Alamat ng Sibuyas

1.4K 15 1
                                    

Alamat Ng Sibuyas

Ayon sa alamat, si Buyas ay anak ng manggagamot ng isang tribo na nakatira sa paanan ng bundok ng Sierra Madre. Maliit pang bata ay kapansin-pansin na ang pagiging sensitibo ni Buyas. Lalo siyang naging maramdamin nang isilang ang bunsong kapatid. Maganda ang kapatid kung ihahambing kay Buyas kaya agad napapansin ang kaibahan nila.

Palibhasa ay marami ang nagpapagamot sa ama, kadalasan ay maraming tao sa kanilang kubo. Hindi maialis na mapansin ang mag-kapatid dahil maliit lang ang kubo at doon mismo nanggagamot ang kanilang ama.

"Kayganda ng inyong bunso," madalas ay sinasabi ng mga nagpupunta roon.

"Maganda rin si Buyas," madalas ay maririnig ng kanyang ina. Ayaw na ayaw ni Buyas na maririnig ang ganyong usapan. Agad na siyang pupunta sa likod ng kubo at doon uubusin ang oras hanggang maubos ang kanyang mga luha.

Nang magdadalaga si Buyas ay umibig siya sa isang makisig na binata. Ang problema, ang bunso niyang kapatid ang gusto ng lalaki.

Masakit na masakit sa loob ni Buyas tuwing aakyat ng ligaw ang binata sa kapatid. Ang gagawin niya ay magtatago sa kanilang likod-bahay at doon i-iiyak ang bigat ng damdamin.

Alam ng kanyang ina ang nararamdaman ni Buyas ngunit wala itong magawa! Hindi nito mapanghihimasukan ang puso ng binata. Isa pa ay paano naman ang damdamin ng bunsong anak?

Ilang buwan pa ay isinama na ng binata ang mga magulang upang hingin ang kamay ng kapatid ni Buyas. Nais raw pakasal ng dalawa sa ikalawang pagbilog ng buwan.

Labis na dinamdam ni Buyas ang kamatayan ng pag-ibig.

Kinabukasan ay hindi na nakita si Buyas. Naglaho siyang tila bula.

Sumapit at natapos ang araw ng kasal ng bunsong kapatid ay hindi na nakita si Buyas.

Isang umaga, habang nagwa-walis sa likod-bahay ang ina ay napansin nito ang isang halamang tumubo roon. Nang bunutin iyon ng babae para itanim sa mas maayos na lugar ay nakita ang bilog nitong mga bunga.

Natuklasan ng ina na maaaring ipanahog sa pagkain ang bunga. Pero higit sa lahat, natuklasan nitong nakapagpapaiyank ang bunga pag hinihiwa.

Naalala tuloy ng ina ang anak na si Buyas. Pinangalanan nitong buyas ang bungang iyon.

Ang buyas ay naging sibuyas makaraan ang maraming panahon.

Mga Alamat...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon