Mahal, naalala mo pa ba yung dating ako? Yung dating tayo? Yung mga panahong hindi ko maipaliwanag ang saya kapag kasama kita. Yung mga panahong, yung mga ngiti mo lang yung bumubuo sa araw ko. Yung mga panahong minu-minuto, ikaw yung laman ng puso ko. Mahal naalala mo pa ba yung mga sandaling tayo'y masaya pa at di kayang tibagin ng iba. Yung mga panahong... ako at ikaw lang... walang siya. Naalala ko pa nga yung unang araw nating nagsama, ganito ba talaga ang pag-ibig? Nailang ako ng sobra. Hindi ako nagdalawang-isip noon na ligawan ka kasi alam kong ikaw na. Napakaswerte ko dahil sa dinami-daming tao sa mundo, ako yung pinili mo. Yung mga araw na hawak mo yung papel at akin ang panulat at sabay tayong gumagawa ng ating kwento. Nagsimula tayo sa salitang "Hi." Sa salitang ito, nakita ko sayo yung mga hinahanap ko. Yung mga lirikong bubuo sa aking awitin at yung mga pyesang kukumpleto sa aking damdamin. Noong mga panahong yun, nagbakasakali ako na tama na yung panahon, na tama na yung pagkakataon, na sana iba ka, iba ka sa mga babaeng pwede kong makilala. Oo ikaw na. Ikaw na yung akala kong bubuo sa buhay ko. Ikaw na yung akala kong kulang at pilit kong binubuo.Oo ikaw na yung akala kong magmamahal at tatanggap sa isang tulad ko. Pero mali... nagkamali ako. Oo nagmahalan tayo noon na umabot pa sa 11 buwan. Saksi ang apat na sulok ng ating paaralan sa binuo at pinatatag nating pagmamahalan. Oo, malapit na sana tayo eh, kaso bumitiw ka. Pinanghawakan ko yung sinabi mong hinding-hindi mo ako iiwan. Pinanghawakan ko yung sinabi mong sabay tayong lalaban. Labanan natin ng sabay lahat ng balakid na maaaring sumira sa binuo nating pagmamahalan. Pero naging gago na siguro ako sa paningin mo. Dahil sa isang kaibigan, nawala at nasira ko ang iyong tiwala. Tiwala na inalagaan ko ng ilang taon, sinira ko lamang sa isang pagkakataon. Napakaduwag ko na hindi mapansin yung nararamdaman mo ng dahil sa iba. Napakatanga ko upang hindi mabigay ang atensyon na hinihingi mo. Oo... kasalanan kong lahat ng to. Oo... kagagawan ko to. Hindi ko alam kung bakit tayo nagkaganito. Hindi ko alam na sa paglipas ng mga taon ay unti-unti na ring lumalamig ang ating relasyon. Mahal teka lang. Mahal sandali lang. Huwag ka munang bumitaw. Gagawa ako ng solusyon, huwag ka munang bumitaw dahil lang sa pansarili mong emosyon. Mahal huwag muna. Hindi ko pa kaya. Ngunit nagising ako sa katotohanan na wala na nga palang ikaw atsaka ako. Wala na nga palang tayo. Mahal meron pa bang kahit konting pagmamahal na natitira dyan sa puso mo. Meron pa bang pag-asa na sa muli, maging tayo. Mahal hanggang ngayon dala ko pa yung mg alaalang sabay nating binuo. Dala ko pa ang unang araw na nagmahalan tayo. Dala ko pa yung mga away na sabay nating inayos at muli nating binuo. Dala ko pa ang parang kahapon lang tayo, ngayon... ako na lang. Marahil ay napagod ka na sa akin, sa ugali ko. Marahil ay lumamig na ako sayo. Pero mahal, asan na yung pangako mong ako na yung huli. Asan na yung pangako mong hindi mo ako iiwan at hindi mo ako sasaktan. Dahil kung mahal mo talaga ako... hinding-hindi mo ako susukuan. Nasa kalagitnaan palang tayo ng ating kwento pero bakit bumitiw ka na. Marahil ay nawalan ka na ng mga pahina at ako itong sulat lang ng sulat ng mga bagay na para sa iyo ay hindi tama. Sinimulan natin sa salitang "Hi" huwag mo munang banggitin ang salitang "bye" kasi lumalaban pa ako kahit uni-unti ka nang sumusuko. Kaya mahal, maghihintay ako. Maghihintay ako na sana'y bumalik ka. Ituloy natin ang ating kwento. Maghihintay ako sa panahong kaya mo na. Maghihintay ako sa pagkakataong napatawad mo na ako at sa panahong maging tayo na... ulit.