Merienda

91 12 6
                                    

"At the end of the day, all you need is hope and strength;
Hope that it will get better, and strength to hold on until it does."









"Ang sakit ng katawan ko." Ani ni Papa palakad papaupo ng sofa, habang si Mama naghahanda ng merienda sa kusina.

"Baka naman po sinasagad niyo ang sarili niyo sa pagtatrabaho? Magpahinga naman po kayo." bulalas ko nang hindi man lamang tumitingin sa kanya at nakatuon lang ang tingin sa phone ko na dala, sabay naman na paglabas ni Mama mula sa kusina.

"Biko ang meriendang inihanda ko ngayon." Inilapag niya ang plato sa lamesita sa harap ni Papa.

Natawa kami pareho ni Papa sa sinabi ni Mama, dahil kung tutuusin puro nalang biko ang inihahanda ni Mama tuwing merienda.

"Oh, anak, kumusta naman ang klase mo kanina?" Tanong sakin ni Papa habang kumakain siya ng biko.

Tumingin muna ako sa kanya bago sumagot, pero nang makita ko siyang nakatingin din sa akin... agad na umiwas ako ng tingin.

"Okay naman po,"

"Naku, tingin ko may boyfriend na 'yang anak mo." Sabat ni Mama sa tabi ko habang naglalagay ng biko sa lalagyan ko.

"Anak, totoo ba 'yon?" tanong ni Papa.
Hindi ko man tingnan, alam kong nakatingin sakin si Papa.

"'Wag po kayong nagpapaniwala d'yan kay Mama, wala po akong boyfriend," sagot ko nang mabilis naman habang nakatingin kay Mama, na siya namang tinawanan nilang pareho.

Napangiti ako...

Masaya sana kung palaging ganito.
Ewan ko, pero hindi sinasadya, dahil nakakatuwa sa pakiramdam napalingon ako kay Papa.

Magkahalong kaba at saya ang naramdaman ko nang makita ko si Papa na nakatingin at nakangiti rin sa akin...

Pero agad akong umiwas.

Biglang sumama ang pakiramdam ko. Feeling ko babagsak anumang oras ang mga likidong nagbabadyang umagos mula sa mga mata ko.

Nahihirapan akong huminga.

"Bakit nag-o-overtime ka pa sa trabaho mo? Kulang pa ba yung sinasahod mo para kay Stela?" Tanong ni Mama kay Papa, habang ako tahimik lang sa gilid.

"'Yan tuloy, minsan ka nalang namin makasabay magmerienda," Tuloy pa ni Mama, kahit 'di pa nakakasagot si Papa.

Napangiti si Papa, ako din -- pilit nga lang.

"Pasensya na, e kasi kailangan na kailangan, marami kasing bibilhing gamit 'di ba?" sagot naman ni Papa habang hindi mapawi ang ngiti sa kaniyang labi.

Tumango lang si Mama, tumayo na rin siya para ligpitin ang mga pinagkainan.

Ano kayang nasa isip niya ngayon -- ni papa?
Gusto kong malaman.

Minsan iniisip ko... Kung pareho ba naming naiisip, Sana palagi nalang merienda time.


Bakit kaya ako nagkakaganito?

Bakit parang ang bitter bitter ko?

Bakit nahihirapan akong magpanggap na masaya?

Bakit 'di ko maramdaman yung salitang 'contentment'?
Yung feeling na dapat kahit papaano ay kontento ako kasi nandito siya.


Bakit--

"Aalis na ko."
Naputol yung mga iniisip ko nang magpaalam si Papa. Hindi pa man tapos ang mga tanong ko sa sarili ko... aalis na agad siya.

"Kailangan ko nang umuwi, baka nahihirapan na mag-alaga yung isa doon." Patawang sabi niya.

Oo nga't nagdidilim na at baka hinihintay na siya ni Stela.











Si Stelang mahal niya.



Si Tita Stela na... Ipinalit niya samin, ang bagong nagmamay-ari at nagpapasaya sa puso niya.

Lumingon at ngumiti sakin si Papa, umiwas ako ng tingin. Tapos na ang merienda...  Aalis na siya ulit.

"Pasensiya na talaga, 'wag kayong mag-alala, bukas ulit."
Sabi niya nalang ng mayroong ngiti, saka tumayo at tuluyang nang lumabas at umalis.

_______End________


A/N: This is the revised version.
Marami pong salamat.

MeriendaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon