"M!"
Isang pamilyar na tinig ang kamangha-manghang nangibabaw sa isang napakataong lugar. Sandali akong napatigil dahil alam ko—dahil sa kasuluk-sulukan ng pagkatao ko, kilala ko kung kanino nanggagaling ang boses na ‘yun.
Sa hindi ko malaman na dahilan, tila itinapon ako pabalik sa tabi niya, tatlong taon ang nakakalipas.
"baka pinagtanggalan ng pakpak mo kasi dati kang anghel..." sabi niya sakin habang kinakapa ang guhit sa kaliwa kong braso na dala dala ko na simula pa nang ipanganak ako.
Ngumiti ako at sinabi sa kanya, "hindi ako dating anghel.. dati akong ibon.." Kahit sa dilim ay nakita ko parin ang ngiti niya.
"kung isa kang ibon, anong klaseng ibon ka?" tanong niya na parang tinutukso ako.
"arctic tern….."
Hinawi ko ang buhok ko na tumatakip sa kanan kong tainga para lumabas ang tattoo ko. Kahit alam kong ilang beses na niya itong nakita, ipinakita ko parin ulit sa kanya. Nakatitig parin siya sakin na tila nag-aabang ng kasunod.
Tinitigan ko siya sa mata at saka nagpatuloy sa pagsasalita,"napanood ko ito sa national geographic channel, iniikot nito ang buong mundo, maliit at hindi sya gaanong makulay, pero ang dami dami niyang nararating, siya ang isa sa mga ibon na may pinakamalayong nililipad sa buhay niya.."
Hanggang ngayon ay nakatitig parin siya sa akin. Siguro nagtataka. Siguro, natatawa. Siguro, hindi makapaniwala.
Binitawan ko sandali ang kanan niyang kamay at pinagsama ko ang dalawa kong palad at itinapat sa pader na nasisinagan ng konting liwanag na nagmumula sa bintana. Ang mga kamay ko ang nagsilbing pakpak ng isang ibon sa madilim na kwarto na ito. Papaga-pagaspas, malayang malayang lumilipad.
"lilipad… lilipad…" bulong ko habang patuloy parin sa paggalaw ang mga kamay ko.
"lilipad… lilipad…" pinalipad ko pa nang mabilis na mabilis ang ibon at pagkatapos ay pina-landing ko ito sa mga pisngi niya.
Nakatitig parin siya saka ngumiti na parang batang unang beses makakita ng anino ng isang ibon na nabubuhay sa isang pader.
Unti unti ay naglapit ang aming mga mukha at dahan dahan niyang hinalikan ang tattoo sa likod ng tainga ko. Bawat halik ay parang isang bulong. "lilipad… lilipad…"
Naglaro naman ang kanan kong kamay sa pisngi niya na hinding hindi ko pagsasawaan na hawakan kahit kailan.
Muli akong naibalik sa realidad nang may humawak nang mahigpit sa kamay ko. Tumingala ako para tignan yung taong nasa tabi ko. Si L. “ayos ka lang?” tanong niya sakin na halatang halatang nagtataka kung anong bumabagabag sa isip ko. Bagamat hindi naman talaga ako ayos, sumagot nalang ako ng “oo” at nagpatuloy na kami sa paglalakad.
Bawat hakbang ay napakabigat sapagkat alam ko na mapapalayo na naman ako nang mapapalayo sa tinig na ‘yun.
Hindi ko alam, pero naghihintay ako na isigaw niya ulit ang pangalan ko. Naghihintay ako na, katulad ng dati, magsayaw muli ang pangalan ko sa kanyang mga labi. Naghintay ako. Pero hindi na muling naulit.
Gustuhin ko mang lingunin siya nang isigaw niya ang pangalan ko kanina, hindi ko na ginawa dahila unang-una, ayoko nang malunod pang muli sa mga mata niya na minsan kong naging gabay at sandalan. Pangalawa, dahil alam kong huli na ang lahat. Huli na para muli akong tumakbo papalapit sa kanya at ibalot ang sarili ko sa kanyang mga kamay at sabihin sa kanya na “hindi… hindi kita iiwan..” Tatlong taon na ang nakakalipas. Huli na ang lahat.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nagsisi ako na iniwan ko siya at ipinagpalit sa iba dahil akala ko, sa iba ako sasaya.
Totoong naging masaya naman ako sa iba—naging masaya ako kay L. Pero hindi sa parehong paraan na naging masaya ako sa kanya. Si L, kahit halikan niya nang paulit-ulit ang peklat sa kanan kong tuhod, kahit kailan hindi ko naramdaman na ligtas ako sa kanya. Kahit pagdugtong-dugtungin niya palagi ang anim na tuldok sa kaliwa kong binti, kahit kailan hindi siya nakabuo ng tala, ng ulap, ng bangka. Kahit kailan, hindi.
Kaya siguro hinahanap-hanap ko siya ngayon. Kasi siya lang yung nakakagawa ng mga bagay na ‘yun. Totoong saka mo lang mararamdaman at makikita ang kahalagahan ng isang tao kapag nawala na siya sayo. Kapag pinilit mong makawala sa kanya kahit wala namang problema.
Siguro nga dati talaga akong isang ibon. Lilipad… lilipad… lilibutin ang buong mundo. Pero hindi katulad ng dati, hindi na ko masayang lumilipad ngayon. Oo, ibon parin ako at nasa akin parin ang mga pakpak ko. Pero meron talagang nagbago…
Akala ko alam ko na ang lugar na ito, hanggang ngayon pala’y ligaw parin ako. Akala ko sigurado na ako, hanggang ngayon pala’y lito parin ako. Akala ko nang iwan ko siya, mas tataas pa ang lipad ko, pero lalo pa palang bumaba dahil ngayon ko lang naisip.. kung ako ang ibon, siya ang aking himpapawid.
BINABASA MO ANG
LIPAD
RomancePOV lang 'to ni M. Sino si M? Kilalanin niyo dito: https://www.facebook.com/notes/teo-esguerra/cubao/10154072008855576 https://www.facebook.com/notes/teo-esguerra/cubao/10154072008855576 https://www.facebook.com/notes/teo-esguerra/cubao/101540720088...