Makalipas ang kalahating oras, ay mabilis na narating ni Brae ang gusali kung saan naninirahan si Matt. Wala naman gaanong trapik, kaya't dagling nakarating ang taxi'ng sinasakyan niya roon.
"Manong, ito na po ba 'yung nasa Address?" Pagtatanong ni Brae sa driver habang sinisilip sa bintana ang gusali.
"Opo Maam, ito na po 'yung Grandeur Condominium." Sagot naman nito, saka tuluyang inihinto ang metro ng taxi.
Kinuha naman agad ng dalaga ang kanyang pitaka saka ito binayaran, "Heto po Manong, salamat po." Saad niya rito, bago tuluyang bumaba ng taxi.
Sinipat ni Brae ang gusali kung saan naninirahan ang kanyang kasintahang si Matt. Meron itong taas na aabot sa tatlumpung palapag at makikita mong mamahalin ang nasabing gusali, dahil sa dating at itsura nitong hindi pangkaraniwan.
Bago tuluyang pumasok sa lobby, ay mabilis inayos ng dalaga ang kanyang sarili saka binitawan ang mga katagang, "Kaya mo 'yan, Brae." Aniya sa hangin bago naglakad sa pintuan na yari sa makapal na salamin.
"Good Morning po Maam, saan po kayo?" Magalang na pagtatanong ng babaeng receptionist, nang tuluyan siyang makalapit dito.
"Uhmm... Kay Mr. Matthew Montenegro po." Wika ni Brae, habang hindi mapakali ang kanyang mga kamay dahil sa tensyon.
Sandali itong may kinalikot sa kanyang makinilya sabay sabing, "Maam, pa-log in na lang po." Magalang na turan nito bago iniumang kay Brae ang isang log sheet na nakapatong sa counter.
Mabilis namang pinunan ni Brae ang mga patlang doon, saka ibinalik sa babaeng receptionist ang papel na kanyang sinulatan. "Okay po Maam, akyat na po kayo sa Unit ni sir Matt." Nakangiting wika pa nito bago itinuon muli ang atensyon sa kanyang makinilya.
"A-ahh... Sige po, salamat." Alanganing saad ni Brae.
Kahit hindi sanay sa ganoong klaseng lugar, ay mabilis siyang tumungo sa harap ng elevator saka pinindot ang ikataas na pindutang naroon. Ilang minuto lang ang itinagal ng kanyang paghihintay, bago tuluyang bumukas ang elevator.
Walang tao sa nasabing lift kaya't maagap na pumasok doon si Brae. Pinindot niya ang 15th Floor, dahil iyon ang nakalagay sa mensahe ni Matt sa kanya noon. Wala pang isang minuto ay nakarating na agad ang dalaga sa ika-labing limang palapag ng nasabing gusali.
Naglakad ang dalaga sa hallway ng 15th floor para hanapin ang unit ni Matt. Mabilis naman niya itong nahagilap at nakita ang numerong 1508 sa labas ng isang puting pintuan. Ilang beses sinubukang kumatok ni Brae sa nasabing pinto, ngunit walang Matt na bumubungad doon.
Mabilis naman niyang inilapit ang kanyang tenga sa pintuan upang pakinggan kung may tao ba sa loob, ngunit nabigo si Brae dahil ni isang tunog, o kaluskos man lang ay wala siyang nabatid. Bagsak ang balikat na nagpalinga-linga ang dalaga sa kanyang paligid, at nang mabaling ang kanyang paningin sa kaliwang bahagi ng pinto, ay maagap na nakita ni Brae ang isang security lock na di-pindot doon.
Naalala niya ang sinabi ni Matt noon, na ang password ng condo unit nito ay ang araw rin nang sagutin niya ang binata. Kaya naman sinubukan ni Brae na pindutin ang mga numerong, 112217. Nang mapindot ng dalaga ang Enter, ay biglang lumipat sa kulay berde ang ilaw na kanina'y nasa kulay pula. Ibig sabihin lang nito ay tama ang numero na kanyang itinipa.
BINABASA MO ANG
Naked Heart ✔️ (Published under PSICOM)
Romance✨PUBLISHED under PSICOM Publishing Inc.✨ (MONTENEGRO NAKED SERIES: #1) Simpleng babae lamang si Braelynn Benites. Wala siyang ibang hinangad kundi ang maayos na buhay para sa kanyang pamilya. Kaya naman tinanggap niya ang isang trabaho na kailanman...