I - Special Day

5.2K 11 1
                                    

Linggo ng umaga. Tirik na ang araw nang magising ang nag-iisang anak at onse-anyos na si Bimbo mula sa matagal at mahimbing na pagkakatulog dala ng sobrang kapaguran sa paglalaro ng nakaraang araw. Tulad ng inaasahan niya sa tuwing sasapit ang araw na iyon, wala sa bahay ang kanyang Mama dahil maaga itong umaalis para magtrabaho ng half-day at makauwi ulit ng bahay bago magtanghalian. Sa Kuwait naman nagtatrabaho ang kanyang Papa.

Ngunit kakaiba ang umagang iyon - naabutan niyang marumi at hindi nakaayos ang mga kagamitan sa paligid niya. Kapansin-pansin ang karumihan ng kanilang sala - maalikabok ang sahig at ang ibabaw ng bawat kagamitan, magulo ang pagkakaayos ng mga bagay-bagay sa lamesita at puno na ng agiw ang mga kurtina.

Dumiretso siya sa kusina - napakarami nang langgam ang nagsasalu-salo sa mga mumunting piraso ng pagkain na naiwan sa ibabaw ng kanilang hapag-kainan mula pa sa naging hapunan nila ng nakaraang gabi. Sinilip nya ang kanilang lababo. At tulad ng inaasahan niya, nakita niya doon ang mga plato, baso at mga kubyertos na pawang hindi pa mga nahuhugasan.

Sa gitna ng lamesa ay may isang pinggan na nakabalot ng aluminum foil. Alam na niya kaagad na ang nakabalot na pagkaing ito, ay para talaga sa kanyang agahan na inihanda ng kanyang Mama. Agad niya itong binuksan sa pagkakabalot at masayang kinain habang mainit-init pa.

Lumabas siya sa likod ng kanilang bahay mula sa service door. Maganda ang sikat ng araw. Ilang hakbang lamang mula sa pintuan, mararating na ang sulok ng bakuran kung saan nakagawiang maglaba ng kanyang Mama. Napansin ni Bimbo na ang mga maruruming labahin ay nakalublob na sa batyang puno ng tubig, ngunit hindi pa ito nasisimulang labhan.

Bukod pa dito ay ang nagkalat na mga tuyong dahon ng kaimito sa buong paligid. Inikot niya ang gilid ng bahay patungo sa kanilang harapan at saka siya pumasok sa main door.

"Bakit kaya hindi nakapaglinis ng bahay si Mama?" tanong niya sa kanyang sarili. Sa pag-iisip niya ay napatingin siya sa kalendaryong nakasabit sa likod ng kanilang pintuan.

"Sunday ngayon. May 13, 2012... Hmmmm..." biglang nagliwanag ang mga mata ng munting bata.

"Aha! Mother's Day pala ngayon ah!" ang naibulalas niya sa kanyang sarili.

Sa natatanging araw na ito, naisip niyang gumawa ng maganda ngayon para naman matuwa ang Mama niya pag-uwi nito sa bahay. Dahil wala naman siyang pera, hindi siya makakapagbigay ng kahit na anong regalo sa Mama niya, kaya ito na lamang ang pinakamabuting magagawa niya.

My Mama. Priceless.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon