Kasiyahan

220 1 1
                                    

Masaya akong nakikita ang mga kislap ng iyong mga mata

Habang tinutunaw ng matatamis mong mga labi ang aking mga pasakit at pighati.

Sa aking paghimbing iyong tinutuyo ang aking mga luha na puno ng kalungkutan

Ramdam ko ito, sapagkat ramdam ko ang bawat hagod ng iyong mga kamay na sumasabay sa kumpas ng isang awit ng pag-ibig.

Panatag akong naglalakbay sa aking panaginip dahil batid kong nariyan ka't nagbabantay

Alam ko ito dahil ramdam ko ang init ng iyong katawan,

Ramdam ko rin ang iyong nais na ako'y pakawalan

Sa hawla ng makamundong pagkadamuho at karuwagan

Dinig ko ang iyong buntong-hininga, ang hiling na sana'y maaari mong hawakan ang aking mga kamay hangang sa huling sandali ng iyong buhay at ng ating malasap ang sarap ng mabuhay sa lilim ng bisig ng bawat isa.

Ang iyong pulang dugo na ginamit ni Kupido

Upang kulayan ang madilim kong mundo

Ang lumikha ng araw at ng buwan

At ang nagpuno ng mga bituin sa aking kalawakan

Ang nagpakawala sa akin mula sa mabigat na kalungkutan na aking nadarama

Ay noong winika mong "Mahal kita"

Mga salita na mistulang ulan na bumuhay sa lanta ko ng pag-asa na umibig pa.

Masaya kong tinitingnan ang iyong mga mata

Sapagkat aking natatanaw ang malawak na kaparangan kung saan malaya nating nagagawa ang lahat

Masaya akong malaman na ang bawat pintig ng puso mo ay iyong iniaalay sakin

At na kung paano mo ako itinangi mula sa lahat ay aking kinalulugod din,

Pero mas kinagigiliwan ko tuwing aking nadidininig ang masugit mong hiling na magkasupling ang ating pag-ibig ,

Akin ring sinisinta ang iyong katapangan kung paano mo ipanamalas sa nagwawalang mga alon at galit na langit ang wagas mong liyag sa akin.

Masaya, masaya akong kapiling ka.

Masaya akong makikinig sa iyong mga awit, sa iyong mga tula

Sa kadahilanang ito'y sa puso mo magmumula,

Masaya ako dahil nariyan ka upang pawiin ang aking luha,

Masaya akong malaman na may kagaya mong sa akin ay hindi magsasawa.

At sa pagkalubot ng ating balat,

Huwag na nating balikan ang ating kabataan,

Bagkus ay bumuo tayo ng panibagong mga araw na masaya higit sa dati,

At kung ika'y mapagod na at naisin mong magpahinga,

Ipikit mo yaong mga mata at ibubulong ko sa iyo...

"Mahal kita"

KasiyahanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon