Ang sarap ng gising ko ngayon. Napanaginipan ko kasi na nagkabalikan yung mama at papa ko. Sana nga eh hanggang sa paggising ko madadala yung panaginip ko sa realidad pero, impossible kasi eh.
Tumayo na ako mula sa higaan ko at inayos ang kumot at unan ko. Naalala ko tuloy si Mama. Palagi nalang ako pinapagalitan nun' pagka-gising ko kasi di ko inaayos ang kumot at unan ko. Namimiss ko na si Mama.
Lumabas na ako ng kuwarto at dumiretso sa kusina, dito ba ako kakain o sa labas nalang? Tsk. Tinignan ko yung loob ng refrigerator. Nakalimutan ko, dalawang linggo na pala simula nung hindi ako nakapagbili ng grocery.
Bumalik ako sa kwarto ko at naligo. Pagkatapos kong magbihis ay kinuha ko na yung pitaka ko at lumabas ng bahay.
Naalala ko ulit sa tuwing nakakalimutan ni Papa bumili ng grocery, nagaaway sila ni Mama pero mamaya maya naman ay, magkakasundo sila at kakain nalang kami sa labas. Namimiss ko nang kumain kasama sila.
Nagtungo nalang ako sa karinderia na malapit lang sa bahay. Kilala ko ang nagmamay-ari ng karinderyang ito, si Manang Seria. Siya yung nagsilbing nanay nila Mama at Papa. Siya yung nag-aalaga sa akin kapag may mga dapat lakarin at asikasuhin sila Papa at Mama. Nakakalungkot lang eh, nawala na din si Manang Seria at dahil dun hindi na masyadong patok yung karinderia niya.
Pumasok na ako at tinignan kung anong pwedeng makain pero, wala akong nagustuhan eh.
"Oh Eric, anong sayo?", tanong ni Sitti sa akin. Talagang napakaganda ng kababata ko, kaso maaga siyang nakapag-asawa. Nginitian ko siya at pumasok na sa may kusina ng karenderia. Ilang buwan na ba akong hindi nakapagluto sa karenderia ni Manang Seria?
Mukhang nakuha naman ni Sitti na gusto kong magluto kaya pinabayaan niya na ako. Sinumulan kong magluto ng adobong manok na tinuro sakin ni Manang. Ang sarap talaga alalahanin yung mga oras na yun, na kasama ko sila Papa, Mama at Manang sa kusinang ito.
Para na kaming isang pamilya noon. Teka, mali pala. Isa pala talaga kaming pamilya.
Pagkatapos kong magluto ay hinain ko na yung adobong manok. Lumapit si Sitti sa akin, "Parang anak ka na ni Mama ah, ikaw lang talaga nakakagaya ng kanyang mga luto."
Ngumiti nalang ako ulit sa kanya at nagpaalam na. Hindi na ako ginutom. Nabubusog ako sa mga alaala.
Bumalik nalang ako ulit sa bahay. Uminom ako ng tubig. Kung hindi lang sana malayo yung pinagtrabahuan ko, hindi sana ako magkakaroon ng ganitong bangungot araw-araw.
Nag-aaway daw kasi sila Mama at Papa nung araw na yun, ewan ko kung bakit. Umalis daw si Papa at nasagasaan. Si Mama naman hindi nakaya at inatake sa puso. Kung sana andito lang ako sa bahay na to', malamang napag-ayos ko pa sila. Kasalanan ko ba to?
Bumalik ako sa kwarto ko at natulog ulit. Wala na akong iba pang gustong gawin kundi matulog at managinip kasama sila Mama at Papa.
*Nakalipas ang isang linggo...
Nagulat ako sa nabalitaan ko, ang mahal kong Eric wala na. Hindi ko nalaman kung anong sanhi kasi papaalis kami ng pamilya ko papauwing probinsya. Binisita lang kasi siya ng kaibigan niya at natagpuan lang siyang patay sa kwarto niya.
Naalala ko, mabait na anak si Eric, mabuting kaibigan. Oo may mga naging kasalanan yung Eric na yun pero alam ko lahat yun at sinasabi niya naman sa mga magulang niya at nanghihingi ng tawad.
Nakakalungkot lang, wala na siya. Ang lalaking minamahal ang Sitting katulad ko sa kabila ng mga kakulangan at kabobohan ko.
Si Eric, ang tunay na anak ni Manang Seria.