Mga magulang ko ay galak na galak
Nang malamang lalaki kanilang anak
Ako'y kanilang pinagmasdan
Di maipaliwanag kanilang kligayahan.
Sa mga pagtitipong sasapit
Bibig ni ama ako lagi ang sinasambit
Siya ay punong-puno ng kasiglahan
Kanyang bukang-bibig "Junor" ko yan
Tuwing kaarawan ko'y darating
Tila ba sa amin ay may piging
Hindi maaaring walang handaan
Pagkat si “Junior” ang may kaarawan
Sa tuwing darating si ama
Ako ang unang hahagkan niya
Mata ng aking mga kapatid nanliliit
Dulot ng sa akin matinding inggit
Upang ako sa kanila’y mapalapit
Laging sa laro nila ako sumisingit
Sinusunod lahat ng iutos nila
Kahit na ako’y pinaglalaruan na nila
Dimatamitan nila na parang manika
Mukha ko’y pinipintahan pa
Hanggang sa akin ng nagustuhan
Mga larong para sa kababaihan
Isang gabi naabutan ako ni ama
Nakabistida at naka-“make-up” pa
Di na kami nakapagpaliwanag pa
Mga kapatid ko nalapatan ng kamay niya
Di namin napigilan ni ina si ama
Pagkat kitang-kita ang galit sa mata niya
Umiiyak akong lumapit sa kanya
Sinabing ako ang may gawa nito at di sila
Sa harap ina ako’y kanyang binugbog
Sa timba ng tubig mukha ko’y nilubog
Pati mga kapitbahay ay nabulabog
Sakit ng katawa’t kahihiyan ako’y lamog
Kay tagal nang panahon ang nakalipas
Pagiging lalaki pa rin ang ipinamamalas
Di ko na gustong iyon ay maulit muli
Nang pag-ibig ni ama kay “Junior” manatili