Chapter 2.

162 3 1
                                    

Chapter 2.

"Sino sabi kayo e?!"

Lalo kaming tinutukan ng mga baril. Lalo na 'yung babae. Gigil na gigil sa pagtatanong. Nakataas na 'yung mga kamay namin ni Rex. Si Rex naman, patuloy sa paghagulgol. Naisip kong 'di naman na makakapagsalita 'to kaya ako na lang ang sasagot.

"Ako si Jasper, ito si Rex," sabi ko sa babae. Na-intimidate yata. Kalmado lang kasi 'yung pagkakasabi ko kahit na alam ko sa sarili ko na natatakot din ako. Lalo akong tinutukan ng baril nung babae. Nakalapat na sa noo ko 'yung mahaba niyang baril.

"San kayo galing?" sunod niyang tanong.

"Sa kabilang barangay. May nagsabi sa 'min na evacuation center 'to kaya dito kami nagpunta."

Nagtinginan silang apat. Parang mga nag-uusap gamit 'yung mga mata nila. Medyo matagal din 'yung titigan nila hangga't sa nagsalita 'yung isang lalaki. Mukhang matanda. Nasa forties siguro. May konting balbas at bigote tapos mukhang maskulado. Parang galing sa giyera 'yung katawan.

"Ryan, paki-tignan nga sila. 'Yung maayos na pagkakatingin. Ayokong may makalusot na naman na isang infected dito," sabi nung matanda.

Kumilos 'yung katabi niyang lalaki. Ibinaba 'yung baril na hawak saka kami nilapitan. 'Yung isang lalaki na nakasalamin pati na 'yung babae e lumapit din at hinawakan kami ni Rex sa kamay na para bang 'yung ginagawa ng mga pulis sa mga kriminal. Inuna niyang kapain ang mukha ni Rex, pababa nang pababa hanggang sa paa. Walang pinapabayaang isang lugar ng katawan ni Rex e hindi matignan. Sinunod niya ako. Nang hawakan niya 'yung mukha ko at kinapa-kapa, kitang-kita ko 'yung kunot niya sa ulo. Mukhang galit na galit. Pagkatapos niya 'kong kapain, tinanguan lang niya 'yung matanda saka siya bumalik sa baril niya.

"Sino ba kayo? Ba't niyo kami kinapa?" tanong ko sa kanila. Hinigpitan ng babae 'yung pagkakahwak niya sa kamay ko na para bang naghi-hint na 'wag akong magsalita. Napa-aray ako ng konti dun. Pero 'di nila 'ko kayang pigilan sa pagtatanong ko.

"Akala ko ba evacuation center 'to? Asan 'yung iba? Bakit may mga baril kayo? Ano bang nangyayari sa---"

"Pwede bang tumahimik ka?!" sinigawan ako nung babae. Nbasag yata eardrums ko sa lakas ng pagkakasigaw niya. Hindi p nakuntento, binitawan ang mga kamay ko saka tinutukan ulit ako ng baril. 

"Pre, 'wag ka na lang magsalita...baka bigla nilang pasabugin ''tong mga ulo natin..," bulong sa 'kin ni Rex habang lumuluha.

Ewan ko kay Rex, pero ako naiinis na sa mga nangyayari. Una biglang nagka-zombie apocalypse, tapos ngayon hostage kami ng apat na wirdong 'to na may mga hawak na baril. Gulung-gulo na 'tong isip ko. Kailangan kong malaman kung ano ba talagang nangyayari.

"Hindi ako tatahimik hangga't hindi sinasabi ng mga wirdong 'to kung anong nangyayari!" sigaw ko.

Napatingin silang lahat sa 'kin. Patay. Baka katapusan ko na. Mali yata 'yung pagkaka-express ko sa sarili ko. Teka, bawi, bawi...

"Sorry, natatakot din naman kami, ang gusto lang namin---" nagsimula ulit akong magsalita pero pinutol ulit ako nung babae.

"Gusto mong malaman kung anong nangyayari?! Ha?! Pwes sasabihin ko sa 'yo ngayon kung anong nangyayari! May kumalat na impeksyon sa ibang bansa na dahilan kung bakit naging parang zombies na ang mga tao! Kumakain sila ng mga kapwa tao nila habang 'yung iba ikinakalat ang virus! Kumalat na 'to dito sa Pilipinas kaya ngayon ginagawa naming apat na wirdo ang lahat para mabuhay! Naiintindihan mo ba?! Sige! Ano pang gusto mong malaman?! Gusto mo idetalye ko pa sa 'yo kung pa 'no kumalat 'yung impeksyon?! Ha?! Ano?! Gusto mong---"

"Kai...tama na 'yan," biglang sabi nung matanda.

Intense. Tumigil 'yung babae sa pagsigaw. Huminga siya ng malalim at muling itinutok 'yung baril niyang hawak sa 'kin. Nilapitan kami ng matanda tapos sinenyasan 'yung tatlo na ibaba ang mga baril nila. Sinenyasan din niya kaming umupo sa may gilid ng gymnasium kung saan nandun 'yung mga upuan. Inutusan niya 'yung lalaking nakasalamin na bigyan kami ng tubig na siya namang sinunod ng lalaki. Pagkatapos maging kalmado ang lahat, tinabihan kaming dalawa ni Rex ng matanda. Habang 'yung tatlo nasa kabilang dulo ng gymnasium.

