Bampira

35.9K 302 30
                                    

Ika-labing limang siglo noon ng dumating ang mga bampira sa aming lugar. Lahat ng mga kakilala ko, pati na rin ang mga malalapit kong kaibigan at mga mahal sa buhay, ay naging biktima ng mga bampirang ito na pumarito mula sa kawalan.

Naaalala ko pa noong sumugod sila sa aming tahanang gawa sa bato, naghahapunan kami noon. Naalala ko pa na ang ulam namin noon ay nilagang okra at talbos ng kamote. Paborito ng pamilya namin ang gulay. Bihira kaming kumain ng karne. Isinusuka namin ang dinuguan.

Nang dumating ang mga bampira ay pinagtulung-tulungan nilang lapangin ang aking nanay, tatay, kuya, ate, at ang sanggol kong kapatid. Ako naman ay dali daling nagtago sa ilalim ng mesa. Dahil abala sila sa pag-inom ng dugo ng aking pamilya ay hindi nila napansin na nakatakas ako. Nagmamadali akong tumakbo papunta sa aking kwarto at doon ay nagkulong. Pinakinggan kong maigi ang aking paligid, baka kasi maisipan ng mga gutom na bampirang iyon na puntahan ang mga silid.

Ngunit tumahimik ang buong paligid. Maya maya ay narinig ko ang mga kaluskos papunta sa aking kwarto. Dali dali akong nagtago sa ilalim ng aking kama.

Tok! Tok! Tok!

Nanginginig na ang buo kong katawan.

Tok! Tok! Tok!

Napapikit ako sa sobrang takot.

Biglang tumigil ang pagkatok.

"Mariam, buksan mo ang pinto. Ang nanay ito."

Buhay ang nanay ko? Sumilip ako sa siwang ng aking pinto. Nakita ko ang apat na pares ng paa sa labas ng aking pintuan—ang nanay, tatay, ate, at kuya! Agad kong binuksan ang pintuan. Hindi ko maipaliwanag ang ligayang aking naramdaman nang makita kong buhay ang aking pamilya. Pati si baby ay buhay! Karga karga siya ni ate.

Napansin kong nakatitig lang sila sa akin. Para silang mga puno.

"Akala ko po patay na kayo," sabi ko na lamang sabay yakap sa aking nanay.

Ang lamig ng katawan ng aking nanay!

Maya maya ay naramdaman ko na lamang na itinulak ako ng aking tatay papasok sa loob ng aking kwarto. Napasalampak ako sa sahig. Pinaikutan nila ako. Sinulyapan ko isa-isa ang mukha ng aking pamilya. May dugo sa kanilang mga labi, tumutulo ito sa aking mukha.

Sinunggaban ako ng aking kuya. "Parte ka ng pamilyang ito Mariam. Kailangan ay maging katulad ka namin."

"Ayoko! Ayokong maging bampira!" sigaw ko.

Tumahimik sila. Yumuko. Napansin ko na nakangiti silang apat. Kitang kita ko ang kanilang mga pangil.

"Kung ganun, mananatili kang tao," anya ng aking nanay. Patuloy ang pagtulo ng dugo sa bibig nito.

"Pero... may kapalit ang pagiging tao mo," sabi ng aking tatay.

Kinabahan ako. "An...o po?"

Bumalik ang tingin nila sa akin. "Ikaw ang magiging pagkain namin."

Ibinaba ng aking ate si baby sa sahig. Gumapang ito papunta sa akin. At iyon ang huling bagay na naaalala ko, ang napakasakit na pangil ng aming bunso na nakabaon sa aking leeg.

 FIN


***the whole book is available at https://stories-on-the-go.myshopify.com. salamat po :)

The Horror Koleksyon Book 1 (completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon