Umagaw ng atensiyon ni Hesper ang isang kabataang dalaga na dumaan sa harap niya. Nakaupo siya kasama ang kaibigang si Jezart sa ilalim ng punong Acacia. Sa isip niya ay tiyak na bagong lipat ito sapagkat ngayon lang niya nakita ang babaeng iyon. May malaking backpack ito sa likod na kulay itim, nakamaong na itim, kulay asul na jacket ,naglalakad na may suot na kulay asul din na rubber shoes. Nakatali ang buhok at nakasalamin para sa araw. Pumasok ang babae sa pangatlong pinto mula sa classroom niya. Nagulat siya ng biglang tapikin ni Jezart ang balikat niya.
"Brad mukhang interesado ka sa isang yon ah." ani Jezart sabay ngiti. Ngayon lang niya nakitang tumitig si Hesper ng ganon katagal sa isang babae. Naisip niyang hindi niya pwedeng ikaila ang nakita ng kaibigan sa akto. Tumingin si Hesper sa kaniyang wrist watch at tumayo.
"Tara na, magsisimula na ang klase natin." tanging sagot niya para itago ang ngiti na pilit lumilitaw sa kaniyang labi.
Lumipas ang mga araw, linggo, buwan ay napapansin ni Hesper na mag-isa lang ang dalagang yon. Wala man lang gustong makipag-usap dito ni isa sa mga kasamahan nito sa klase. Wala namang lakas ng loob si Hesper na lapitan ito at kilalanin. Hanggang sa isang araw nakaisip siya ng paraan.
School Canteen...
Bitbit ang nabili niyang tinapay at juice tinabihan ni Hesper ang isa mga dati niyang kaklase noong unang taon niya sa junior high.
"Vogs kumusta ?" bati niya rito.
" Oy pre, ok lang naman. Makakumusta ka parang di tayo nagkikita araw-araw ah." natatawang sagot ng kaklase niyang si Vaugn na kung tawagin niya'y Vogs. Nilapag niya ang nakaplastic na juice sa mesa.
" Ibig kong sabihin kumusta ang weekend mo,Lunes ngayon ah." maagap na sagot ni Hesper.
"Ayos naman,wala naman akong ibang ginagawa kundi ang maglaro ng DOTA at gumala." masayang bigkas nito.
" Balita ko, may bago kayong kaklase ah." pakli niya. Napatingin sa mukha ni Hesper ang binata.
"Yan tayo eh, mukhang may gusto ka kay Sharmaine ah." napangising sagot ni Vogs.
" Sharmaine pala pangalan niya..." pabulong na turan ni Hesper.
"Bakit interesado ka? Wag mo ng tangkain pre, tingin ko magaling mambali ng buto yon. Tahimik at seryoso masyado eh." saad ni Vogs.
"Pre, hindi porque tahimik at seryoso masamang tao." pagtatangol ni Hesper.
"Bahala ka, ligawan mo, iwan ko lang kung pansinin ka non." sarkastikong bigkas nito na tinuldokan ng tawa.
Dumaan ang mga araw, walang ginawang pagkilos si Hesper. Tahimik niyang minamatyagan ang bawat kilos ng dalaga sa tuwing may pasok. Hindi nagtagal ay napansin niyang lagi itong pumumpunta sa librarya ng paaralan kapag breaktime. Kaya naisipan niyang alamin kung ano ang ginagawa nito roon.
" Part, bakit parang napapadalas ata ang pagpunta mo ng library?" pansin ni Jezart habang nakaupo sila sa loob ng library.
"May hinahanap akong formula." pabiro niyang sagot.
"Ha?" kunot noong tugon ni Jezart,napalakas ito kaya nasaway siya ng librarian. " Formula? Nang ano? Pambihira ka naman, igoogle mo na lang." pabulong niyang dugtong.
"Formula ng Pag-ibig." biro nito.
" Alam mo kahit kailan, hindi na nagbago yang mga banat mo. Paano ka papansinin ng mga babae kung ganiyan ka kacorny." puna ni Jezart. Biglang natanaw ni Hesper ang pagpasok ng dalaga sa library.
