CHAPTER ONE

27.2K 301 11
                                    

Bandang alas sais na ng gabi. Sa halip na manatili sa bahay o kaya naman ay tumambay kasama ng mga barkada ay may ibang nais pagkaabalahan si Kurt. Meron siyang misyon na kahit marahil harangan siya ng napakaraming sibat ay hindi maaaring hindi matuloy.
“Ang tagal naman,” naiinip na turan ni Kurt sa sarili habang sinisipa niya ang maliliit na batong nasa paanan niya. Nakatayo siya sa labas ng gate ng malaking bahay nila at palinga linga sa paligid.
Sa tuwing may dumaraang sasakyan ay parang tinatambol ng malakas ang dibdib niya dahil sa sobrang kaba. Pakiramdam niya ay may karera ng mga kabayo sa loob ng katawan niya sa tuwing makakarinig siya ng ugong ng sasakyan.
“Jeez!” napasimangot siya ng hindi magtagal ay matanaw na niya ang paparating na kulay pulang sasakyan. Mabilis ang mga kilos na pumasok siya sa loob ng gate ng bahay nila.  Daig pa niya ang security guard kung bantayan ang nangyayari sa labas ng bahay.
Naningkit ang mga mata niya ng makita na umibis mula sa sasakyan ang isang matangkad na lalaki.
“Papogi,” napaismid siya ng mapansin na inalalayan nitong bumaba ang maputing babae mula sa passenger seat. Gusto niyang mailing sa ginagawa niya ngayon. Dapat ay nasa loob na siya ng bahay at nag aaral dahil malapit na ang exam niya. Mahirap ang kurso niyang Engineering kaya hindi dapat na nasasayang ang oras niya.
Pero hindi naman pagsasayang ng oras ang ginagawa ko ngayon. Binabawi ko lang ang kung ano ang dapat na sa akin. naisaloob niya.
True. Dapat ay siya ang kasama ng magandang dalaga na walang sawang tinatanaw niya ngayon. Dapat ay siya ang umalalay dito sa pagbaba nito sa sasakyan. Ang kaso ay nakagawa siya ng pagkakamali dito kaya naman abot hanggang langit ang galit nito sa kaniya.
Habang pinagmamasdan ang kilos ng dalawang nilalang mula sa labas ay hindi niya mapigilan ang pagkuyom ng kamao. Kulang ang napakaraming salita para ilarawan niya ang matinding selos na bumabalot ngayon sa dibdib niya.
“Nag enjoy ako sa first date natin ngayon Patty, sa uulitin,” sabi ng lalaki.
Sa uulitin? halos mag isang linya na ang mga kilay niya.
“S-sige..salamat ulit sa time Liam,” kiming sagot naman ni Patty dito.
Liam pala ha? Nakatalikod sa kaniya si Patty. Ang lalaking kasama naman nito ay mukhang hindi na mapakali. Napansin niya ang kakaibang kilos ng lalaki. Halatang hinihintay lamang nito ang go signal para mahalikan nito si Patty.
Papayag ba siya?
No! no! no!
Pwedeng kunin sa kaniya ng kahit na sino ang kahit anong bagay pero hindi ang babaeng pinakaiingatan niya. Mabilis pa sa alas kuwatro na yumuko siya at kumuha ng tatlong maliit na bato. Bago pa man yumuko ng tuloyan ang lalaki at mailapit ang mukha kay Patty ay pinagbabato na niya ito.
“Ouch! sinong gago ang-”
Bago pa siya makita ng mga ito ay agad na nagtago na siya sa likod ng mataas na pader. Napangisi siya ng mapansin na parang natulala ang lalaki matapos nitong magmura ng maraming beses. Marahil ay nahalata nito na nagulat ang kadate nito dahil sa malutong na pagmumura nito.
Hoho! Bawas pogi points!
“Patty I’m sorry.. bigla kasing may bumato sa akin. Hindi ko sinasadya na magmura sa harap mo. I’m sorry.” hindi magkandaugaga na hinging paumanhin nito.
“Okay lang, sige pasok na ako sa loob,”
“S-sige.. I’ll see you tomorrow,”
Hinintay lamang niya na tuluyang makapasok si Patty sa loob ng mismong bahay nito na nasa tapat ng bahay niya bago siya lumabas. Pasipol sipol siya habang binubuksan ang gate. Nakita niyang malapit na sa kinaroroonan ng sasakyan ang lalaking nagngangalang Liam kaya binilisan niya ang mga hakbang at nilapitan ito.
“Girlfriend mo ba siya?” bungad niya dito.
“H-huh?” nagtatakang tanong naman ni Liam sa kaniya. Tumigil ito sa paglalakad at pumihit paharap sa kaniya. “Ako ba ang kinakausap mo?”
“May ibang tao pa ba dito sa kalsada maliban sa ating dalawa?” pasarkastikong tanong niya dito. Umiling naman ito at naguguluhang tiningnan siya. “Ang babaeng kasama mo kanina, girlfriend mo ba siya?”
Nag isang linya ang mga kilay nito.
“Bakit? Anong pakialam mo kung girlfriend ko nga siya?” mayabang na tanong nito. Kung sa ibang pagkakataon siguro ay nabigwasan na niya ito. Pero kailangan niyang magtimpi. Dahil naidate na nito si Patty ay nangangaluhan lamang na karibal niya ito.
At dahil karibal niya ito ay naniniwala siya na dapat lang na pakisamahan niya ito ng maayos. Hoho!
Blangko ang ekspresyon ng mukha na tiningnan niya ang lalaki.
“Kung ako sa'yo ay layuan mo na siya habang maaga pa. Hindi ka na dapat pang makipagkita sa kaniya,”
“Bakit?”
“Dahil may dala siyang sumpa,” seryosong turan niya.
“Anong,” nalilitong saad nito. Hindi na niya ito binigyan pa ng pagkakataon na magsalita ulit. Ipinakita niya dito ang mga litratong hawak niya.
“Siya si Third, schoolmate ni Patty. Sa pagkakaalam ko ay naaksidente siya eksaktong araw pagkatapos siyang sagutin ni Patty. Ito naman si Marcus naholdap siya at nasaksak isang araw pagkatapos siyang sagutin ni Patty. Ang matangkad na lalaking ito ay si Joven, isang oras pa lang siyang sinasagot ni Patty pero inabot na agad siya ng malas. Nahulog siya sa hagdan ng campus building nila at hindi na muling nakalakad pa.” pagkatapos niyang magsalita ay matiim na tumingin siya sa lalaki. “May dala siyang kamalasan at ayoko ng sabihin pa sa'yo ang nangyari sa ibang mga lalaking nakikita mo ngayon sa picture. Oras na maging kayo ay may darating na matinding kamalasan sa buhay mo.”
Pasensiya na lang kina Third, Marcus at Joven na mga kaibigan niya dahil kailangan niyang gamitin ang mga ito para sa misyon niya ngayon. Napangisi siya nang mapansin ang pagkatuliro sa mukha ni Liam. Ang totoo niyan ay marami siyang paraan para maitaboy ang mga manliligaw ni Patty. Ang isang manliligaw ay agad na umurong ang tapang nang sabihin niya kung gaano kaisrikto at nakakatakot ang daddy ni Patty lalo na ang isang tiyuhin nito na isang retired general. Naroon naman na ipapakilala niya ang manliligaw nito sa ibang babae para hindi na makasagabal pa sa kaniya. Pero sa malas ay wala pa siyang maaaring maipakilalang chikababe sa bagong manliligaw ng dalaga dahil kanina lamang niya nabalitaan sa panganay na kapatid nito na nakipagdate ito.
“Pero hindi pa naman kami magkasintahan,” nanlalaki ang mga matang sagot ni Liam.
Good! seryosong tinanguan niya ang karibal. Tiyak na madali niya itong mapapaniwala dahil nabanggit ng kapatid ni Patty – na si ate Ysme—na nakipagbreak si Liam sa dating girlfriend nito dahil kumalat ang issue na may lahing mangkukulam ang babae. Kaya nga daw napilitan ang lalaking magtransfer sa unibersidad kung saan nag aaral si ate Ysme para makaiwas sa dating girlfriend. Siguradong may trauma na si Liam sa mga ganoong bagay dahil ayon pa sa kwento ni ate Ysme ay nagbanta ang dating kasintahan ng lalaki na may mangyayaring hindi maganda dito kapag naghiwalay ang mga ito.
“Kung ganoon ay may pag asa ka pa na mailigtas ang buhay mo,” wika niya at seryosong tiningnan ito. “Gusto ko lang naman na makatulong kaya ko ito sinasabi sa'yo,”
Napaatras ito dahil sa sobrang takot. Umabante naman siya para muling lapitan ito. 
“S-sino ka ba?”
“Ako? ako lang naman ang lalaking nagbigay sa kaniya ng sumpa. Hindi siya pwedeng mapunta sa iba kaya naman huwag ka ng umasa pa.” madilim ang mukha na inilabas niya ang kulay itim na kandila at lighter. “Oras na sindihan ko ito ay may mangyayaring hindi maganda sa'yo.”
Itinirik niya ang mga mata at nagkunwari siyang umuusal ng maiksing dasal habang iwinawagayway niya sa harap nito ang kandila.
“Huwag! aalis na ako! hindi na ulit ako lalapit pa sa kaniya,” nanginginig ang tinig na turan nito at nagmamadaling sumakay na sa kotse.
Nakangising tinanaw niya ang pag alis ng sasakyan nito. Napahalakhak siya ng makita kung papaano nito mabilis na pinaharurot ang sasakyan.
“Kurt!”
Mabilis ang ginawa niyang paglingon ng marinig ang tinig ni Marcus. Kapitbahay at matagal na niya itong kaibigan. Sila Joven at Third naman ay pareho nilang classmate na naging matalik din nilang kaibigan.
“Gumawa ka na naman ng kalokohan para maitaboy ang mga manliligaw ni Patricia, 'no?” naiiling na tanong nito sa kaniya.
Nakangiting inakbayan niya ito para matigil na ito sa pagsasalita. Mahirap na dahil baka mamaya ay lumabas ng bahay si Patty at marinig nito ang mga sinasabi ni Marcus.
“ Magaling na ba ang sugat mo?” tanong niya sa kaibigan. Totoong naholdap at nasaksak ito kamakailan lang. Tiyak na nabalitaan iyon ni Liam dahil kilalang commercial model ang kaibigan niya at nabalita sa TV ang nangyari dito. Isa pa ay magkalapit lamang ang mga unibersidad kung saan sila nag aaral kaya hindi malayong makarating ang balita kay Liam. 
“Bakit hindi mo na lang kasi sabihin sa kaniya ang totoong nangyari kung bakit mo siya nireject noon?” anito na ang tinutukoy ay si Patty.
Ang kulit!
Pero oo nga. Bakit sa halip na sabihin niya ang totoong nangyari limang taon na ang nakakaraan ay nagpapakahirap pa siyang itaboy ang mga asungot na karibal niya.
Isang pilit na ngiti ang sumilay sa mga labi niya. Dahil ang totoong karibal niya ay isang taong mahalaga din sa kaniya. Isang tao na kahit marahil hilingin sa kaniya ang buwan ay hindi siya magdadalawang isip na ibigay.

UNEXPECTEDLY (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon