12:22 PM.
Nagmamadaling bumaba mula sa sinakyang tricycle si Jane galing sa trabaho ngayong araw. Alam niyang maraming naghihintay at nakaabang na mga gawain sa kanilang bahay, sa kabila ng sobrang pagod at gutom na ang nararamdaman niya sa mga oras na iyon. Inaalala din niya na hindi pa kumakain si Bimbo, ang kaisa-isa nilang anak kaya kailangan na niyang magmadali.
Inabot muna ng mga limang segundo bago niya nakita ang mga pagbabago sa loob pagkabukas niya ng pintuan.
Malinis at maayos na ang lahat. Nilakad niya mula sala hanggang sa kusina. Wala nang ang mga dumi at mga nagkalat na gamit na inaasahan niyang tatambad sa kanya. Sinilip niya mula sa bintana ang likod-bahay. Maging ang mga ito ay nasa ayos na rin. Napangiti siya.
"Ano kaya'ng nakain ng anak ko ngayon?" ang natutuwang tanong ni Jane sa sarili.
Maya-maya pa'y napansin niya ang isang nakatuping papel na nakaipit sa isa sa mga magnetic memo holder sa kanilang ref matapos siyang kumuha ng maiinom na tubig dito.
Binuklat niya ang papel. Isa itong sulat para sa kanya. Alam na niya kaagad sa paraan ng pagkakasulat kung sino ang may gawa nito - ang anak niya. Binasa niya ang nilalaman ng sulat:
======================================================================
Dear Mama,
Happy Mothers' day po! Sana po nagustuhan nyo po yung ginawa kong paglilinis ng bahay natin. Ito lang po kasi yung magagawa ko para pasalamatan kayo sa lahat-lahat. Wala rin po kasi akong maibibigay na gift eh, kaya ito na lang.
Mama, doon po sa paglilinis ko ng sala, singilin ko po kayo ng 50 pesos, tapos 30 pesos naman po yung pagliligpit ko ng mga gamit doon.
Yung paglinis ko po sa kitchen natin tsaka sa table, 50 pesos na lang din po. Marami po pala tayong pinagkainan kagabi, kaya po hinugasan ko na lahat. Sige po, 60 pesos na lang yun lahat-lahat.
Oo nga po pala Mama, yung bakuran natin nilinis ko na rin, 40 pesos na lang po yun. Tapos nalabhan ko na rinpo lahat ng mga naiwan mong labahin kanina. Yun po yung pinakamahirap tsaka pinakamatagal na ginawa ko. Kaya po medyo mahal po yun - 100 pesos po.
Bale Mama lahat-lahat po, 330 pesos po yung kailangan ko. Sorry po Mama kung ganyan kalaki. Ganun po talaga.
Happy Mothers' day po ulit. I love you Mama!
Bimbo
======================================================================
Hindi makapaniwala si Jane sa mga nabasa niya. Habang binabasa niya ito'y unti-unting nag-iinit ang kanyang ulo. Halos malukot na niya ang papel na ito sa sobrang galit.
Agad siyang pumunta sa kwarto ng anak kung saan niya inaasahang makita ang bata. Sakto namang kagigising lang ng bata at aktong pababa na sa kama.
"Mama! Nandito ka na pala..." ang nasasabik na bati ni Bimbo, "nabasa nyo po ba yung su---"
"Ano'ng ibig sabihin nito? Ito ba ang natutunan mo sa eskwelahan nyo, ha Bimbo?" ang halos pasigaw niyang sukli sa pananabik ng kanyang anak. Pahampas na inilapag ni Jane ang sulat sa side table sa tabi niya.
"Kailan pa kita tinuruan na manghingi ng pera sa bawat gagawin mo? Hindi mo ba alam na hindi magandang ugali yon!? Ano ka ba namang bata ka ha? Nanghihingi ka ng ganyang kalaking pera dahil lang sa naglinis ka ng bahay natin? Kaya mo lang ba 'yan ginawa dahil jan, ha, Bimbo?" hindi na maawat sa pagsasalita si Jane dala ng sobrang galit at pagkairita.
"Eh... k-kasi po... Ma-Mama, kasi po..." nanginginig na ang boses at malapit nang umiyak ang bata. Hindi niya inaasahan na ganoon ang magiging reaksyon ng Mama niya sa kanyang mga nagawa. Hindi niya akalain na magagalit ang Mama niya sa kanya.
"Anak, hindi mo ba alam kung magkano ang nagastos ko sa'yo noong ipinanganak kita? Halos trenta mil ang ibinayad ng Papa mo sa ospital. Hindi pa kasama ang mga gamot at mga gamit mo. Siningil ba kita ha? 'Di ba hindi?"
"Sa bawat taon na nagbe-birthday ka, hindi mo ba alam kung magkano lagi ang budget namin para lang maging masaya ka sa birthday mo? Anak, ni minsan hindi ka namin siningil."
"Simula noon hanggang ngayon na pinag-aral kita: lahat ng gastusin namin sa tuition mo, sa baon mo sa araw-araw at sa iba pang mga gastusin mo, sa mga field trips nyo, sa mga projects nyo... Lahat yon, libre na sa'yo Bimbo, hindi ka namin hiningan ng bayad...!"
Sunud-sunod pang mga mapanumbat at mabibigat na salita ang pinakawalan ni Jane kay Bimbo. Hindi tama na iparinig at ipakita sa isang batang walang alam ang ganitong galit - galit na nagsimula lamang sa mababaw na dahilan, na nagbabadyang mag-iwan ng malalim at mahirap na malunasang sugat sa kalooban...
Tahimik lamang na nakayuko at humihikbi ang bata dahil sa mga naririnig niya mula sa Mama niya, pinipigilang dumaloy nang tuluyan ang luha at ang kinikimkim na hinanakit.
Kumalma sumandali si Jane at natigil pansamantala ang kanyang pagsasalita dala na rin ng pagod. Pagkatapos ay pumasok ito sa kanyang kwarto na katapat lamang ng kwarto ni Bimbo. Ilang sandali lamang ay lumabas ito ng pinto at muling pumasok sa kwarto ng bata.
"Ito ang halagang kailangan mo 'di ba ha, Bimbo?" ipinatong ni Jane ang eksaktong halaga ng pera na kailangan ng bata sa side table.
"Sige, bahala ka. Bilhin mo kung ano gusto mong bilhin diyan. Gastusin mo hangga't gusto mo. Sana maisip mo kung gaano kahirap kitain ang pera." tila suko na rin si Jane at tuluyan nang humupa ang kanyang galit. Walang imik muli itong lumabas ng kwarto at dumiretso sa sariling kwarto. Naupo siya sa kama habang nakahawak ang dalawang palad sa ulo.
Sumama bigla ang pakiramdam niya dulot ng labis na gutom at pagod, na sinundan pa ng isang hindi inaasahang sulat naging dahilan para ikagalit niya sa napakababaw na dahilan. Humiga siya sa kama at tuluyang nakatulog dahil dito.
Samantala sa kabilang kwarto, nanatili sa pagkakaupo at sa pag-iyak ang bata.
BINABASA MO ANG
My Mama. Priceless.
Short StoryDebut story ko ito dito sa Wattpad. Dahil na rin sa ilang linggong panghihikayat, pang-uuto at pang-uudyok sa akin ni Missey, a.k.a. MariaAlona (i-search nyo sya, bilis!) na magsulat na ng istorya ko dito sa Wattpad - oh ayan, heto na, napagbigyan k...