Ang Tsismis sa Bayan ng Juan Pablo
Sa panulat ni: Racky R. Abaño
Nakaupo ako sa harap ng mesa habang naghahanda ng almusal si Mama. Hindi ko pa rin sigurado kung tama nga ba ang naging desisyon ko nang sabihin ko kina Erwin at Jeff kung ano ang nalaman ko, na alam na rin ng ibang tao, maliban sa kanilang dalawa. Nakapatong ang aking dalawang siko sa ibabaw ng mesa habang tinatapik-tapik ng aking mga daliri ang magkabila kong sentido; pinipilit maging kalmado. Naaalala ko pa kung ano'ng naging reaksyon nila nang kausapin ko silang dalawa kagabi, at hindi ako mapakali hanggang ngayon.
"Bakit ba tayo nandito, Gab?" Inis akong tinanong ni Erwin. "Ano ba'ng pag-uusapan nating tatlo?"
"Oo nga." Sabat ni Jeff. "Hindi ba 'to pwede sa ibang araw?
Alam kong may sama pa rin sila ng loob sa isa't isa ngunit natutuwa pa rin ako sa pagpayag nilang makipagkita sa'kin. Sinubukan kong kausapin sila sa pormal na pamamaraan ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili. Kaya't huminga ako nang malalim at tinanong sila ng diretsahan.
"Naghahalikan ba kayo kung saan-saan?"
Naaalala ko pa kung paano kumunot ang mga balat nila sa noo dahil sa pagtataka kung bakit ganu'n ang pambungad kong tanong.
"May nakapagsabi kasi sa'kin na may nakakita raw sa inyong dalawa, naghahalikan sa madilim na lugar. At ang balita pa, may relasyon daw kayo. " Pagpapatuloy ko. "Kailan ba kayo matututong mag-ingat?!"
Napatayo si Erwin. Nanliit ako sa mala-higante n'yang tindig. "Una sa lahat, hindi pa kami naghahalikan sa dilim. At saka hindi naman naging kami. Alam mo naman 'yun, 'diba?"
"Oo," sagot ko. "Alam ko 'yun, pero sila? Hindi nila 'yun alam."
"Kanino mo ba nakuha 'yang tsismis na 'yan?"
"Sa Kuya ko. Nabanggit daw sa kanya ng asawa n'ya."
"Alam din ng Kuya mo?!"
Nag-aalangan man ako ngunit pinilit ko pa ring ngumiti at tumango. "Alam din ni Mama."
Napatakip s'ya ng mukha habang napakamot naman si Jeff. Hindi ko alam kung tama bang sinabi ko pa sa kanila kung ano ang nalalaman ko o dapat ko na lang silang hinayaang malaman ito sa iba. Ilang minutong walang nagsalita, malamang ay nag-iisip din sila ng sasabihin katulad ko. Ito 'yung mga sitwasyong sobrang dami kong gustong sabihin pero nag-aalangan ako dahil baka mas lumala ang sitwasyon.
"Pero h'wag kayong mag-alala." Pambawi ko. "Hindi naman big deal 'yun kay Mama."
"E, sino naman daw ang nagsabi sa asawa ng Kuya mo?" Muling tanong ni Erwin.
Napamura ako sa isip ko. Hindi ko na alam kung sasabihin ko pa o tatakbo na lang ako pauwi. Sigurado akong mas lalala ang sitwasyon kapag nalaman n'ya. At ayoko nang mas lumala pa ito.
"Gab?" Napatingin ako sa mga mata n'ya. "Sabihin mo kung sino."
Huminga ako nang malalim. Wala na akong choice.
"Si Ashley."
Napahinto s'ya' saka mabagal na napabalik sa pagkakaupo. At dahan-dahang kong napagmasdan kung paanong halos mahulog ang mga panga n'ya sa gulat. Hindi s'ya makapaniwala .
BINABASA MO ANG
Ang Tsismis sa Bayan ng Juan Pablo
Teen FictionMay posibilidad nga kayang mahanap mo ang solusyon sa isang problemang hindi naman sa'yo ibinigay?