PARA KAY EX

13 0 0
                                    

December 2014

"Malay mo, pag okay na lahat tayo parin. Darating din ang tamang panahon." Yan ang sinabi ko sayo na hanggang ngayon pinanghahawakan mo. Pero patawarin mo ako, dahil sinabi ko lang yan para tuluyan na akong makakalaya sayo. Ngunit nagkamali ako, dahil tinotoo mo. Akala ko sabay tayong uusad. Yun pala nauna na ako.
~~
Halos nakalimutan ko na kung ano ang pakiramdam nung mga panahong tayo pa, dahil ang naiwan na lang sa aking alaala yung lalaking sinaktan ako ng sobra. Pero siguro naman kahit papaano ako ay sumaya, dahil hanggang ngayon mabuti pa rin akong nakikitungo pag lumalapit ka. Nagtagal tayo ng labingsiyam na buwan, away-dito away-doon na lang ang aking natatandaan. Mumurahin mo ako, magmamakaawa ako sayo. "Wag mo akong iiwan, kaya natin to." Ang palagi kong sinasabi sayo. Tinatanong ako ng mga kaibigan ko, ano daw ba ang nakita ko sayo? Hindi ko sila masagot, dahil hindi ko rin alam. Dahil siguro maalaga ka naman. Laking pasalamat ko nga, dahil tinanggap ako ng pamilya mo kahit iba ang relihiyon ko. Tinuring nila akong parang parte nang pamilya at isa yun sa mga namimiss ko. Nakakatuwa rin palang makipaglaro sa pamangkin mo, yan ang isa sa magandang nangyari sa relasyon na'to. Pero hindi ko alam kung bakit pag nakatalikod sila, ibang-iba ka. Minahal kita ng sobra, pero tinadtad mo ako ng mura. Siguro naalala mo pa noong panahon na ako na ang humahabol sayo wag mo lang akong iwan. Mga panahong akala ko hindi ko makakaya pag wala ka. Masyado kang nakampante na mahal kita, habang ako nasasaktan na ng sobra. Pero tao nga lang din pala ako, nagsasawa. Kaya sana mapatawad mo ako sa aking nagawa. Iniwan kita habang pinapaasa. "Malay mo, pag okay na lahat tayo parin. Darating din ang tamang panahon." Yan ang sinabi ko sayo na hanggang ngayon pinanghahawakan mo. Pero patawarin mo ako, dahil sinabi ko lang yan para tuluyan na akong makakalaya sayo. Ngunit nagkamali ako, dahil tinotoo mo. Akala ko sabay tayong umusad. Yun pala nauna na ako. Panay pa rin ang tawag at text mo, sabay tanong ng "Bakit ikaw pa ang minahal ko. Bakit ikaw pa ang pinangarap ko?" Nung una pag naririnig ko yan sayo, nasasaktan ako dahil kasunod niyan ang mga salitang, "sana hindi na kita nakilala. Sana hindi na lang kita minahal." Pero ngayon napapangiti na ako, dahil napatunayan kong minahal mo rin ako. Nagkataon lang sigurong sumobra ako, kaya hindi mo yan napag-isip isip ng mga panahong nandiyan pa ako. Patawarin mo rin ako kung hiniling ko na sana hanggang sa huli mahalin mo ako, para maramdaman mo ang sakit na pinaranas mo. Sa sakit man lang na yan maramdaman mo ang bawat mura at pagtataboy mo, at mga pasang natamo ko. Hiniling ko talaga ang mga nangyari sayo, mga panahong naririnig ko ang pag-iyak mo, napapangiti ako. Dahil na rin siguro sa pait na naramdaman ko. Nagbago ako ng dahil sayo. Ngunit ngayon puputulin ko na ito, bukal sa puso kong hihilingin na sana makahanap ka ng babaeng magmamahal at magpapasaya pa sayo. Wag kang mag-alala, dahil kahit magmahal man ako ng iba, hinding hindi na magbabago na sa nakaraan ko ika'y minahal ko ng sobra.

mrsmdml's collectionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon