Mahirap pigilan ang damdamin sa taong minamahalpero pilit kong itinitago ang pag-ibig ko dahil alam kong hindi dapat at makakasakit ako ng taong lubos na nagtitiwala sa akin
Mahirap mapunta sa pagitan ng taong karamay ko sa lahat ng bagay, at sa taong nagbibigay naman sa akin ng inspirasyon sa lahat ng bagay
Mahirap mapunta sa pagitan ng PAG-IBIG at TIWALA. Pag-ibig ko sa taong mahal ko, at Tiwala sa akin ng kaibigan ko
hindi ko alam kung ano ang gagawin
kung ipaglalaban ko ang pag-ibig ko , maglalagay na rin ako ng malaking bangin sa pagitan ko at ng kaibigan ko hanggang sa hindi ko na siya matanaw sa kabila nito
kung isasantabi ko ang pag-ibig ko at ingatan na lang ang tiwalang sa akin ay ibinigay, maglalagay naman ako ng malalim na sugat sa puso ko, at unti-unti mas lalalim pa ito ng lalalim hanggang sa tumagos na lang
Oo, masaya akong nakikita ang kaibigan kong masaya, masaya ako na nakikita kong masaya ang taong mahal ko
Pero, oo tama rin, na minsan ng tumakbo sa isipan ko na sana ako na lang ang nasa posisyon ng sarili kong kaibigan, at sana ako na lang ang dahilan ng mga ngiti ng taong mahal ko
Kaya naisip ko na umiwas na lang sa taong mahal ko para ang pagkahulog kong ito ay magtungo na lang sa pagkawala, pero paano? paano ako iiwas? kung ang kaibigan ko na laging kong kasama ay kasama rin ang taong mahal ko na lubos ko nang iniiwasan
para akong nasa gitna ng isang malaking maze na kahit anong gawing paraan at taktika, bumabalik at bumabalik lang ako sa lugar na pinanggalingan ko, sa lugar na pilit kong tinatakasan
Ano ba! Pagod na ako. Bugbog na bugbog na ako. masakit na masakit na ang mga paa ko sa pagtakbo mula sa kalagayan kong ito pero ni isang metro man di pa rin ako nakakalayo, nandito pa rin ako kung saan nakatungtong ang mga paa ko ng simulan kong lumisan.
Puso, nakikiusap ako, pwede bang iba na lang ang mahalin mo, huwag na ang taong mahal din ng sarili kong kaibigan .
Puso, dahil sa iyo nagpaparaya ako ng ganito, nagkukunwari ako ng ganito
Nagpaparaya ako para sa kaligayahan ng kaibigan ko kahit kapalit nito ang patagong kasawian ko
Nagpaparaya ako para hindi magkalamat ang tiwalang ibinigay sa akin ng isang kaibigang totoo
Nagkukunwari akong masaya sa harapan ng kaibigan ko at ng taong mahal niya, at sa kasamaang palad ay ang mahal ko rin
nagkukunwari ako na nakangiti, pero sa totoo lang gusto ko ng tumayo lumabas at lumuha pero hindi pwede dahil kaibigan ko siya
Puso, kasalanan mo rin kaya nasusugatan ka, bakit ba naman tumibok ka sa taong hindi dapat, parehas tayo tuloy nasasaktan, parehas tayong hindi makatakas sa mapait na kalagayang ito
Ano nga ba? hindi ko na alam kung kaya ko pang ituloy ang pagtitiis ang pagkukunwari sa dalawang taong mahalaga sa akin, para lang sa kanila
Hindi ko rin alam kung kakayanin ko ang kapalit ng pagsunod ko sa puso ko na piliin ang pag-ibig
Hindi ko rin alam kung kakayanin ko pa at ng puso ko ang pagpaparaya para manatili ang iniingatang tiwala
Sana balang araw malaman ko rin ang sagot sa mga tanong na ngayon ay hindi ko lubos maresolba at hindi matakasan
Ano nga ba ang tamang desisyon?
Piliin ang Pag-ibig?
O
Piliin ang Tiwala?
BINABASA MO ANG
Pag-ibig o Tiwala
PoetrySpoken poetry tungkol at para sa mga taong nagmahal sa isang taong minamahal na ng kaibigan niya