Ang Kakaibang Silya ni Pio
Maliit lang ang baryo namin kaya siguradong madali mo akong mahahanap.
Madalas akong nasa plasa kasama si Pio, Dito kami nanghuhuli ng gagamba at naghahabol ng tutubi.
Pag dumaan ka, ipakikilala kita kay Pio. Mabait siya. Palabiro at makulit kagaya ko. Pambihira ang tawa niya. 'Kala mo pabo!
At alam mo ba... meron siyang kakaibang silya! Peksman! Kakaiba talaga! Merong dalawang gulong na hindi nabubutas, kahit idaan pa sa batong matalas. Di kailangan ng gasolina, konting tulak lang, aandar na! Makulay ang upuan nito at kumikinang, ang gara!
Minsan, sasakay lang kaming dalawa sa silya niyang may madyik, at bigla itong nagiging kotse.
"VROOOOM! VROOOOM! TABI KAYO!... TABI KAYOOOOOO!!!'
hiyaw namin habang nakataas ang mga kamay.
Minsan nagiging eroplano ito.
"AEEEEENG-AEEEEENG! ANG SARAP LUMIPAD!"
at walang biro, nagiging tren pa ito!
"TOOOOOOOT-TOOOOOT!"
Kakaiba talaga!
"Hep. hep. hep... san na naman ang punta mo ha?" ang laging habol ni Nanay pag patakbo na ako sa labas.
"Diyan lang po kasama si Pio." ang lagi ko namang sagot.
"Saang diyan?"
"Sa may buwan po!" sigaw ni Pio mula sa labas sabay tawa ng parang pabo.
Di alam ni Nanay. pag nakasakay kami sa kakaibang silya ni Pio, kung saan-saan kami nakararating.
Noong isang araw nga, bumisita kami sa palasyo sa may sapa... at meron pang parti! Doon nagkokonsert ang mga kuliglig habang nagtatambol ang mga palaka.
Rak en Rol pa ang tugtog nila! Galing 'no?
Kahapon nama'y nagputa kami sa kaharian ng mga tilapya. Doo'y nagsasalita ang mga isda!
"Ang gara ng silya n'yo ha," ang bati ni Haring Isda. Gusto sana namin siyang isakay kaya lang mukha siyang malansa. Inalok na lamang namin sila ng tinapay at nagpaalam na kami.
Marami na kaming napuntahan ni Titoy sakay ng kaniyang kakaibang silya: mga kuwebang makukulay, mga mansiyon sa gitna ng gubat, at sari-saring lugar na kakaiba. Bibilib ka!
Sayang nga at kami lang ang nakapamamasyal. Yung mga ibang bata kasi'y ayaw makipaglaro. Umiiwas sila kay Pio tuwing dumadaan siya. Nahihiya 'ata. Pag nasa plasa sila, di nila niyayaya si Pio magbasketbol. Di nila pansin ang kotse pag umaarangkada. Di rin nila rinig ang eroplano at tren.
Tanging nakikita nila ay ang anyo ni Pio. Wala kasi siyang binti. "Ipinanganak si Titoy na di tulad ng ibang bata," sabi ni Nanay sa akin. "Kaya para makaparoo't parito siya, kailangan niya ng wheel chair." Oo nga pala, wheel chair daw ang tawag sa kakaibang silya ni Pio. "Pero bukod doon, dugtong ni Nanay, "hindi siya kakaiba sa inyo, di ba?"
"Tara na! Tara na!" hiyaw ni Pio mula sa labas. " Hinihintay na tayo ng prinsesa sa may palayan!" May bago na naman kaming pupuntahan. Si Pio talaga, kahit walang binti, kung saan-saan nakakarating.
Balang araw, makabibisita rin ang ibang bata kay Haring Isda. Maririnig din nila ang tugtugan sa sapa. Balang araw ay makikita nilang walang ipinag-iba si Pio sa kanila at mahahanap din nila ang aking nakita... isang kaibigan.
"VROOOOM! VROOOOOM!
"AEEEEENG-AEEEEEENG!"
TOOOOOOOOT_TOOOOOOT!"
Dumaan ka sa plasa. Dito mo kami makikita. Nanghuhuli ng gagamba. Nakikipaghabulan sa tutubi. Nakasakay sa kakaibang silya.
BINABASA MO ANG
Ang Kakaibang Silya ni Pio
FantasyNandito na ang kakaibang silya ni Pio! Kaya nitong maging kotse, eroplano, o tren. Sumamang maglakbay at tuklasin kung paano nalagpasan ni Pio ang kapansanan sa tulong ng kaniyang mapaglarong imahinasyon.