Nakaposas na Rosas

10 0 0
                                    

Rosas, rosas ako na nakaposas. Sa loob ng masikip na selda, ramdam ko ang lungkot ng pagiisa, na parang walang pag-asa. Sa likod ng rehas, ay kawalan ng lakas sa paparating na bukas.Sa likod ng nakakandadong pintuan ay pusong walang paroroonan. Tumigil ang mundo, tumigil ito sa pag-ikot, pero ko ramdam parin ang kirot..

Isa, isa akong bulaklak na namukadkad sa berdeng damuhan kasama ang iba pang mga naggagandahang bulaklak. Isa akong batang may pangarap na mamuhay ng masaya, maligaya, kasama ang mapagmahal na pamilya. At oo, isa rin ako sa milyong-milyong naligaw nang nawala ang ilaw at hindi na sumikat p ang araw.

Dalawa, dalawang beses akong nagtop 1 pero naisip kong hindi pala 'yon mahalaga kapag ika'y iniwan, iniwan ng panahon, iniwan ng mga alon sa madilim na karagatan ni walang masalamin na kaligayahan. Oo, dalawa ang daan, pero patuloy kong tinanong kung saan? Sa kaliwa o sa kanan? Baka kasi parehas na pagdurusa ang laman. Kaya ako'y tumalikod, ngunit huli na nang malaman kong tumaas na pala ang bakod. Malabo nakong makabalik, malabo nakong magbago kaya nagbilang ako ng tatlo.

Isa, dalawa, tatlo, kaso wala na pala itong epekto. Nandirito na ako. Ang magmakaawa ay hindi na uubra dahil ang poot, galit, sakit at lungkot ay naipon na ng sobra at naghihintay na kumawala sa puso kong nagmakaawa pero nalunod na sa lawa. Ang mga iyak ay hindi na maririnig ng mga tengang asal bingi kaya sa pangatlong buntong hininga, humithit ulit ako ng droga. Baka sakaling ang sakit ay mawala. 

Apat, tay, apat lang ang tunay mong anak at ako'y hindi kabilang at naiintindihan kong kailanman hindi mo ko naging anak pero tay, salamat hinayaan mong tawagin kitang itay. Dahil iba parin pala ang pakiramdaman ng may nanay at tatay.

Lima, limang beses akong dinala sa ospital pero ni isa sakanila hindi pumunta. Limang beses akong umiyak hindi dahil sa sakit ng katawan kundi dahil sa mga pasyenteng may kasama sa paglisan sapagkat ako, mula umpisa hanggang dulo, inaalalayan ng sariling mga kamay, pulis ang nakaakay, walang nagmamahal na tunay, bakit ganyan ang buhay?

Anim, anim na beses kong hiniling na sa muling paghawi ng hangin, ako'y tangayin. Pero anim na beses ko ring hiniling na sana ako'y may kapiling. Na sana may tengang nakikinig, hanggang sa nanlamig ang sahig, huminto ang daigdig at sinabi kong hindi totoo ang pag-ibig.

Pito, ikapito ng umaga ng una ko tong simulan at ikapitong palit ko na 'to ng ng papel pero nahihirapan parin akong ipagtugma ang bawat letra ng alpabeto sa tibok ng aking pusong na unti-unti nagiging bato.   

Walo, walong oras kong inisip kung magpapakamatay ba ako. Nagkaroon ako ng walong rason para magpadala sa lason ng kasawian pero isang rason ang pinanatili akong buhay at hindi nanlalamig na bangkay- ang pag-asang sa huli, mayroon akong babalikan, mayroong sa akin ay nangangailangan.

Pero siyam, siyam na milyong beses ko atang naramdamang ako'y nagiisa, walang kasama. Para bang napakalapit nila pero hindi ko sila mahagkan. Para bang nasa isla ako ng kapighatian. Napakalaki ng lugar, pero makitid dapat ang galaw, hindi maaaring magaslaw, limitado ang tanaw.

Sampu, sampung oras nalang ang aking taning. Nasa ikasampu na tayo at tapos na ang pagbibilang, sana wala ng isa pang Maria Royce Cadenza na isilang. Sana wala ng isa pang rosas na nakaposas.


Nakaposas na RosasWhere stories live. Discover now