Isang araw nag-uusap ang magkaibigang alitaptap at palaka. Nagbibida itong si alitaptap sa kanyang mga kakayahan.
"Alam mo ba noong isang gabi, nakapagpasaya ako ng tatlong bata. Akalain mo, nun lang sila nakakita ng insekto na umiilaw ilaw. Manghang mangha sila. At siyempre ako naman ay nagpakitang gilas talaga. Lumilad ako ng mabagal para mas matitigan nila ako. At kapag tangkang huhulihin nila ako ay lilipad ako ng mabilis. Tuwang tuwa talaga sila" anf pagmamayabang ni alitaptap.
"Siya nga, eh nakita ba nila na.." hirit ni palaka na hindi man lang najatapos ng salita ay agad na naman umentra ng kwento si alitaptap.
"At kagabi naman, ay naging saksi ako sa wagas na pag ibig ng mag sing irog doon sa may likod ng kumbento. Ako ang naging simbolo ng kanilang buhay pag ibig. Hinuli ako ng binata at inalay sa dalaga. Pero ako ay pinawalan din at hindo daw niya kayang ikulong ang isang magandang alitaptap na gaya ko. Teka maiba ako eh ikaw palaka anong kwento mo para?" Sabi ni alitaptap.
"Kagabi masaya rin ang nangyari. Hindi mo ba narinig ang pagkokak namin ng mga barkada ko dahil bahagyang umulan kagabi diba, masaya kami kaya' nagkantahan kami." Sabi mi palaka.
"Yun na ang masaya para sayo?" Ani alitaptap. "Nabulahaw kaya ang mga tao sa ingay nyong kumokak!" Dagdag pa ni alitaptap.
"Aba oo naman may isang batang natuwa sa kokak namin at ginaya pa kaming tumatalon talon" pagyayabang ni palaka.
"Isang bata lang napasaya mo? At hindi nga lang ikaw ang kumokak, lahat kayo! Nakakatawa! Ang dami nyo tapos isa lang napasaya nyo!?" Ano ba naman yan? Hahaha. Dagdag na pang aasar ni alitaptap.
Walang tigil sa kakatawa si alitaptap at maya maya'y...
Natigil bigla ang pagtawa. Biglang nawala ang liwanag na galing kay alitaptap.
"Oh ano ka ngayon alitaptap?," sabi ni palaka ,"makakapagyabang ka pa ba ngayong andyan ka na sa sikmura ko? Matabil ang dila mo magsalita pero hindi mo ba alam na mahaba ang dila ko at mabilis kumain ng insektong gaya mo? "
At nagsimulang tumalon si palaka pauwi at masaya sa pagkakabusog kay alitaptap.
Sa kanyang pag uwi napansin nyang tila may batang humahabol sa kanya.
"Ang ganda nung palaka," sabi nang bata, "umiilaw siya!"