Kabanata 20-Feliz Cumpleaños

2.3K 92 12
                                    

Hulyo 18

Nakalimutan ko na ang sarili kong kaarawan sa dami ng aking iniisip.

Kinabukasan na pala ito. Ako ay disi-otso años.

Hindi ko alam kung magiging masaya ako dahil malapit na ang aking kaarawan.

Paano maging masaya kung nawala na ang halos lahat sa akin?

---

Hulio 19

(Alas siete ng umaga)

Ako ay maagang nagising. Matiwasay ang aking pagtulog kagabi kahit hatinggabi na ako nakatulog.

Ngayon ay may oras pa akong magsulat, ito ang aking nasa isip.

Palaging sinasabi ni Mama tuwing aking kaarawan na magpasalamat. Isa na namang taon ang nagdaan at nabigyan ulit ako ng karagdagang taon para mabuhay at gumawa ng mabuti.

Pumapatak ang aking mga luha habang nagsusulat ako ngayon...

Pasensiya na, nangungulila lamang ako kay Mama at pati na rin kay Papa.

Bilang pasasalamat sa kanila ay pipilitin kong mabuhay ng maayos. Lalo na ako rin ay magiging ina rin.

Kailangan ko munang itigil ang pagsusulat; may kumakatok sa aking pintuan.

Magbabalik,

Almira.

---
(Alas dos ng hapon)

Si Vida pala ang kumakatok kanina. Mahigpit niya akong niyakap at binati ng maligayang kaarawan. Lalo akong naiyak sa kanyang malugod na pagbati.

Sinabi niya sa akin na huwag na ako masyadong malungkot, kundi baka mahawa ang sanggol sa aking sinapupunan. Natawa naman ako at inaya niya ako mag-agahan.

Nadatnan ko sa hapag-kainan ang buong pamilya, kasama na rin si Sor Veronica. Inawitan nila ako at sabay kaming nagdasal para sa aking kinabukasan.

Masaya ang simula ng aking araw habang nagsasalu-salo ng mainit na tsokolate, pandesal, pritong itlog, at saging.

Napadami na naman ako ng kain at natawa ako habang humingi ng paumanhin.

Binigay sa akin ni Señor Victor ang kanyang pandesal at winika na kumain pa ako.

Hindi mapigilan nila Doña Selya, Vida, at Sor Veronica na palihim na magkatinginan. Alam ko iniisip nila; di nila maikubli ang kanilang kilig.

"Alam ko ata ang inyong mga tinginan," wika ni Doktor Procopio sabay kindat sa amin ni Victor.

Lihim na lamang akong natawa.

Kakatanghalian ko lamang kanina. Masarap din ang mga potaheng hinanda ni Vida na callos at humba. Hindanda talaga ni Vida ang humba dahil alam niyang paborito ko ito.

Lubos ang aking pasasalamat sa kanila.

---

(Alas nueve ng gabi)

Nakausap ko si Señor Victor pagkatapos ng hapunan. Inaya niya ako sa kanilang hardin. Pagdating ko doon ay may munting gasera na nakasabit sa may puno kung saan may batong upuan sa tabi.

Nalanghap ko ang mabangong simoy ng dama de noche. Lihim akong ngumiti.

"Feliz cumpleaños, Almira."

Tinignan ko si Victor. Dama ko ang kanyang mga mata at ang di-maikaliang bakas ng pag-ibig sa kanyang mga tingin.

Alam ko kung saan patungo ang tagpong ito. Gusto ko sana siyang pigilan, ngunit naisip ko na hayaan muna siya na iparating ang kanyang mensahe.

"Gracias," malumanay kong sagot.

Nanatili lang kami na tahimik habang pinapanood ang mga bituin sa langit.

Napapalo ako sa aking braso nang maramdaman ko ang kagat ng lamok. Doon na tumayo si Señor Victor at inaya ako na umakyat na sa salas. Nilalamok na rin siya.

Sinundan ko siya. Buti wala namang tao sa ganoong oras.

"Almira, maari ba kitang makausap?"

"Oo naman."

Inaya niya ako na tumabi sa kanya sa mahabang silya.

"Tungkol ba ito sa sinabi mo sa akin noong mga nakaraang araw?" Simula ko.

"Ganoon na nga..." Hindi niya ako matignan ng diretso sa mga mata.

"Victor, sana maunawaan mo na di ko pa kayang umibig muli."

"Naiintindihan kita, Almira. Ngunit maghihintay ako. Bigyan mo ako ng pagkakataon na suyuin ka at sana matutunan mo akong mahalin. Payagan mo ako na bumuo tayo ng masayang pamilya kasama ang magiging anak mo."

"Kaya mo bang maghintay?"

"Basta ikaw at ang iyong sagot, hihintayin ko."

"Patawad at ginugulo ko kalooban mo."

Napayuko ako habang pumapatak ang aking mga luha.

Naramdaman ko ang mahigpit na mga yakap ni Victor.

"Nauunawaan kita, Almira. Alam ko ang iyong pinagdaanan. Hindi mo ako ginugulo, kundi binibigyan ng bagong pag-asa. Minsan din ako nabigo sa pag-ibig. Ngunit dahil sa iyo, nais kong sumubok muli. Sana maisip mo rin iyon."

Wala na akong masabi pa sa mga oras na iyon.

Gusto ko lamang damhin ang mga yakap ni Señor Victor.

Na hanggang ngayon ay di ko pa rin maalis sa aking isip.

Siguro ito na ang pinakamagandang regalo na natanggap ko sa aking kaarawan, ang malaman na ako pa rin ay may pagkakataon na ayusin ang lahat.

At may handa pa rin magmahal sa akin.

Sana magkaroon ako ng lakas ng loob na umibig muli gaya ni Señor Victor.

-Almira

Recuerdos de Una DamaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon