Couple Shirt

119 4 4
                                    

"...pero ang 'di nila alam mayroon akong kakaibang kakayahan. Kayo, nais nyo bang malaman?"

Hindi.

"Gising ako pag gabi. Sa bwan ako kumukuha ng lakas. Ano ako?"

Aswang.

"Werewolf? Hindi."

Bampira.

"Ako si Sailormoon. Ang tagapagligtas ng mga batang nagdarahop."

At sa lahat ng sinabi nya, dun lang ako natawa.

Nagpakilala sya, masining na pagpapakilala para sa subject namin na Retorika. Summer class. Pwedeng hindi naka-uniform at nagkataon na pareho kami ng naisuot na damit.

Keep Calm Mo Mukha Mo

Tshirt na mabibili sa malapit na mall. Nung nakaraang taon ko pa 'to binili, wala na nito ngayon dun. Kaya nagtataka ako kung bakit ngayon ko lang nakita na may kapareho pala ako ng damit.

Sabagay, magkaiba kami ng college. College of Business and Accountancy (CBA) ako habang ayon sa pagpapakilala nya, College of Nursing and Midwifery (CNM) sya kaya malamang talaga na 'di kami magkikita.

Natapos na syang magpakilala. Pabalik na sya sa inuupuan nya. Sinundan ko ng tingin. Pag-upo nya, napatingin sya sakin. 'Di ako nagbawi ng tingin, nakipagtitigan sya sakin. Nagbaba sya ng tingin, napansin nya na magkapareho kami ng suot na tshirt. Nginitian nya ako. Nag-iwas na ako ng tingin.

Napansin 'yun ng katabi ko, "Sino 'yun?"

"Hindi ko alam."

Leslie. 'Yun ang pangalan nya. 'Di ko na natandaan 'yung apelyido e, 'di ko nadinig.

Hindi namin natapos ang pagpapakilala, itutuloy na lang daw bukas. Isa ako sa mga 'di umabot. Ayos lang, ayaw ko din ng nagsasalita sa harapan. Pero 'yung Leslie na 'yun...

Ang ingay nya.

--

Unang araw, huling subject. Hindi ako makapaniwalang kaklase ko na naman sya.

Halos lahat ng joke na sinasabi ng instructor namin, tinatawanan nya. At lagi syang may sinasagot sa tuwing natatawag sya. Minsan may sense pero madalas, wala.

Kung barahin nya 'yung instructor namin sa mga walang kwenta nyang sagot, ganun-ganun na lang. Akala mo kaibigan nya lang ang kausap nya. Pero gantong klase ng estudyante ang gusto ni sir. 'Yung katulad nya.

Sa pagkakataong 'to, sa unahan ako naka-upo at nasa likod ko lang sya. Nagbigay ng papel si sir. "Isulat nyo ang mga pangalan nyo dyan para malaman natin kung ilan kayong papabinyagan ko." sabi nito. Natawa na naman 'yung babae, pero ako nagpigil lang ng tawa. Hindi ako kay sir natatawa e, sa kanya. Ang babaw kasi ng kaligayahan nya. Ngayon lang ata ako nakakilala ng kasing-babaw nya.

Sinulat ko ang pangalan ko, pinasa ko sa katabi ko 'yung papel. Pagkatapos isulat ng katabi ko 'yung pangalan nya, binigay na nya dun sa babae. "Thank you po." pasasalamat nun sa katabi ko. Kahit hindi ko nakita 'yung itsura ng babaeng 'yun habang nagpapasalamat sya alam kong naka-ngiti sya base sa tono at 'yung mokong na katabi ko ay naka-ngiti din.

Contagious ba ang ngiti at tawa ngayon? O 'yung kanya lang?

Nung nabalik na 'yung papel kay sir, tinatawag nya isa-isa at tinanong kung taga-saan kami. Ako ang nauna nyang tawagin.

"Mr. Alarcon! Long time no see ah?"

Kilala nya ako kasi naging estudyante na nya ako dati sa ibang subject. Taga college ko 'tong instructor na 'to e.

"Opo sir." sagot ko lang sa kanya

Pinakiramdaman ko 'yung babae maingay sa likod ko, kadaldalan nya 'yung katabi nya.

Couple ShirtTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon