"Magandang araw po." Pamimintana ni Ligaya sa kanilang durungawan ay isang liham ang inihagis sa kanya ng tagahatid sulat na nagbigay ng "magandang araw." Marahan niyang ginupit ang isang dulo ng sobre, tiningnan, nangunot ang noo at saka napahalakhak ng malakas.
"Ha, ha, ha. Nasisira yata ang ulo ni Nestor!" ang nasabing tatawa-tawa.
II.
Ang totoo ay hindi sukat akalain ni Ligayang makapangangahas si Nestor na magpapahayag sa kanya ng pag-ibig. Silang dalawa ay magpinsan. Makipagsintahan siya kay Nestor ay walang salang magiging bukang-bibig ng madla na sila ang magpinsang "nagpipisan." Kay laking kahihiyan, marahil! At saka si Nestor, ayon sa kanya, ay hindi pa naman tunay na binata kundi bago pa lamang nagbibinata. Kailan lamang ay nakaputot ng salawal at ni hindi makuhang ayusin ang buhok. Noon lamang mga nakararaang taon ay lagi silang magkasama sa paglalaro. Madalas pa siyang ipinamimitas ni Nestor ng sari-saring bungang-kahoy sa kanilang bakuran na pagkatapos ay pinagsasalunan nilang dalawa. Kung tanghaling tapat ay madalas silang makagalitan tuloy ng kanyang ina dahil sa hindi nila makuhang matulog at nalilibang sa paglalaro ng sintak sa puno ng hagdan. Ganon na lamang ang sarap ng kanilang matalik na pagsasama na wala silang iniwan sa tunay na magkapatid. Kaya lamang sila nagkahiwalay ay nang ipasok na siya sa kolehiyo. Nagkaiyakan pa silang matagal dahil sa pangambang makalimot ang isa't-isa. Awang-awa siya kay Nestor.
III.
Ngunit noo'y mga batang musmos pa lamang sila halos. Marami ng araw at taon ang nakalipas. Nang kanyang lisanin ang kolehiyo ay magdadalaga na siya. Sa dahon ng kanyang ala-ala ay malabo na ang titik ng panahon. Nagdaan ang masayang kabataan nila ni Nestor na hindi na niya ganoon nagugunita. Nang magkita sila ng kanyang pinsang binata, pagkaraan ng isang mahabang panahon ng pagkakahiwalay, ay nagkahiyaan sila, kung bakit, at hindi nakuhang magbatian. Si Nestor ay nasilaw sa kanyang kisig at ganda, samantalang siya naman ay nanibago kay Nestor. Binata na pala ito! Ang nasabi sa kanyang sarili. Buhat noon, kung sila'y magkasalubong ay tumutungo siya upang mailagan ang mata ng kanyang pinsang binata at si Nestor naman ay lumilihis ng daan dahil sa malaking pagkaumid at pag-aalang-alang sa kanyang pinsang dalaga.
IV.
Kaya ganoon na lamang ang panggilalas ni Ligaya ng tanggapin niya ang sulat ni Nestor.
"Marunong na palang lumigaw ang pilyong yaon," ang wika pang nakangiti.
Ipinalagay niyang si Nestor ay nahihibang. Dili kaya'y nagbibiro. Kaya hindi pinansin ang liham ng binata. Saka ang pag-ibig ay hindi pa rin naman nagigising sa kayang puso.
V.
Pagkaraan ng mahigit na dalawang linggo ay nagsisi si Nestor kung bakit siya nakapagtapat pa kay Ligaya. Wala nga namang unang pagsisisi. Ngayon na lamang niya nakurong malayo siyang ibigin ng kanyang magandang pinsan. Si Ligaya ay tanyag na tanyag sa mga lipunan, mula ng lumabas sa kolehiyo, samantalang siya'y palad ng makadalo sa isangpiging minsan sa isang buwan. Maraming maginoo at hombres de profesion na nangingibig kay Ligaya at siya'y isang estudyante pa lamang na pinakakain at pinaghihirapan ng kanyang ama. Isa nga naman palang kabaliwan ang kanyang pag-ibig. Lalong nag-ibayo ang kanyang pagkakimi sa harap ni Ligaya. Kung minsang sila'y nagkakatagpo sa isangsayawan o piging ay hindi niya magawang sumulyap man lamang sa mukha ng kanyang pinsang dalaga, habang yao'y ngingiti-ngiti at parang ikinasisiyang-loob ang makitang siya'y labis na nagugulumihanan.