"Krrrrringggggg ..."
Naalimpungatan ako sa tunog ng bell na iyon at agad na bumangon. Buti na lang at wala pang mga estudyante na nagsisipaglabasan sa classroom. Hinanap ko muna ang nawawala kong kaluluwa at tumunganga muna ng ilang minuto bago mag-retouch ng makeup ko at nagsuklay. Tinignan ko din yung cellphone ko. Hanep! Mag-aalasais na ng gabi. Tatlong oras na pala akong natutulog sa kinauupuan ko, pinagtitinginan siguro ako ng mga estudyante at mga professors na dumadaan kanina sa hallway.
Pagkatapos kong mag-ayos ay agad na ako na umalis sa kinauupuan ko na siya namang agad na pinuntahan ng mga estudyante. Kanina pa siguro nilang gustong umupo sa kinahihigaan ko. Mabilis ang bawat hakbang ko pababa ng hagdanan at paglabas ng school. Medyo binilisan ko na din ang paglalakad habang tinatahak ko ang daang araw-araw kong dinadaanan.
Pagkadating ko sa terminal ng bus, saka na ako nakahinga ng maluwag. Wala pang pila para makasakay sa bus na sasakyan ko pauwi ng Bulacan. Bumili muna ako ng makakain ko sa byahe bago sumakay ng bus. Ang pinili kong pwesto ay yung sa kanan, yung pangdalawahan lang na tao ang nakaupo malapit sa pintuan ng bus na nasa gitna. Maganda ang mood ko ngayon dahil nakatsamba ako na makaupo malapit sa bintana.
Naglagay na ako ng earphones sa tainga at nagsa-soundtrip nang may nakita akong pamilyar na mukha sa di kalayuan. Shocks! Kakilala ko, malamang siguro kilala din ako nito. Maiistorbo na naman ang pagdadrama ko sa bintana, malamang hindi na din ako makakatulog mamaya sa byahe kung makikita ako ng taong yun. Mas gugustuhin ko kasi na mapag-isa sa byahe kaysa sa may kasamang bumabyahe, papunta man o pauwi.
Nilayo ko na ang mga tingin ko sa kanya at ibinaling na lang sa harapan ko na para bang hindi ko pa siya nakikita. Kung sa unahan ng pintuan siya papasok malamang hindi niya siguro ako makikita at uupo na lang diretso sa may bandang unahan. Kaso ...
"Uyyy, Eca!" Unang sambit niya nang mahagip ng paningin niya ang mukha ko pagkapasok sa gitnang pintuan ng bus at pag-akyat niya.
"Uyyy!" Ang tanging salitang nabanggit ko. Mukhang mapapasabak ako sa mahaba-habang usapan ngayon at hindi ko mai-enjoy ang pagsosolo ko sa pag-uwi. Agad na kasi siyang tumabi sa akin.
"Kumusta? Uwian mo din pala ngayon? Ayyy wala pa ba nakaupo sa tabi mo?"
"Wala pa naman. Sige dyan ka na," Nandyan ka na eh, sa loob ko. "Ganitong oras ka din pala umuuwi?"
"Napaaga lang ngayon yung uwi ko, exam eh. Sa PLM ka pala nag-aaral! Ano'ng course mo?"
"MassCom, eh ikaw?"
"Engineering."
"Civil?"
"Hindi, Electrical."
"Ahhh, sa TIP?" Yung uniform niya kasi pamilyar tapos yung ID lace din niya nakalagay na Technological Institute of the Philippines.
"Oo."
"Ahhhhh ..." Ano na Eca? Pagkatapos ng 'Ahhh' mo? Mapuputol yung conversation. Magiging awkward ang paligid. Kahit na pabor na sa akin ang tumigil, ayokong isipin nito na ayaw ko siyang kausapin, snob o iba pa na pwedeng isipin sa akin. Isip ka pa ng ibang topic bukod sa school.
"Edi nata-traffic ka din? Ano'ng oras ka na nakakauwi sa inyo?" Bahala na basta maipagpatuloy lang ang usapan na ito at hindi matatapos ang usapan sa akin.
"Oo, sobra. Dyan sa C-3 natatraffic ako pag alas singko ako nakakauwi tuwing Lunes tsaka Miyerkules. Pero ramdam kong mabilis lang byahe natin ngayon lalo na't mag-aalas otso na."
Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa aming dalawa pagkatapos niyang magsalita. Hindi ko na din alam kung ano'ng idudugtong ko pa doon sa usapan. Hindi niya siguro nakayanan ang katahimikang dala ng sitwasyon kaya sinubukan niya ulit na kausapin ako.
BINABASA MO ANG
Byahe ng Bus (One Shot Story)
Short StoryAt sa huli, nakarating ako sa aking destinasyon ngayong araw na ito na mag-isa.