"Pasensya ka na kay Kaitlyn. Stressed na 'yung batang 'yun. Simula nang mangyari 'tong gulong 'to, naging mainitin na ang ulo," sabi nung matanda.

"Anak niyo po 'yun?" tanong ni Rex. Ngumiti ng konti 'yung matanda saka sumagot.

"Oo, anak ko 'yun. Si Andrew 'yung nakasalamin tapos si Ryan 'yung isa. Ako nga pala si Filo pero Tito na lang din itawag niyo kasi Tito din tawag nila Ryan sa 'kin e."

Tumahimik saglit. Pero masyado akong maraming tanong kaya kinuha ko 'yung pagkakataon.

"Bakit kayo may mga baril?" tanong ko.

"Para patayin 'yung mga 'infected' na sinasabi nila. Zombies ba."

"Oo nga po pero san niyo naman nakuha 'yang mga 'yan?"

"A...sundalo kasi ako, saka mahilig akong mangolekta ng mga firearms. Buti na nga lang meron akong mga ganito, kung hindi baka kung ano na nangyari sa 'min. Buti na lang din madali turuan 'yung tatlo sa paggamit neto."

"Kailangan ba talagang patayin 'yung mga zombies?"

"Nung pumunta kayo dito, hindi ba kayo pumatay ng ilan?"

"Pumatay na pero..."

Tinignan niya 'ko saglit sa mga mata. Parang ine-examine bawat kilos at salita ko. Saka siya nagsalita.

"Alam mo bang ilang araw ng nangyayari 'tong apocalypse na 'to?"

"Ho?"

"Siguro mga isa o dalawang linggo nagsimula sa ibang bansa tapos nakarating dito sa 'tin mga tatlong araw na. Pero hindi ibinabalita sa mga tao kasi ayaw ipaalam ng mga nasa taas na may malaking problemang nagaganap. Kaya saming mga sundalo lang sinabi kung ano talagang nangyayari. Pagpatay lang sa mga naging biktima ang nakikitang solusyon kasi wala pang antidote ang nagagawa. Baka nga wala na talagang antidote na magawa."

"Pero baka may ibang paraan, 'di lang nila makita 'yun. Minsan ding mga inosenteng tao 'tong mga zombies na tinatawag natin ngayon baka naman---"

" 'Wag ka ng umasa," biglang sumingit 'yung babae, si Kai, "oo nga, mga inosenteng tao din sila dati, pero dati 'yun. Wala na sila sa katinuan pati mga kaluluwa. Parang mga totoong zombies. Kung hindi natin sila papatayin, hindi tayo mabubuhay."

Napabuntung-hininga na lang ako. Alam kong walang point pa kung makikipag-away pa 'ko sa kanila. Tinignan ko si Rex. Nakatungo siya at tulala. Tumigil na siya sa pag-iyak pero alam kong gulung-gulo din ang isip niya ngayon. Kanina lang nasa isang boring ako na klase tapos ngayon heto kami, namomroblema na kung pa'no kami mabubuhay sa isang mundong parang naging isang video game sa isang segundo lang.

"Anong plano niyo ngayon?" tanong sa 'min ni Kai. Sumagot ako.

"Ha? 'Di ba evacuation center 'to?"

"Evacuation center nung hindi pa hinahawaan ng mga zombies 'yung mga taong tumigil dito," biglang nagsalita 'yung Ryan. Malalim 'yung boses niya saka medyo nakakatakot. Nagsalita din bigla si Andrew.

" 'Yun din 'yung sabi sa 'min, evacuation center. Pero mga taong kinakain na ang isa't isa ang nadatnan namin. Buti na lang konti pa sila, naagapan namin."

"Kaso kasi---"

"Aalis din kami bukas na bukas. Magpapalipas lang kami ng gabi dito. Kailangan naming mabuhay kaya hindi kami titigil dito."

Patay. Ano ng gagawin namin ni Rex? Hindi naman kami basta-basta pwede umuwi sa mga bahay namin. Masyadong delikado kung kami lang saka sobrang layo ng bahay ni Rex. Minsan nga lang saisang taon siya umuuwi e. Tapos malapit pang mag-gabi. Kung totoo man 'yung mga nasa video games, mas malala umatake 'yung mga ganitong nilalang kapag gabi. Ayoko ngang mamatay. Hindi pwede 'to. Isip...Isip...Isip...

"Isama niyo kami," nagsalita bigla si Rex.

"Rex?" sabi ko. Sumagot si Kai.

"Ha? Anong isama? Hindi pwede 'yan. Magiging pabigat lang kayo sa 'min. Malalaki na kayo kaya niyo na mga sarili niyo. Saka---"

"Edi turuan niyo kami."

"Ha?"

"Turuan niyo kami. Gaya niyo, gusto din naming mabuhay. At aaminin ko, 'di namin kayang mabuhay kapag kaming dalawa lang ni Jasper. Turuan niyo kami at isama niyo kami kung san kayo pupunta."

Nabigla yata sila kay Rex. Maski ako nabigla.

Nagkatinginan silang lahat. Baka may pag-asa pa kaming mabuhay.

'Di naman nakakatakot.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon