Mahal kong Mama at Papa,
Kamusta na po kayo diyan? Ayos lang ako dito. Masaya dito, at tulad ng pangarap ng maraming Pilipino, puti rin ang pasko dito. Iba’t iba ang mga tao dito. May puti, itim, pula at kayumanggi ring tulad ko. Habang isinusulat ko ang liham na ito, maraming batang nagtatakbuhan sa harap ko. Masaya sila’t walang iniisip na problema. Hindi ko nga rin maintindihan kung bakit hindi rin bakas sa mukha ng mga matatanda o nasa tamang edad na ang mga problema nila sa buhay. Siguro dahil malapit na ang pasko at unti-unti na nilang kinalilimutan ang mga problemang kinaharap nila sa isang taon na namang nagdaan, at inihinahanda na ang kanilang mga sarili sa isang bagong taon na namang darating. Maaari ring natural na lamang sa kanila ang pagiging masaya. Hindi ko alam. Marahil batang-bata pa ako para maintindihan. Ganito kaligaya ang simoy ng hangin dito. Masaya rin po ba diyan?
Naaalala ko pa noong nasa sinapupunan niyo pa lang ako Ma. Sikat na sikat kayo noon ni Papa sa lugar natin. Marahil nga sa inyo ko namana ang kasikatan. Alam kong kilala ako diyan sa Pinas, at kilala na rin ako ng buong mundo. Nasusulat ang pangalan ko sa mga dyaryo at libro, naririnig ako sa radyo at ilang daang beses na rin akong lumabas sa telebisyon at internet. Sabi nga ng mga tanyag na historyan at manunulat, nahigitan ko na raw sina Einstein, Newton, Archimedes at iba pang mga dakilang tao. Hindi ko rin namalayan na ganito na pala kalayo ang narating ko. Nasa taluktok na ako ng tagumpay ngayon. Araw-araw akong binabayaran ng milyun-milyong dolyar bilang kapalit sa paglutas ko sa mga pinakamalalaking problema ng mundo. Sa dami ng perang natatanggap ko, hindi ko na rin mabilang ang mga taong natulungan ko. Naniniwala kasi akong mahalaga ang buhay at dapat itong mahalin at ingatan. Dahil diyan, araw-araw din akong lumilibot sa iba’t ibang parte ng mundo para pakainin ang mga nagugutom kong mga kapwa tao. Binibigyan ko sila ng tahanang matitirhan at trabaho para buhayin ang kanilang mga pamilya. Naaalala niyo pa po nang mapadaan ako diyan sa Pinas? Wala palang pinagbago ang sistema diyan, at sa tingin ko lalo pang lumala. Parami nang parami ang mga iskwater na tulad natin noon. Nilibot ko ang buong bansa para tumulong. Dahil lahat iyon sa pagmamahal ko sa buhay.
Siguro sobrang ipinagmamalaki niyo na ako. Sino ba namang magulang ang hindi magiging masaya sa bawat tagumpay, maliit man o malaki, na nakakamit ng kanilang anak? Pero nakalulungkot isiping kahit kanino niyo ako ipagmalaki, walang maniniwala sa inyo. Baka nga mapagkamalang pa kayong nasisiraan ng ulo. Sino ba naman ang maniniwala na may nabuhay na na isang tulad ko? Marahil naging ganito sana ang kapalaran ko, kung pinatikim niyo man lang sa akin ang unang paghinga na senyales ng buhay. Pero hindi niyo ipinaranas sa akin iyon. Hindi niyo man lang ipinasilip ang mundong ibabaw sa aking mga inosenteng mata. Hindi ko naranasan ang ganda ng buhay, dahil simula’t sapul hindi niyo ako binuhay noong dalaga’t binata pa kayo. Pinatay niyo ang pag-asa ng isang magandang kinabukasan para sa akin, dahil pinatay niyo rin ako. Maganda ang buhay. Maganda rin dito sa langit, kasama ng iba pang mga batang tulad ko. Mas masaya dito, mahal namin ang buhay. Sana ganito na lang rin diyan.
Lubos na nagmamahal,
Hindi nabigyan ng pangalan