Manhid ka!”

Hindi ko inasahan ang naging tugon ni Bimbo sa sinabi ko. Nasanay kasi akong isa-isang salita lang ang binibigkas ni Bimbo kahit limang taong gulang na siya. Nagulat ako sa isinagot niya sa akin. Hindi ko siya masisisi. Pinagmasdan ko siya habang tumatakbo papunta kayTiya Juana. Kung alam lang sana ni Bimbo, hindi pa sapat ang tubig sa buong katawan ko para iiyak. Sa kaliwa ko naman, maririnig ang paghikbi ni Riko.

“Ako Kuya, naiintindihan kita. Hindi rin ako iiyak gaya mo.”

Mahigpit na yakap ang isinagot ko kay Riko. Marunong na ngang makiramdam ang kapatid ko. Sa sementeryo, binigyang daan kami ng mga tao para makita ang pagpapasok ng ataol sa nitso. Kasunod nito ang pagsesemento. Ang ilang kamag-anak namin ay minabuting huwag nang tingnan pa ang pagsesemento ng puntod. Dahil kung hindi, hindi lang luha ang babaha, aalingawngaw rin ang walang tigil na paghagulgol. Pinangunahan na ito ni Bimbo, na ayaw tumigil sa pag-iyak kahit nawawalan nang hininga. Pilit siyang pinatatahan ni Tiya Juana. Si Riko na nagsabing hindi iiyak gaya ko, heto ngayo’t hinahabol ang pagkapula ng mga mata ni Bimbo. Tiningnan ko ang paligid. Lahat ng tao’y umiiyak. Kamag-anak ko man o hindi. Lahat  sila’y nagluluksa. Hindi na ko makatiis. Gusto nang umagos ng mga luha ko na kanina ko pa itinatago. Tumakbo ako patungo sa likod ng isang malaking puno, may kalayuan sa puntod at sa mga nakikipaglibing. Dito ko ibinuhos ang lahat ng pighati’t lungkot na nararamdaman ko. Hindi ko maipaliwanag. Hindi ko mapagtagni-tagni ang mga pangyayari kung bakit ganito ngayon ang dinaranas ko; ang dinaranas naming magkakapatid. Ang hirap. Napakahirap. Naisip ko:

“Kapag hindi tumubo ang itinanim mong halaman, nalulungkot ka hindi ba? Kapag namatay ang alaga mong hayop, buong araw kang hindi makausa nang maayos. Baka buong araw ka pa ngang malungkot. Pero, paano kami? Paano ako? Kami ng mga kapatid ko? Wala na kaming mga magulang. Sa araw-araw na paggising namin, walang maghahanda ng aming pagkain. Walang mangangaral sa amin bago pumasok sa eskwela. Walang mag-aaruga sa amin. Walang Tatay, wala ring Nanay. . Paano ang pag-aaral nina Riko at Bimbo? Paano ang pag-aaral ko? Paano ang naiwang gabundok na utang ni Nanay at Tatay? Paano na kami? Kung bakit kasi kailangang magsabay pa silang mawala sa aming magkakapatid. Paano na?”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 11, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

*wala pa* :DTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon