Siguro’y tadhanang tayo ay magkita,
dito sa mundong milyon-milyon ang nakatira.
Tadhana rin sigurong sayo’y napatingin,
at aking napuna katangian mong angkin.
Tadhana rin marahil ang mahalin ka,
sa kabila ng pader na nakaharang, sinta.
Tadhana nga siguro kung ating iisipin,
kung paano natin pinuno ang bawat nating damdamin.
Ngunit ang tadhana’y tila mailap nga,
mahilig magbiro, kumitil, sumira!
Pusong umiibig, pinilit mong wasakin,
hindi na mabubuo, pilitin mang pagtagpiin.
Tadhana nga siguro ang siyang sa aki’y nagdikta,
na pag-ibig ipaglaban, huwag agad pakawalan ka.
Ngunit tadhana rin ang sayo’y pilit umaangkin,
gumawa ng mga bawal na maghihiwalay sa atin.
Kung tadhana ngang kita ay makilala,
o, sa tadhana’y di ako maniniwala pa!
Dahil kung tadhana man ang naghatid sa’yo sa akin,
tadhana rin siguro ang nagsabing ako’y iyong lisanin.
(Tinadhana kasi sila allen at krizel)