Treo.

41 2 0
                                    


Aral, kain, ligo, tulog, tapos ulitin ulit. Araw- araw, ganoon ang parating nangyayari. Tila walang nagbabago, walang naiiba, pare-parehong gawain para sa iba’t ibang araw.

Kadalasan, naiisip ko ang hangin, malakas na hangin na tumatama sa aking mukha at buong katawan habang nakasakay ako sa kung ano man mabilis na sasakyan, habang nakataas ang dalawang kamay, naisip ko rin ang lakas nito na tatangay sa akin at kung gaano ito kasarap sa pakiramdam. Madalas ko rin isipin ang tubig, malalaking alon na kaya akong lamunin, malamig at masarap sa balat, malinaw na kayang makita ang ilalim. Iniisip ko ang kahit ano, kahit anong mas masaya kumpara sa kung ano ang meron ako ngayon.

   Maayos ang buhay ko, may bahay ako, may kinakain at kasama ang aking ama sa bawat araw ng aking buhay. Maayos lahat, ngunit hindi ako parating kuntento. Palaging may hinahanap, gusto ng bagong bagay, kahit ano, kahit ano na mas maayos sa kung ano ang mayroon ako sa kasalukuyan. Palagi kong gusto ang mga bagay na wala ako, mga bagay na mahirap maabot, pero may paraan para maabot ko iyon. Kahit sandali lang, kahit ako lang ang nakakaalam.

Sa isip ko, binubuo ko ang mga kwento, mga pangyayaring hindi nangyayari sa aking buhay at doon sumasaya ako. Sa isip ko, mayroon ako ng mga bagay na wala ang pangkaraniwang tao, mayroon katangian o pag-aari na wala ang iba, na ako lang ang mayroon at magkakaroon.

    “Treo, nakikinig ka ba?” malamig at matigas na tono ang kasama ng boses na biglang tumawag sa pangalan ko. Napalingon ako sa harapan ng silid, gulat dahil hindi nakikinig sa itinuturo ng guro. Nahuli ulit ako na hindi nakikinig  sa kanyang mga itinuturo. “Nakikinig po” sagot ko. Numipis ang kanyang mga mata, nakatutok ang mga iyon sa akin, hindi naniniwala sa kung ano man ang sinabi ko.

“Kung ganoon, sino si Hermes?” Itinaas niya ang kanyang kilay, tila kumpyansang hinsi ko masasagot ang kanyang tanong.

“Si Hermes ang diyos na mensahero ng mga diyos at diyosa.” Hindi ako ganoon kasigurado sa aking sagot dahil hindi ako ganoon kainterisado sa mitolohiyang griyego, kaya madalas ay hindi ako nakikinig sa kanyang mga itinuturo. Hinintay ako ang kanyang sagot kung tama ba ako o mali, tumango si Ms. Ahro ng isang beses.

Nakasagot ako, tama ang aking isinagot. Matapos ang klase ni Ms. Ahro, ilang oras pa ang lumipas at natapos na ang mga klase. Magmamadali na akong umuwi sapagkat gusto ko nang makaalis sa eskwelahan, ngunit napatigil ako sa paglalakad ng makarinig ng sitsit di kalayuan sa kinatatayuan ko, nagpalinga-linga ako at nagpatuloy na sa paglalakad

    Naglakad ako pauwi, nag-iisip upang lumipas ang oras, tahimik ko na pinagmasdan ang magandang linya ng mga puno at matataas na mga dahon, at masisiglang mga magagandang bulaklak. Nakakawala ng pagod, hindi lahat, pero nabawasan, patuloy lamang ako sa paglalakad ng may marinig ako na kaluskos, ingay ng sapatos na tumatapak sa mga tuyong dahon, may tao sa paligid, sa lugar na wala naman akong nakikitang tao. Tuloy pa rin ang paghakbang ng aking mga paa, hindi lumilingon, pero malakas ang pakiramdam ko na may tao sa likod ko. Marahil ay sa gilid, hindi ako sigurado. Hinintay ko na magpakita ang taong ramdam ko na sumusunod sa akin, ngunit nakarating ako sa bahay ng walang lumabas na nagtatago sa puno o pumukpok ng bato sa aking ulo, kahit hayop na naligaw sa magandang daanan na iyon ay wala.

Tumigil ako sa tapat ng bahay namin upang pagmasdan ang paligid, walang kakaiba, normal naman ang pakiramdam ko, kaya pumasok na ako ng bahay, hindi ko na hinanap ang aking ama para ipaalam na nakauwi na ako. Pagod ako ngayong araw kaya nagpatuloy sa paglakad papunta sa aking silid, inilapag ko agad ang aking mga gamit, tinanggal ang sapatos, wala ng lakas para ayusin pa ang sarili bago matulog kaya humilata agad ako sa malambot na kama at hindi pa lumilipas ang isang minuto ay dinalaw na agad ako antok.

“Nakatayo ako sa isang lugar kung saan tanaw ko ang isang gusali sa bundok, wasak na wasak, tanaw ko rin ang pasakit at dalamhati ng mga tao, ang sakit at pagkadismaya. Lumulutang ako sa ere tila lumilipad papunta sa kung saan ko gusto, kaya tanaw ko ang kahit ano. Maraming malalaking tao sa paligid, mga higante kung ikukumpara ang laki nito sa normal na tao.
Pero may isang higanteng nakakuha ng atensyon ko. Isang napakagandang babae na may maamong mukha, matangos na ilong, mapupulang labi at may magandang buhok.

Pakikipagsapalaran Ni Daumatreo Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon