Prologue

14 2 0
                                    

BINILISAN ko ang mga hakbang ko hindi dahil sa umaambon na 'kundi dahil sa excited na akong i-celebrate ang first anniversary namin ng nobya ko na si Lisa.

Hawak ko sa kanang kamay ang box na naglalaman ng cake habang hawak naman ng isa ko pang kamay ang isang dosenang rosas. Ang regalo ko sa kanyang kwintas na anim na buwan kong pinag-ipunan at hinulugan ay nasa loob ng suot kong backpack.

Mas binilisan ko pa nang kaunti ang mga hakbang ko dahil hindi na ako makapaghintay na sorpresahin ang pinakamamahal.

Halos limampung metro na lang ang layo ko sa bahay kung saan kami naninirahan ni Lisa nang makita ko si Janjan na tumatakbo palapit sa akin.

"Kuya Elias! Kuya Elias!"

"O, bakit?" Tanong ko sa humihingal na si Janjan nang tuluyan itong makalapit.

"May nanggugulo sa bahay niyo. Lalake. Romar yata ang pangalan," sagot niya na humihingal pa rin. "Tapos narinig ko si Ate Lisa sa loob ng bahay na sumisigaw."

Pagkarinig ng pangalang "Romar" ay agad kong tinakbo ang nalalabing distansya pauwi ng bahay. At upang mas mapabilis ang takbo ko ay binitiwan ko na ang bitbit kong cake at mga rosas.

Kung kanina ay kumakabog ang dibdib ko dahil sa excitement, ngayon ay kumakabog ito dahil sa takot at pag-aalala.

Hindi ko lang kilala si Romar 'kundi kilalang-kilala. Ito ang lalakeng halos isang taon ko nang pinagtataguan dahil sa pagkakautang. At ito rin ang lalakeng pinagtataguan ni Lisa dahil...

Asawa niya ito!

Asawang ipinakasal kahit labag sa kagustuhan. Ipinakasal kahit hindi mahal. Ipinakasal upang pambayad ng utang ng mga magulang.

Sigurado akong kukunin ni Romar si Lisa. Kahit may karapatan siya ay hindi ako makakapayag!

"Halika na! Sumama ka na sa akin!"

"Ayokong sumama sa'yo! Si Elias ang mahal ko kaya bitiwan mo ako!"

Ito ang mga sigaw na narinig ko nang marating ko ang bukas na gate ng aming bahay.

Agad akong pumasok at itinulak ang saradong pintuan. Nang hindi ko mabuksan ay tinadyakan ko na ito.

"Hayup ka! Bitiwan mo si Lisa!" sigaw ko nang madatnan si Romar na mahigpit ang hawak sa braso ng nasasaktang si Lisa.

Hindi na ako nagdalawang-isip pa. Agad kong nilapitan si Romar at malakas itong sinuntok. Nabitiwan na niya si Lisa pero dahil sa galit ko ay tinadyakan ko pa siya.

Hindi pa ako nakuntento. Nang tuluyan na siyang matumba ay pinaibabawan ko pa siya at saka inulan ng mga suntok hanggang sa naramdaman ko ang pagpigil at paghila sa akin ni Lisa.

Itinayo ako ni Lisa saka pumunta sa harap ko. Hinawakan niya ang dalawa kong pisngi upang kunin ang aking atensiyon.

"Tama na," mahinahong sambit ni Lisa sa akin. Tiningnan ko siya sa mga mata. Nang hinawakan niya ang dibdib ko ay naramdaman ko ang unti-unting pagkalma ng galit sa loob nito.

Hinawakan ko si Lisa sa kaliwang pisngi saka pinahid ang mga luha sa mga mata nito. Hinalikan ko siya sa noo saka niyakap nang mahigpit.

Ngunit kasabay ng pagyakap ko ay ang malakas na tunog ng putok ng baril.





Imajino Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon