Parang kailan lamang
nang ika'y aking isilang;
iniluwa sa mundo
na lubhang napakagulo.
Kay bilis ng panahon
di ko napansin
ang sanggol na kalong
mahaba nang magpantalon.
Nag-umpisa kang sumayaw
sa salit ng tugtog ng mundo;
Di ka marunong umayaw
lahat ng pagsubok nais igupo.
Ang iyong musmos na kaisipan
punong-puno ng kamangmangan;
Kayraming katanungan
hinahanapan ng kasagutan.
Nais mong yakapin ang buong mundo,
hinay-hinay anak, baka ika'y mapaso;
Tulad ng sa batang gamu-gamo
sa rikit ng apoy nagpatukso.
Dapat mong mapagtanto
na ang buhay sa mundo,
may ligaya't pighati...
tagumpay at pagkasawi.
"Ang mundo raw ay rosas na higaan"...
kabulaanan pagka't salat sa katotohanan;
Alalahanin mong ang rosas ay may tinik
Ito'y mga bundok sa buhay na lubhang matatarik.
Pakaingatan mo ang taong matamis ang dila
nag-aanyayang makihalubilo sa kanila,
ika'y ibubulid sa masamang landas
buhay mo'y tiyak na mawawaldas.
Saglit na huminto sa iyong paglalakbay
iyong pakalimiin saan nais tumungo;
Sana'y maunawaang sa pag-ibig at buhay
may takdang oras, lahat nakaplano.
Huwag mong madaliin, anak...
matuto kang magpasalamat -
sa magulang, kaibigan at kaanak
at sa Diyos na laging kasama't kaakibat.