Jepoy (Isang Maikling Kwento)

275 1 2
                                    

Ika-labing lima ng Marso. Ang iyong ika-labing walong kaarawan. Simula nang malagim na trahedyang iyong sinapit, isa lamang ang iyong hiling. Imposible mang makamit, hindi ka sumukong manalangin. Kung may kulay man ang mga salita, ito’y pawang itim at puti sa iyong pandinig.

Sa isang bangkong kahoy sa labas ng kantina, ika’y naupo at nagpakawala ng isang malalim na hininga. Dito ka madalas maupo. Dito ka madalas magmasid. Hindi mo man marinig ang sarili mong paghinga, ito’y inulit ulit mo hanggang sa ika’y mahapo. Hindi lamang sa paghinga, ngunit maging sa iyong sarili. Malalim man ang nilalangoy ng iyong pag-iisip, iyo pa ring napansin nang siya’y lumapit. Paano nga bang hindi? Siya ay sikreto mong hinahangaan. Nang ika’y tumuntong sa kolehiyo, siya ang naging inspirasyon mo.

Naaalala mo pa ba noong siya’y una mong makita? Isang linggo na rin ang nakalilipas. Naglalakad ka patungong silid-aralan ng siya’y makabangga mo. Ika’y yumuko ngunit itinaas niya ang iyong mukha upang kanyang makita ang iyong mga mata. Kanya ka niyang tinanong “Ayos ka lang ba?” Ito’y nabasa mo sa kanyang mga labi. At iyo ring nabasa sa kanyang mga mata ang pagkabighani. Hindi naman maikakailang ikaw ay isang kaakit-akit na dalaga. Napansin mo ba ang mga kalalakihan sa iyong klase? Sila’y lumilingon sa likuran masulyapan ka lamang. Ngunit ang lalaking ito, alam mong siya ay naiiba. Nang makita mo ang ningning sa kanyang mga mata, ang tibok ng puso mo’y bumilis. Ang iyong mga paningin ay dali-dali mong iniwas sa kanyang mga mata. Ika’y kinabahan. At nagmamadaling tumungo sa iyong silid-aralan nang hindi lumilingon pabalik sa kanya.

At ngayon habang ikaw ay nakaupo, muli mong iniwas ang iyong mga paningin. Ngunit huli na ang lahat, sapagkat siya ay umupo na rin sa bangkong iyong inuupuan. Ilang pulgada mula sa iyong kaliwa, iyong naramdaman ang kanyang mga kamay. Ang mga ito’y dumampi sa iyong balikat. Tumingin ka sa iyong kaliwa at siya ay nakangiti. Sinuklian mo naman ito ng isang malamlam na ngiti.

“Karlo,” nabasa mo sa kanyang mga labi at kanyang inabot ang kanang kamay. Ikaw ay nakipagkamay at naramdaman mo ang lambot ng kanyang palad. Muli ngang sumagi sa iyong isipan na ito ay hindi tama. Kaya’t mabilisan mong kinuha ang iyong mga gamit at tumayo. Nang siya’y iyong tingnan, nakatayo na rin siya sa iyong kaliwa. Iyong napansin ang kakisigan niyang taglay. Ang itim niyang mga mata ay nakatuon sa iyo. Ikaw ay naguguluhan kaya’t tumakbo ka palayo, papuntang palikuran.

Tama ang iyong naiisip. Hindi ka niya magugustuhan. Hindi sapat ang panlabas na kagandahan mo upang ikaw ay kanyang magustuhan. Hindi lamang siya. Maging kahit na sinoman. Walang magkakagusto sa iyo. Wala. Maging ang mga magulang mo ay tinalikuran ka na. Hindi mo ba nahahalata? Maging ang lola mo ay sawang-sawa na sa iyo. At maging ang sarili mo ay sinukuan mo na yata. Nakakaawa ka. Walang magmamahal sa iyo. Ang salitang pagmamahal ay hindi nararapat sa kagaya mo.

