Huling pahina ng unang parte...
Isang gabing punong-puno ng mga bituin ang langit,
Maraming araw na rin ang lumipas ng unang makarating ako sa isang lugar na napakalayo sa aking nakasanayan. Marami na akong nalupig, maraming buhay na nakitil, maraming natutunan, marami nang nagbago. May mga oras na naiisip ko ang kinagisnan, at madalas ay ginugustong makabalik doon. Parati kong sinasabi at iniisip, na sawang-sawa ako sa lugar na iyon sapagkat paulit-ulit ang nangyayari. Pare-parehong gawain sa bawat araw, walang nababago, o nakapapanabik na pangyayari, pero ngayon, hinahanap hanap ko na ang mga araw-araw kong nakaugaliang gawin. Mahirap na ngayon, komplikado. Maraming nagbabago, at sobrang delikado. Ang mga pinagagawa sa akin ni Ares ay hindi madali, madalas ay nakakatakot, noon. Noon palaging may kaba sa aking dibdib, iniisip kung paano kapag hindi ako nakabalik ng buhay, paano pa ako babalik sa aking ama, paano ko pa malalaman ang mga sagot sa aking mga tanong, paano ko mabubuo ang aking pagkatao? Pero sa pagtagal ng panahon, sa bawat buhay na aking tinapos, lugar na winasak, isa pagkatapos ng isa pa, nabawasan na nang nabawasan ang takot sa aking dibdib, pati na ang awa at masamang pakiramdam na dati ay aking nadadama pa. Nawala na ang konsensya at pagtatanong kung bakit kailangan ko silang lupigin, kung bakit kailangan kong wasakin ang isang lugar, bagay o buhay. Marami pa rin akong tanong. Sa buhay, sa bawat araw. At iyon na lamang ang dahilan kung bakit patuloy pa ako sa aking ginagawa. Nais kong malaman ang mga rason sa bawat aksyon, nais kong malaman ang ibig sabihin ng mga matalinhagang salita, higit sa lahat, nais kong malaman ang katotohanan, sa aking pagkatao, sa aking buhay, at hanggang makamtan ko ang mga sagot sa aking mga katanungan, hindi ako titigil sa paggawa ng paraan upang makita ang aking mga hinahanap.
Matagal na nang huli kong nasilayan ang aking ama, o nakita ang magandang landas na patungo sa aming tahanan na walang dumadaan kundi ako lamang. Pero hindi ko sila nalilimutan. Hanggang ngayon, kahit gaano katagal, tanda ko pa rin ang lahat. Tandang tanda ko ang bawat detalye na bumubuo sa aking buhay noon, at umaasa pa rin akong makakabalik ako doon, sa pagkakataong ito, iyung buo na ang aking pagkatao.
Treo.
BINABASA MO ANG
Pakikipagsapalaran Ni Daumatreo
Short StoryAng mga pakikipagsapalaran ni Daumatreo.