Iri Series (a one-shot series) is dedicated to incorporating Amihan into anything and everything in Encantadia that will remind me of her. This is my way of coping with post-Season 1 feels, I hope reading it will be yours :)
(Set before Danaya and Pirena's confrontation scene in Luna's room)
Ada
Naabutan siya ni Danaya sa paanan ng trono.
"Nasaan si Luna?" tanong ng Reyna ng Lireo.
Ilang sandali rin ang lumipas bago ito harapin ni Pirena.
"Marahil ay naghahanda na." Maingat niyang tinignan ang nakababatang kapatid; mga mata'y nagbabadya ng isang tahimik na hamon. "Isasama ko si Deshna sa pag-alis ko mamaya."
Galit.
Galit at pagnanais pumaslang lamang ang tanging nararamdaman ngayon ni Pirena. Alam niyang kahit ilang ulit pa niya kitilin ang buhay ni Avria ay hinding-hindi na mawawala ang galit na ito sa kanyang puso.
"Pirena," bahagyang lumapit si Danaya sa kanyang apwe. "Batid kong nagluluksa ka, ngunit hindi digmaan ang kasagutan sa ating mga suliranin." Dahan-dahan nitong hinawakan ang braso ng kausap. "Madadagdagan lamang nito ang bilang ng mga masasawi. Hindi nito kayang hilumin ang sugat sa iyong puso."
Pilit siyang kumawala sa pagkakahawak ni Danaya. "Wala akong pakialam!"
"Alam kong hindi iyan totoo."
Linipat ng Hara ng Hathoria ang kanyang tingin sa trono sa kanilang harapan, sabay buntong-hininga.
"Naiintindihan ko ang ginagawa mo, Danaya." Nang muli niyang tinignan ang kapatid, pansamantalang naibsan ang galit sa kanyang mga mata. "Alam kong simula nung namatay si Amihan ay pilit mo nang sinusubukang gampanan nang maayos ang pagiging reyna. Alam ko ring nais mong gawin lahat ng maaaring niyang gawin sakaling siya'y nabuhay."
Mula sa kanyang kinatatayuan ay pansin niya ang bahagyang pagnginig ni Danaya.
"Maiintindihan ako ni Amihan."
Ang pagtulo ng luha ng kapatid ang huling nakita ni Pirena bago niya naramdaman ang sakit sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha.
"Pashnea!"
Simula pagkabata, emosyon na ang palaging kakabit ng mga alaala ni Pirena. At ngayon, kasabay ng matinding galit na nagmumula kay Danaya, kaagad niyang naalala ang huling beses na naramdaman niya ang ganitong puot galing sa kapatid. Sa parehong lugar kung nasaan sila ngayon, sandali niyang nakita ang sarili; nakaluhod at harap ang espadang hawak ni Danaya.
"Alam kong nasasaktan ka ngayon, ngunit huwag na huwag mong gagamitin ang alaala ni Amihan bilang kasangkapan sa iyong mga panlilinlang!"
"Ssheda! Hindi kita nililinlang!" Pinilit niyang tignan siya ng kausap, upang nawa'y maintindihan nito ang kanyang mungkahi. "Mga anak din niya ang namatay, Danaya! Batid mong gagawin ni Amihan ang lahat para kina Lira at Mira."
"Marahil. Ngunit isinusumpa ng ating kapatid ang karahasan, Pirena. Ikaw ang higit na makakapagpatunay niyan."
Sa pagkakataong ito, alam ni Pirena na buong-buo ang pagkakaintindi nila sa isa't isa.
"Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay humihinga ka pa."
Ilang sandali rin ang nagdaan na walang ni isa sa kanila ang gumalaw.
Ngunit lumipas din ito at dahan-dahang naglakad papalapit sa trono si Pirena.
"Siyang tunay," sambit niya, sabay tango. "At bilang pinakamalapit sa ating namayapang kapatid, alam kong ipinagmamalaki mo ang pagiging natatanging makakapagsabi kung ano ang nais at hindi nais ni Amihan."
"Pirena-"
"Gayunpaman, mayroon pa ring bahagi ng pagkatao ni Amihan na kailanman ay hinding-hindi mo mauunawaan, Danaya."
Dito, ngumiti ang Tagapangalaga ng Brilyante ng Apoy; isang ngiting noon pa man ay nakalaan lamang sa anumang vedalje bago niya ito tapusin.
"Lalo na't sa ating apat, ikaw lamang ang hindi naging isang ina."
.
.
//sophia

YOU ARE READING
Iri Series (Amihan Chronicles)
FanfictionSeries of One-Shots surrounding the lives of our favorite Encantadia characters and their connection with the great Hara Amihan of Lireo.