Simula

58 7 0
                                    

Dalawampu't limang siglo na ang lumipas mula sa paglalang ng Panginoong Irmo sa buong uniberso. Kasama na rin doon ang pagtalaga niya kay Emyr bilang Diyos ng planetang Earth.

Ang Earth ang pinakamaganda at pinakamayamang planetang nalikha ng Irmo. Ito ang nag-iisang planetang sagana sa likas na yaman. Mga yamang bubuhay sa mga taong nilikha Niya.

Sa pamamalagi ng mga tao sa Earth ay nadadagdagan din ang kanilang kaalaman sa buhay. Natututo silang paunlarin ang mga sarili at ang kanilang bayan. Ikinatutuwa ng Panginoong Irmo ang nakikitang pagkakaisa ng mga tao kaya naman hindi siya nagkulang sa pagbibigay ng biyaya sa mga ito.

Subalit habang tumatanda ang daigdig, tumatanda rin ang mga tao. Namamatay upang muling lumikha ng panibago at mabubuhay sa mga susunod na henerasyon. Sa patuloy na pag-inog ng mundo ay hindi maiiwasang maganap ang sari-saring pagbabago. Simula sa mga tao, sa paligid hanggang sa kaibuturan ng sanlibutan na nagdudulot ng hindi magandang pangitain sa kalangitan. Labis itong ikinalulungkot ng Panginoong Irmo. Hindi niya na makilala ang mga tao.

Samantala, sa lupa, hapon, kapansin-pansin ang pamumula ng mga ulap sa kalangitan. Unti-unti nang nagtatago ang haring araw sa likod ng nakalbong kabundukan. Walang kabuhay-buhay ang paligid. Mistulang mga kabaong ang mga nagtatayugang gusaling makikita mula sa himpapawid. Matatanaw rin sa iba't ibang panig ang mga táong tila mga patay na nagpapalakad-lakad sa lupa. Pawang may kaniya-kaniyang ginagawa.

Sa isang pamayanan na kung tawagin ay Evieda, lugar na kinatatakutan ng lahat at pinaniniwalaang pinamumugaran ng mga halimaw. Isang binata ang humahagibis na tumatakbo habang hinahabol ng mga kalalakihan. Animo mga ninjang nagpatalon-talon sa mga kabahayan. Kung saan-saang iskinita ang nilusutan. Tumatagaktak na ang pawis niya at todo na ang paghingal ngunit hindi niya alintana ang pagod na nararamdaman.

Napamura siya nang matanaw ang patuloy na paghabol sa kaniya ng mga halimaw. Dinoble niya ang bilis ng pagtakbo upang iligaw ang mga ito. Makalipas ang ilang oras sumuot siya sa mga nakatambak na basura. Sa ganoong paraan hindi matutunton ng mga halimaw na kung tawagin nila'y Hernirion ang natural niyang amoy.

"Mga Hernirion! Nandiyan na ang mga Hernirion, magsitago kayo!" Umalingawngaw ang natatarantang tinig ng isang Ginang dahilan upang manigas si Rett. Noon niya lang napansin na may mga tao sa hindi kalayuan sa kaniya.

Natanaw niyang nagpulasan ang mga kasama nitong kumakalkal sa kalapit na basurahan marahil naghahanap ng makakain. "Halika, anak!" Mabilis na hinatak ng Ginang ang anak at tumakbo upang iligtas ang kanilang buhay. Subalit sa kasamaang palad ay sa mga kamay pa rin ng masasamang nilalang ang kanilang kinasadlakan. Walang awa silang pinaslang ng mga ito. Ganoon ang sinasapit ng mga mahihina sa lipunang kinabibilangan. Kamatayan.

"Buwisit!" nakatiim-bagang na usal ni Rett. Gusto niyang sugurin ang masasamang nilalang na iyon ngunit huli na siya. Kung may kapangyarihan lamang na pumatay ang kaniyang mga tingin, naiganti niya sana ang mag-anak na pinaslang ng mga hinayupak na Hernirion. Umiwas siya ng tingin nang simulang pagsisibain ng mga halimaw ang mga biktima nito.

Nagngingitnit ang kalooban niya. Gusto niyang pumatay. Sumulyap siya sa isang bag na naglalaman ng mga pagkaing ninakaw niya sa pamilihan, inayos niya ang pagkakatali niyon sa kaniyang katawan. Inilabas niya ang kaniyang sandata. Ilang saglit lamang ay lumabas siya sa pinagtataguan.. Nanahimik lamang siya habang inihahanda ang mga ginawa niyang bomba. Hindi pa man siya hustong nakalalapit ay napansin na siya ng isa na nasundan pa ng iba.

