Love Paradox
By Semionah
PROLOGUE
Year 1962, Paris, France
KABABALIK lamang ni Anton sa hotel na tinutuluyan nang tumawag sa kanya ang inang si Doña Mariz Arada. Bagaman nakikinita na ang mahaba-habang sermong aabutin ay hindi niya pa rin mapigilang mabugnot sa mga litanya ng ina.
“What’s with you, Anton? Mag-papasko pa naman pero wala ka rito sa bahay,” anito. Bakas ang pagtatampo sa boses.
“Ma, hayaan n’yo muna ako rito,” sagot niya.
Ang totoo, naglayas siya dahil nagkatampuhan sila ng kanyang ama. Hindi na niya kaya ang pagmamando nito. Ayos lang sana kung maliit na bagay lang ang hinihingi ngunit ang hilinging ipakasal siya sa isang babaeng ni hindi niya kilala ay sobra na. Tama nang naging sunud-sunuran siya rito sa loob ng napakaraming taon.
“Hijo, pagpasensiyahan mo na lang ang ama mo. Nagbibiro lang siguro iyon,” mahinahon nang sabi nito.
“Nagbibiro? You must be kidding, Ma. Alam mong kapag may ginusto si Papa ay hindi siya titigil hangga’t hindi iyon nakukuha,” nanggigilalas na saad niya.
Saglit na natahimik ang ina niya sa kabilang linya. Pagkaraan ay bumuntong hininga ito. “Anak, I think you should at least see her. Malay mo naman, magustuhan mo siya. Her name is Mirinda Maaño, anak ng kababata ng ama mo.”
Mirinda…
Sa sinabi ng ina ay nakaramdam siya ng kaunting inis. Para na rin kasi itong pumanig sa mapagmanipula niyang ama. “No, Ma. Mabuti pa sigurong tapusin na natin ang pag-uusap na ‘to. Babalik din naman ako riyan pagkalipas ng isang linggo.”
“Anton, I still think that you should give it a try. Hindi mo ba nakikita kung gaano kasaya ang ate mo sa piling nina Edgardo at Rob?” balewalang tugon nito.
Ang tinutukoy ng ina niya ay ang asawa ng kanyang Ate Charese na si Edgardo Jimenez at ang sampung taong gulang na anak ng mga ito na si Rob. Tuwang-tuwa siya sa pamangkin dahil bukod sa pagiging bibo ay napaka-vocal din nito sa pagsasabing siya ang paboritong tiyuhin.
“Ma, I also want to have my own family someday, but not now. Bakit ba kasi atat na atat si Papa na magpakasal ako?” naiinis pa ring saad niya.
“I don’t know, son. Maybe—”
“Maybe he’s just bored with his life so he wants his son to suffer the consequences of his impetuous decisions,” naiiling na putol niya sa balak sanang sabihin ng ina.
“No, Anton. I think he has his own reasons,” matatag na sabi nito.
Nagkibit-balikat na lamang siya. “Whatever it is, I don’t like it.” Sasagot pa sana ang kanyang ina ngunit inunahan na niya ito. “Ma, Good bye for now. I… I still have to do something.”
He heard her sighing again. Halatang napipilitan lamang itong tapusin ang kanilang pag-uusap. “Okay, Anton. Mag-ingat ka diyan. Tawagan mo kami kung uuwi ka na.”
“I will, Ma. Bye.”
Dahan-dahan niyang ibinalik ang telepono sa cradle nito. “I…want to be free for once,” mahinang anas niya at pinakatitigan ang Eiffel Tower na tanaw na tanaw mula sa bintana ng Shangri-La Hotel Paris.
NAPADPAD si Anton sa Louvre Museum ilang oras matapos makausap ang ina. Napagdesisyunan niyang lumabas ulit ng hotel dahil nainip siya roon. Alas sais pa lang ng gabi at marami pang oras bago niya tagpuin ang tiyuhing nasa Paris din ng mga oras na iyon. Ang tiyuhing ito ay si Alfonso Arada, half-brother ng ama niyang si Don Anacleto Arada. Mas matanda ang ama niya ng humigi’t kumulang na sampung taon sa tiyuhin.