Nagsimula sa isang friend request sa Facebook, inaccept kita kasi familiar ang pangalan mo. Ang mukha mo medyo familiar din pero may iba sayo. Hanggang sa gabi na yun din nag-message ka sakin. Nag-Hi ka. Kinamusta mo ko. Ako naman sinagot kita. Hanggang sa nagtanong ka kung kilala nga kita. Sumagot akong oo. Naging mag-schoolmate tayo nung Highschool. Di ko alam talaga pano ko rin nalaman pangalan mo noon pero naaalala ko kapag nakikita kita noon kilala kita. Ang buhok mo na mahaba. Biakers kung tawagin. Ang cute mo. Singkit ka. Nawawala mata mo kapag nangiti ka. Bagay sayo ang hairdo mo. Tumutugtog ka sa banda. Not the banda na may singer or guitarista ha, kundi musikero kayo. Yung mga tumutugtog sa patay, sa fiesta.
Tumagal pag-uusap natin ng unang gabi na yun. Unang gabi kasi oo may mga sumunod pang gabi. Oo tuwing gabi kasi parehas tayong may trabaho non sa umaga. Nasa China ka, ako andito sa Pilipinas. Nagtagal nakilala kita ayon sa pagkakakilala ko talaga. Mabait ka. Masayahin ka. Nakakahawa ang kabaitan at kasiyahang meron ka sa tuwing magkachat tayo. Hanggang sa na-inlove ako sayo. Oo hinintay kitang umuwi. Umuwi sakin. Mahal mo rin ako sabi mo. Matagal mo na nga akong hinanap sabi mo. Nakakatawa lang kasi di mo ko mahanap dahil akala mo Jenica ang pangalan ko pero medyo tama ka naman kasi isang letra lang naman mali mo. Alam mo rin apelyido ko. Naniwala ako sayo syempre, may halong kilig pa nga eh. HAHAHAHA!
Hanggang sa umuwi kana. Muntik na nga kitang di kitain kaso nagulat ako nasa labas kalang nang Drugstore na pinuntahan ko. Nagkagulatan pero nandun yung saya ko. Umuwi tayo samin pero on the way, hinalikan mo ko agad. Di na ko nakaayaw kasi nagulat din ako. Di ko yun makalimutan kasi gago ka binigla mo ko. At juice colored hindi pa tayo non. Di pa tayo officially na tayo na nga. Hanggang sa nakauwi na tayo samin. Nakilala kana ni nanay at papa. Masaya ko. Masaya ka. Parang ang tagal na nating magkakilala at nakakatuwang isiping wala akong hiyang naramdaman sayo. Na para bang matagal nang may "tayo". Simula ng gabing yun hindi na tayo naghiwalay. Araw-araw hanggang gabi nasa bahay ka namin. Naging partner tayo simula ng umuwi ka. Di mo ko pinabayaang gawin yung mga bagay na pwedeng ikaw gumawa o dahil ikaw ang may kaya. Naging sobrang saya natin kasi sabi mo matagal mo kong hinanap, andun pa rin si kilig sa tuwing naaalala ko yun. Lakas makahaba ng hair. Hahaha.
Lagpas 1 year na tayo pero ilang months kana ring nasa China ulit. Bumalik ka sa China kasi mas malaki na yung pag asa mo jan na makaipon ka para sayong pamilya at para na rin satin. Sobra kitang miss kasi diba nga nasanay akong kasama kita sa araw-araw. Nakakalungkot pero wala naman tayong magagawa. Kailangan mo yan para na rin talaga sa pamilya mo. Kaya maghihintay nalang ulit ako sayo. Easy lang yun. Mahal kita toy.Nakauwi kana. May naipon kana kahit papaano. Sapat na para maipaayos mo ang bahay ninyo. Yun ang main priority mo diba at masaya ako kasi nagawa mo na. Hanggang sa nakahanap kana ulit ng trabaho, syempre dito na ulit sa Pinas. Nakakaipon na tayo kasi may trabaho rin naman ako kahit papano.
Eto na, papakasal na tayo. Hindi church wedding. Kasi di naman natin afford eh. Bakit natin ipipilit? Mahalaga mahal mo ko at mahal din kita. ❤
I-fast forward na natin, sunod nating napag-ipunan ay ang pagpapagawa ng bahay natin. Ang saya ko sobra, kasi usapan natin noon ito eh, at eto na nagagawa natin. Di bongga pero atleast sariling pera natin diba.
Unang araw natin sa isang maluwag (dahil wala pang masyadong gamit) na bahay. Sarap linisin kasi tayo lang naman ang nakatira so hindi gaanong nadudumihan tsaka parehas tayong may kusa. Ang saya ko talaga. Hahaha.Two months na tayo sa bahay, may sarili na tayong TV at kama. Actually hindi naman kama, foam lang pero makapal at improvised lang natin yung pinagpapatungan. Masaya pa rin ako kasi yung pinapangarap kong plano ng bahay natin nagagawa natin. From the pagpipintura itself hanggang sa pagpupwesto ng mga gamit. Salitan tayo sa pagluluto kasi alam mo namang di ako marunong magluto ng mga may sabaw, adobo nga di ko pa magawa. Hanggang pirito lang ako. Pero mahal mo pa rin ako kahit ganon. Haha, Thank you my love.
Dumami ang buwan at taon sa bahay natin na yon. Wala tayong anak. Tayong dalawa pa rin lang. Masaya pa rin tayo. Nakakaipon tayo medyo malaki na rin para maibangko na natin para kung magka-baby na tayo medyo konti nalang iisipin natin. Masaya ko na hindi ka pa rin nagbabago. Ang swerte ko talaga sayo eh