Ngumiti lamang siya at bumati sa mga ito. "Kumusta? Mukhang nag-eenjoy kayo sa kinakain niyo, a. Masarap ba?" Tiningnan lamang siya ng mga ito gamit ang nanlilisik na mga mata. Napasulyap siya sa gutay-gutay na katawan sa paanan ng mga ito. Hindi niya maatim ang sinapit ng pobreng mga nilalang. Kaya naman hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Tinapunan niya ang mga ito ng bomba bago sinalubong ang mga natira. Sinamantala niya ang pagkakataon na nabubulag ang mga ito sa usok at walang habas niyang iwinasiwas ang patalim na sandata.

Ngunit sadyang malas nga siya ng araw na iyon. Naisahan siya ng isang Hernirion. Namalayan niya na lamang na hawak na siya nito sa leeg habang nakaangat ang mga paa sa lupa. Nasa malayo ang kaniyang sandata.

"Isa kang kahanga-hangang mortal. Ngunit oras na upang ika'y mamatay," nakangising wika ng lalaking may hawak sa kaniya. Saglit niyang natitigan ang matutulis nitong mga ngipin. Halos bumaliktad ang sikmura niya sa karimarimarim nitong anyo at masangsang na amoy. Matapang niyang sinasalubong ang mga mata nitong may maliit lamang na itim na bilog sa gitna.

Ipinagpatuloy niya ang pagmamatapang. Nagpumiglas siya. Subalit hinigpitan lang lalo nito ang pagkakasakal sa kan'ya. Hindi niya magawang kumawala. Unti-unti rin hinihigop ang lakas niya. Napatingin siya sa kalangitan. Noon niya lang napansin ang papadilim na paligid. Napahinto siya sa pagpiglas. Napatitig sa itaas.

Nagtatanong ang kaniyang isipan. May sasagip ba sa kaniya? May isang bahagi ng kaniyang isip na gustong humingi ng saklolo sa nilalang na hindi nakikita pero sinasabing makapangyarihan. Siya raw ang Maylikha. Subalit may bahagi rin na tila ayaw makisama.

Imposible.

Lihim siya napangisi kasabay ng pagpikit ng mga mata. Kasabay ng pag-amin sa sarili na suko na siya. Walang tutulong sa kaniya. Ito na nga marahil ang katapusan niya.

Sumagi sa isipan niya ang pamilyang umaasa at naghihintay sa kaniyang pagbabalik. Dumaing siya. Nalukot ang mukha sa labis na paghihirap na nararanasan.

Subalit bigla siyang napadilat nang marinig niya ang kakila-kilabot na tunog ng kidlat kasabay ng pagdagundong ng kalangitan. Maging ang mga halimaw na nasa paligid niya'y natigilan. Naramdaman niyang bahagyang lumuwang ang pagkakahawak sa kaniya sa leeg. Nang muling kumulog at kumidlat ay noon lamang siya binitawan ng tuluyan.

Hinang-hina siyang bumagsak sa kalsada. Mabilis na nagpulasan ang mga kampon ng kadiliman at iniwan siya sa gitna ng daan. Habang yumayanig ang lupa. Nagsikap siyang tumayo upang iligtas ang sarili. Upang lumayo sa mga nagbabagsakang gusali.

Hindi niya maunawaan ang mga nangyayari subalit isa lang ang pumapasok sa isip niya. Ang pamilya niya. Nag-aalala siya, kailangan niyang makauwi agad.

Ngunit alam niya sa sariling malabong mangyari iyon. Kitang-kita niya ang pagkakagulo ng mga tao, ang takot sa mga sigaw nila ng saklolo. Takbo lamang siya nang takbo bagama't susuray-suray.

Maliban sa nararamdamang takot at pag-aalala ay may isa pang emosyon ang sumusuot sa kaniyang puso, galit. Habang nakikita niya ang mga nagliliwanagang bagay na mistulang mga bulalakaw na bumabagsak sa lupa ay hindi niya maiwasang makaramdam ng galit.

Ano bang ibig ipahiwatig ng nasa itaas?

'Kung totoo ka man, hindi Mo talaga ako binibigo upang magalit Sa 'yo,' naisaloob niya. Huminto siya. Pagod na pagod na. Sumalamin sa kaniyang mga mata ang apat na makukulay na bulalakaw na bumubulusok sa lupa. Marahil magugunaw na ang lahat. Sana nga, totoo na.

Stellar GuardiansWhere stories live. Discover now