Paboritong Guro

454 2 0
                                    

Sa isang tipikal na buhay sa paaralan, ibat-ibang uri ng tao ating makikita. Nariyan ang mga estudyanteng magkakaiba ang estado ng pamumuhay sa lipunan. Ibat-ibang pag-uugali dito ri'y makikilala. Ang unang istorya ng kababalaghan, halika dito natin matutuklasan.

____________

 "Anghelito!" Galit na sigaw ni Mica, isang guro sa elementarya. Ito rin ang araw-araw na gumugising sa nanghihina at puyat na katawan ng isang mahirap na estudyante - Anghelito.

Si Anghelito ay larawan ng mahihirap ngunit nagsisikap na estudyante. Sa araw-araw na pagpasok sa umaga tanging papel, lapis at pambura lamang ang dala nito. Ang gutom ay nabibigyan lamang ng pansin pagkatapos ng eskwela.

"Anghelito! Bakit natutulog ka nanaman? Kung hindi ka interesado mabuti pa't lumabas ka na lamang!" Ani pa ng guro.

"Pasensya po Ma'am, hi..hindi na po ma-uulit." Takot na tugon ni Anghelito sa kanyang guro. 

Sa isang pagkakataon pa muli'y naulit ang pasimpleng pagtulog ni Anghelito. Dahil sa galit pinatayo ni Mica at binigyan ng mahirap na katanungan ang bata. Sa hilo at gutom di na nakatugon pa si Anghelito. Agad na pinalabas ng guro sa klase at pinatakbo sa buong covered court si Anghelito.

"Huwag kang titigil hanggat hindi ko sinasabi." 

Sa pagod, hilo at panghihina ng katawan, agad na nawalan ng balanse ang bata at siya ay nadapa. Ang pagkakadapang ito ay nagdulot ng kamatayan kay Anghelito dahil sa tinamong pagkakabadog ng ulo sa sahig ng covered court.

"Tulong! May estudyanteng nawalan ng malay dito!" Sigaw ng guro nang masaksihan ang aksidente.

Dahil wala ng ibang nakakita pa ng pangyayari si Mica ang nagkwento ng lahat.

"Hayan, kaya't pinagbabawalan ang mga estudyanteng lumabas sa oras ng klase at magtatakbo, dahil nagdudulot ito ng mga aksidenteng tulad nito." Pahayag ni Mica.

Dinalaw ng guro ang burol ni Anghelito makalipas ang ilang araw sa bahay nito at nagdala ng kaunting groceries para sa pamilya. Nakita ng guro ang isang matandang labis na nagluluksa, ito ang ina ni Anghelito.

"Nay, lahat po ng bagay ay amy dahilan. Lahat po ng ito makakayanan niyo rin." Wika ng guro sabay haplos sa likod ng matanda upang ipakita ang pakikiramay nito.

"Maraming salamat sa pagdalawa ninyo. Alam niyo po bang madalas kayong ikwento samin ng anak ko. Tama nga at napakabait ninyo. Kayo daw ang paborito niya at gusto niyang maging guro katulad niyo." Sagot ng inang halata ang tuwa sa pag-alala sa anak.

Tila natigilan ang guro sa paghaplos sa likod ng matanda. Ito ay nabalisa at napatitig sa isang kandila.

"Pag-uwi galing sa paaralan, alam niyo po bang itinuturo niya lahat ng tinuturo mo sa kanya sa amin. Hindi rin po ako nakatapos kahit elementarya. Si Anghelito lamang po ang inaasahan namin." Dagdag pa inang nagluluksa.

Makalipas ilan pang araw, sa pag-tse-tsek ng mga papel sa pagsusulit ng mga bata. Gabi na iyon at sa silid-aralan napili ni Mica gawin ito.

Nang matapat sa papel ni Anghelito ang bolpen ng guro naalala nito ang malagim na pangyayari. Bakas dito ang takot at kakaibang kaba. Pasado ang resulta ng pagsusulit ng bata. Natigilan ang guro at unti-unting tumulo ang luha nito. Sabay sa pagtulo ng luha nito ay pagtulo ng tubig galing sa itaas. Dahan-dahan napatingin ang guro paitaas at laking gulat sa nakita. Ito ay ang malungkot na mukha ng bata. Napatakbo sa takot ang guro. 

Kinabukasan sa lugar na mismong kinamatayan ng bata, nakita ang guro. Tila ang nangyaring aksidente ay naulit, ngunit sa oras na ito guro ang biktima.

____________

Mag-ingat at kilalanin ang paligid. Unawain ang lahat ng bagay na iyong ginagalawan. Dahil ang isang desisyon ay maaaring bumago at makaapekto ng lubusan sa iba. Ang bawat desisyon ay umuugnay sa buhay ng lahat.

Paboritong GuroWhere stories live. Discover now