377

205 6 2
                                    


377

ISANG napakalakas na sigaw ang aking pinakawalan sa mga oras na 'yon, marahan kong hinihimas ang aking dibdib habang hinahabol ko ang aking hininga.

Isa na namang panaginip na unti-unting rumerehistro sa aking isipan bilang isang bangungot.

Magiisang linggo na itong napapanaginipan ko, mga estudyanteng nakahandusay habang sila'y naliligo sa kanilang sariling dugo.

Dilat ang kanilang mga mata at animo'y iisa lang ipinapahiwatig ng kanilang mga mata- Takot.

Bigla na lamang bumukas ang aking pintuan, iniluwa nu'n ang aking mama na halatang alalang-alala sa akin. "Ayos ka lang ba, Katherine? Iyong panaginip na naman ba 'yon?" tanong niya pagkatapos ay agad niyang hinimas ang dalawa kong mga kamay.

Hindi ko alam ngunit kaagad ko na lamang siyang niyakap , may mga butil ng takot ang gumihit sa aking mga mata. Hindi ko alam kung paano na lamang ako kukuha ng lakas kung wala ang aking mama sa aking tabi.

Dahan-dahan niyang hinagod ang aking buhok, "Huwag ka nang matakot, nandito lang ako sa tabi mo." Saad niya habang patuloy siyang gumagawa ng isang ritmo na nagpapagaan ng aking loob.

Bumuntong hininga siya, "Sige na't baka ma-late ka pa sa klase mo sa araw na ito. Alas siyete na ng umaga oh." Lumingon ako sa gilid ng aking silid na kung saan nakakabit ang orasan at mukhang tama nga ang sinabi ni mama, late na ako sa una kong klase.

Agad akong bumaba ng hagdan para na rin asikasuhin ang aking mga gamit papuntang school ngunit bigla na lamang akong nakaramdam ng kaba at takot matapos akong makarinig ng isang himig na sobrang lalim.

dimittite eum

Paulit-ulit niya itong sinasambit habang sinasabayan niya ng kanyang himig na nakapagdagdag ng kilabot sa akin.

dimittite eum

Inulit niya na naman ang mga katagang iyon ngunit sa pagkakataong ito ay mas lalong itong lumakas na animo'y may kung anong espiritu ang sumasanib sa kanya.

Habang patuloy pa rin itong nanggugulo sa aking isipan ay napukaw ng aking mga mata ang isang pintuang nakaawang. May nakita ako sa numerong siyete sa taas ng pintuan nito. Kaya nama'y dahan-dahan akong lumapit sa pintuang iyon.

Sa bawat hakbang ko ay lalong lumalakas ang nakakapangilabot na himig na iyon. Nang mga oras na dumapo ang aking mga mata sa kung sino ang nasa looban ng kwarto ay bigla na lamang nawala ang himig.

Bagamat hindi pa rin makapaniwala ang aking mga mata sa nakikita ko ngayon. Isang kwartong punong-puno ng iba't ibang bulaklak ngunit kapansin-pansin ang dalawang kandilang itim na nasindihan na.

Pero ang talagang nakapagdagdag ng kuryosidad sa aking isipan ay ang mga numerong nakadikit sa mga pader.

3...7...7

Hindi ko alam ngunit para bang napakinggan ko na ang mga numerong ito, hindi sa mga panahong ito ngunit siguro noong dati pa.

Habang inaalala ko kung ano nga ba ang mga numerong ito ay bigla na lamang umikot ang aking paningin nang dahil na rin siguro sa insenso na kanina ko pa nalalanghap.

Isang imahe lamang ang aking naaninag at sa mga pagkakataong 'yon ay unti-unti akong nawalan ng malay pero nagawa ko pang sambitin kung sino nga ba siya.

"Papa..."

"Katherine...Katherine!" isang boses ang siyang gumising sa aking pagkakatulog. Sa pagmulat ko ay inilibot ko agad ang aking mga mata at tama nga ako nasa loob ako ng aking kuwarto, nakahiga ako ngayon sa aking higaan at sina mama't papa ang nasa harapan ko.

377Where stories live. Discover now