Ngunit bakit nandiyan si Marina? Ang matalik mong kaibigan. Bakit natitiis ka niya? Bakit kaya ka niyang mahalin at pagtiyagaan? Noong kayo ay mga musmos pa lamang, madalas mong tanungin sa iyong sarili: Paanong nanatili siya sa aking tabi maging pagkatapos ng aksidente at ako’y naging ganito? At huwag mong kalilimutan si Jepoy. Kayong tatlo ang matalik na magkakaibigan noong kayo’y mga bata pa lamang. Hindi ba’t nangako pa sa iyo si Jepoy na kapag kayo ay nasa wastong gulang na, ikaw ay kanyang pakakasalan? Ngunit siyempre, ito ay malabong magkatotoo. Ang mga kasal-kasalang nilalaro ninyo noon ay mananatiling isang laro. Bakit ka nga ba umasa? Kayo’y mga bata pa lamang noon. At kung nanatili man si Jepoy, paniguradong lalayuan ka rin niya matapos ang nangyari sa iyo. Isang linggo kang nagkulong sa iyong kwarto nang ang pamilya ni Jepoy ay umalis patungong Amerika. Isang linggo kang nalunod sa sarili mong mga luha. Maging si Marina ay hindi ka malapitan. Maging kay Marina ay ipiniid mo ang iyong pinto. Laking pasasalamat mo kay Marina sa hindi niya pagsuko sa iyo. Siya ay isang tunay na kaibigan. Ang nag-iisang abay sa munti ninyong kasal-kasalan.

Ikaw ay nakaramdan ng mahinang yugyog sa iyong balikat. Napalingon ka at nakita mo si Marina.

“Anong ginagawa mo rito?” basa mo sa bibig ni Marina. Ikaw ay sumenyas ng “Wala. Papunta na rin ako sa susunod kong klase,”

Oo. Ikaw ay bingi. Hindi ka nakakarinig. Tanging ang iyong mga paningin lamang ang iyong gabay sa masalimuot na mundong ito. Naaalala mo ba? Parati kang pinapaalalahan ng lola mo na hindi ka pipe. Bingi ka ngunit hindi ka pipe. May sarili kang tinig. Kahit hindi mo ito naririnig, maaari mo itong magamit para marinig ng ibang tao ang nilalaman ng puso mo. Ngunit takot ka. Hindi mo magawang magbigkas ng kahit isang salita.

“Maligayang Kaarawan, Monika! May surpresa ako sa iyo!” nakikita mo ang kasabikan sa mga mata ni Marina, ngunit hindi mo marinig ang kasabikan sa kanyang tinig. Iyo ngang nababatid na marahil ay tumataas at tumitining ang tinig ni Marina. Ito’y naririnig mo sa iyong isipan. Ang nag-iisang alaala mo sa tinig ni Marina.

Ikaw ay nagpasalamat. At tinanong mo ang surpresang ito.

“Pupunta tayo mamaya sa munting konsiyerto ng eskwelahan. Alam mo bang kakanta si Karlo?”

Ikaw ay napailing at napayuko. Anong saysay nang pagdalo mo sa konsiyertong ito? Ano man ang gawin mo, hindi mo maririnig ang tinig na iyon. Marami nga ang nahuhumaling sa ganda at lamig ng boses ni Karlo. Ngunit ikaw, ni hindi mo narinig ang pagbigkas niya ng kanyang pangalan nang siya ay magpakilala sa iyo kanina.

“Ayaw ko,” senyas mo kay Marina.

Ngunit mapilit si Marina. Pilit mong ipinaintindi sa kanya na malulungkot ka lamang kapag dumalo ka sa konsiyertong iyon. Ano pang mas sasakit sa mangyayaring iyon? Na ang iyong pinapangarap, pinapanalangin gabi gabi, ay makikita mo sa iyong harapan. Ngunit hinding hindi mo maaabot. Hindi. Hindi maaaring makita, sapagkat ito’y naririnig lamang. Ang mga tinig ni Karlo. Ang pagbigkas niya sa iyong pangalan. Monika.

