Alamat Ng Pakwan 1

175 3 0
                                    

Alamat ng Pakwan - First Version

Humigit-kumulang sa tatlong daan taong namalagi sa Pilipinas ang mga Kastila. Layunin ng Espanyang sakupin ang mga katutubo. Naging kasangkapan ng mga Espanyol ang Katolisismo upang lalong mapadali nila ang pamamalakad dito. Bagamat sa Limasawa, Leyte nagdaos ng unang misa, may isang paring Kastilang nagngangalang Padre Novelles ang nakarating sa lalawigan ng Nueva Ecija.

Sinikap niyang kumbinsihin ang mga katutubo upang maging Katoliko. Upang magawa ito, pinag-aralan niyang makapagsalita ng kanilang wika. Madali naman siyang natuto. Sapagkat matagal na ring sumasamba sa mga anito ang mga katutubo, hirap na hirap si Padre Novelles na manghikayat.

Lalong pinagsikapan ng paring Kastila ang pagtuturo ng buhay at mga aral ni HesuKristo. Binigyang diin niya ang pagpapasakit ng Anak ng Diyos. Isinalaysay niya ang pagkapasan sa krus upang iligtas lamang ni Hesus ang mga makasalanang tao sa daigdig.

Sapagkat misyunero, marami ang naliwanagan sa katotohanan. Pero kahit marami ang sumunod sa itinuturo ng paring Espanyol ay may isang barangay na bulag pa ring sumasamba sa mga anito. Ito ang barangay na pinamumunuan ni Datu Diliwariw. Ayaw ng Datung paniwalaan ang mga aral na itinuturo sa Katolisismo. Sa labis na pagkagalit ipinadakip mismo ng datu sa mga nasasakupan ang misyunerong nangangaral.

Sapagkat batay sa turo ng Katolisismo ay nagpasan ng krus at ipinako sa kabundukan si HesuKristo. Ito rin ang parusang ipinataw ng di binyagang datu sa paring Katoliko.

Awang-awa ang maraming katutubo sa pagpapasan sa krus si Padre Novelles. Ang maalikabok at baku-bakong lansangan ng Nueva Ecija ay kangyang dinaanan. Sa bundok ng mga anito na ngayon ay kilala bilang bundok ng Caraballo itinindig ang krus. Habang nagbabaga ang araw ay isinakripisyo ng misyunero ang abang buhay. Katulad ni Kristo, isang matulis na sibat ang tumapos sa hininga ng paring Katoliko. Ang sariwang dugo sa dibdib nito ay mayamang umagos sa lupang pinagtindigan ng krus.

Matapos ipapatay ay hindi mapalagay si Datu Diliwariw. Naalala niya ang itinuturo ng misyunero na si Hesus daw ay muling nabuhay pagkalipas ng tatlong araw.

Upang makatiyak, isinama ng datu ang pinakamatapat na kawal nang dumating ang ikatlong gabi. Ginimbal sila ng katotohanan, ang bangkay na kanilang iniwan ay nawala sa kanyang kinapapakuan. Napaluhod ang datu kasama ng kawal. Inalala nila ang mga aral na itinuro ng misyunero tungkol kay Kristo. Taos puso silang humingi ng tawad. Sa kanilang pagyuko at pagluha ay may napansin silang munting halaman sa lupang dinilig ng dugo ng kabanalan. Ang nasabing halaman ay nagbunga ng animo makinis na ulo ng paring misyunero na kapag biniyak mo ay may lamang tila mapulang dugo ng kabanalan, matamis at nakaaalis ng uhaw. Magmula noon, ang nagging Katolikong datu ay lagi nagng dumadalaw sa pinagpakuang kabundukan. Ang panata niyang iyon ay kalakip ng pagtanggap ng kaparusahan sa malaking kasalanang nagawa niya sa paring ipinapatay.

Sapagkat tumubo ang kakaibang halaman ay tinawag ang bunga nito na pinagpakuan na nauwi sa pakuan na ngayon ay naging pakwan. Iyan ang pinanggalingan ng alamat ng pakwan.

Pinoy Edition © 2017 - All rights reserved.

Source: http://www.pinoyedition.com/mga-alamat/alamat-ng-pakwan-1st-version/

MGA ALAMATTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon