PROLOGUE
Kapag diniktahan ka ng pag-ibig, hindi ka na makakapalag pa, maaaring mawala ka rin sa tamang pag-iisip, maaaring kang magbago, maaari kang paasahin at lokohin, maaari kang iwan at saktan. kahit ang pinakamatapang na tao, napapabagsak ni pag-ibig. Kahit ang pinakamatalinong tao, nagiging mangmang kapag umibig. Kahit ang pinakamasamang tao sa mundo, napapabait ng pag-ibig. Kahit ang pinakamasayahing tao, napapaluha ng pag-ibig. Lahat daw ng tao, mapapaikot ng pag-ibig. Kahit gaano nila gustuhin na huwag masaktan, huwag magbago, huwag magpakamangmang o huwag umiyak, hindi nila madiktahan ang isipan nila. Para bang, may sariling utak si puso. Kaya mas mabuti nang mahalin yung mga bagay o tao na alam mong mamahalin ka din. Para hindi ka masaktan. Para hindi ka umiyak. Para hindi ka sirain ni pag-ibig.
Mahirap makipaglaro kay pag-ibig. Ang tanging alam niyang laro ay ang pustahan. Kapag nakipagpustahan ka sa kanya, maaaring makuha mo ang lahat pero maaari din namang mawala sa'yo lahat ng yun. Magsisisi ka lang din naman sa huli kapag hindi ka naging masaya kaya mas mabuti na sigurong huwag mo na lang siya guluhin para hindi ka rin niya pakialaman. Pero ganoon nga ba si pag-ibig? Hindi niya pinapakialaman yung mga taong hindi gumugulo sa kanya?.. Hindi. Hindi ganoon si pag-ibig. Wala talaga siyang tatantanan.