At dumating nga ang gabing iyon. Naka-uniporme pa kayong dalawa ni Marina. Kitang kita mo ang pananabik sa mga mata ni Marina. Ngunit ikaw, hindi mo alam kung may dapat kang ikatuwa. Dalawang banda na ang nakatugtog at nakaawit. Ngayon ay lumabas na ng entablado si Karlo. Bumilis ang tibok ng puso mo. Sinimulan niyang kalbitin ang kwerdas ng gitarang hawak niya. Nagtalunan ang mga tao at hinulaan mong sila ay nagsigawan at naghiyawan. Gusto mo ring makarinig. Kahit ngayon lang. Kahit isang beses lang. Masyado nang nakabibingi ang katahimikang ito. Kahit ano ay kaya mong ipagpalit para sa maikling sandaling maririnig mo ang tinig ni Karlo. Ipinikit mo ang iyong mga mata ng ilang minuto. Sapagkat ayaw mong masaktan pa sa mga nasasaksihan mo sa paligid mo. Hinawakan ni Marina ang iyong mga kamay. Alam mong si Marina iyon. Ang pamilyar niyang mga daliri. Ang higpit ng kanyang paghawak. Iminulat mo ang iyong mga mata. At sa mga sandaling ito, naisip mo na maaaring tapos na umawit si Karlo, sapagkat hindi na siya nakahawak sa gitara. Ngunit ang kanyang mga labi ay nagsasalita pa rin sa mikropono. Marahil ay may sinasabi na lamang siya. Ngunit ang kanyang paningin ay nakatuon sa iyo. Malalim ang kanyang mga titig at pawang naghahanap sa iyong mga mata. Ganito ka tingnan noon ni Jepoy. Ganito ang titig niya sa iyo noong kayo’y nagkakasal-kasalan.

May inabot si Karlo sa kanyang paanan. Isang malaking puting karton. At ito’y kanyang iniharap.

WILL YOU STILL MARRY ME? SOMEDAY. MONIKA.

At sa ilalim ay ang malalaking titik ng pangalan ng isang batang una nang nangako sa iyo.

-JEPOY

Lahat ng mga mata sa paligid ay natuon sa iyo. Bumillis muli ang tibok ng puso mo. Ngunit sa pagkakataong ito hindi mo na mahabol ang bilis nito. Namawis ang iyong mga kamay na binitiwan na ni Marina. Bumaba ng entablado si Karlo at unti-unting lumapit sa kinatatayuan mo. Nasa tabi mo pa rin si Marina. Napatingin ka sa kanya at kanyang sinenyas “Andito lang ako. Ang nag-iisa mong abay”. May namumuong luha sa kanyang mga mata ngunit hindi mo namalayang may tumulo na pala sa iyong sariling mga mata. Ibinaling mong muli ang paningin mo kay Karlo at siya’y nasa harapan mo na. Hinawakan niya ang iyong mga kamay.

Nakarinig ka ng tinig sa iyong isipan. Hindi ito kay Karlo. Ito ay kay Jepoy. Tinig ng batang nangako sa iyo noon. Isang matamis na tinig na umaawit habang kayo ay nagkakasal-kasalan noon. Kanina lamang handa kang ibigay ang lahat marinig lamang ang tinig ng taong umaawit sa harapan mo. Ngunit ngayon, napagtanto mong hindi na pala ito kailangan sapagkat nasa puso mo na ang tinig na iyon. At sa bawa’t gabing lumipas simula ng lumisan si Jepoy, ito’y paulit ulit na kumakanta sa isipan mo. Isang matamis na ngiti ang iyong ibinigay. At sa kauna-unahang pagkakataon simula ng mawalan ka ng pandinig, naglakas loob kang magsambit ng kataga sa iyong mga labi.

Oo, Jepoy.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 25, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Jepoy (Isang Maikling Kwento)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon