TAGPUAN

43 1 0
                                    

Matagal na akong nakatayo rito, araw buwan at taon na ang binibilang. Dito sa lugar kung saan madalas tayong magkita. Nakatayo, nakaupo, palakad-lakad, naiinip pero naghihintay.

Sa lugar katabi ng kalsada kung saan rinig ang tunog ng mga dumaraan na sasakyan. Maski ang ingay ng mga barker. Ang kulay ng ilaw na nagbibigay liwanag sa daan, ang amoy ng paligid at ang mga maliliit na puno. Ganoon pa rin.

Si ale na nagtitinda ng fishball ay ganoon parin, maingay pa rin sa pagtawag ng kustomer. Ang mga establisyamento ay nandoon pa rin sa mga kinatitirikan nila, medyo naluluma na pero matayog pa rin. Ang mga batang madalas nating bigyan ng barya o pagkain ay naglakihan na pero nandoon pa rin sila.

Ako, nandito pa rin ako. Naulanan na. Naarawan na. Nagkasakit na. Sinipon na. Nagkaubo na. Pero nandito pa rin ako.

Nananatili, pumapatay ng oras sa araw-araw, pumapatay ng araw sa loob ng mga buwan. Pumapatay ng buwan sa loob ng mga taon. Namamalagi.

Naghihintay sa lugar kung saan unang naramdaman ang mga pananabik. Sa lunan kung saan nagsimula ang mga araw natin. Sa dako kung saan unang nabuo ang kwento ko sa'yo.

Sa tagpuan natin.

Ikaw lang ang wala. Ikaw lang ang ‘di abot ng mga mata. Ikaw lang ang kulang, ikaw nalang ang kulang.
‘Yon ang malaking kaibahan. Taliwas sa nakasanayan.

Parang isang kahibangan ang manatili rito, nag-aabang sa pagdating mong di na mangyayari kailanman. Dahil may bago ka ng lugar na pinupuntahan. Lugar kung saan tinawag mo rin na"tagpuan" pero hindi ako ang naghihintay.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Sep 12, 2017 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Narrative Short StoryWhere stories live. Discover now