" Ayan na siya." pabulong niyang bigkas. Kunwari ay nagbabasa ang dalawa habang sinusundan nila ng tingin si Sharmaine na tumungo na sa section ng library para sa Araling Panlipunan. Nakita ni Hesper ang dinukot nitong aklat na kulay berde at parang may mga isla sa cover nito. Hindi niya masyadong mabasa kung ano ang aklat na iyon dahil sa distansiya nila. Tumungo na si Sharmaine sa upoan at para dalhin ang mga aklat na kinuha niya. Nilapag niya ang mga ito sa desk at sinimulan na itong basahin. Nakalapat sa desk ang aklat kaya wala ng pagkakataon pa si Hesper para alamin kung tungkol saan ito.
Ang hindi nila alam, batid na ni Sharmaine na kanina pa siya tinititigan ng dalawa. Kaya kaniya-kaniyang diskarte ang mga ito sa tuwing napapagawi ang mga mata ng dalaga sa pwesto nila. Kunwari ay seryoso sa pag-aaral ang dalawa. Dumaan ang mga araw at napansin ni Hesper na palagi itong nagtutungo sa library. Wala na itong ibang binasa kundi ang aklat na iyon. Sumidhi pa ang pagnanais ni Hesper na makilala ang transferee na iyon.
Napabalikwas ang binata sa pagkakahiga niya sa pinagdikit na mga upoan alas dose y media ng tanghali. Noon break nila at nakagawian na niyang umidlip saglit pagkatapos kumain. Pagdilat niya nakita niyang si Jezart pala ang gumising sa kaniya.
" Parekoy nakita ko si Sharmaine." pabulong na bungad ni Jezart.
" Saan." usisa ni Hesper habang pinupunasan ang kaonting laway na tumulo sa kaniyang pisngi.
" Sa may kubo sa likod ng stage." nakangiting siwalat ng kaibigan. " At mag-isa. Pagkakataon mo na." dugtong pa nito.
Agad na naghilamos at nag-ayos ng buhok ang binata at tinungo na ang nasabing kubo. Pagdating doon ay nakita niya si Sharmaine na may ginguhit sa isang bond paper. Agad na tinupi at itinago ng dalaga ang papel ng mapansin niyang may paparating. Nagulat siya ng paglingon niya ay nakita niya sa pasokan ng kubo ang pamilyar na mukha.
" Hi, pwedeng makiupo. " bungad ni Hesper. Inayos ni Sharmaine ang laman ng kaniyang bag habang nakatalikod sa binata.
" Sige, paalis na din naman ako." aniya at hinarap ang binata. Inilagay na ni Sharmaine sa kaniyang balikat ang backpack niya.
" Sandali, wag ka munang umalis. " pigil ni Hesper ng makitang seryoso ito sa sinabi niya. " Pwede ba kitang makilala? " tapat niya.
Napahinto ang dalaga at tumitig sa mukha ni Hesper.
" Alam mo na naman ang pangalan ko di ba? Ano pa ang gusto mong alamin?" sagot nito. Natigilan ang binata sa sinabi niyang iyon.
" Paano mo nalaman na alam ko ang pangalan mo? " nagtataka niyang tanong.
" Alam mo, kilala ko ang mga lalaki, hindi yan lalapit sa isang babae lalo na kung mag-isa ito nang hindi niya alam ang pangalan. At oo nga pala, gusto kong malaman kung bakit niyo ako sinusundan ng kaibigan mo?" may diin nitong bigkas sa seryosong mukha.
Natameme si Hesper, hindi nito alam ang sasabihin niya. Hindi niya akalaing may pagkapusa ang babaeng ito.
" Ganon ba, hindi ah, nauuna kami sayo sa library." pabiro na lang nitong tugon.
" Gusto lang naming maging matalino kagaya mo." dugtong ni Hesper.
" Alam mo, gusto kung maunawaan mo, na hindi lahat ng mahilig magbasa ay matalino. Marami diyan nagbabasa nga pero wala ng ibang alam basahin kundi tungkol sa isang dalaga at binatang pinagtagpo ng tadhana at sa kabila ng mga pagsubok ay nagkaroon pa rin ng happy ending ang love story nila." sagot ni Sharmaine. Napatawa si Hesper.
" Alam mo gusto talaga kitang makilala." nakangiting bigkas ng binata.
" Kung gusto mong makilala ang isang bookworm, basahin mo kung ano ang binabasa nito." tanging tugon ni Sharmaine at tinalikoran na si Hesper Serval. Tahimik na pinagmasdan ni Hesper Serval ang paglayo ng dalaga. Hindi pa rin niya maintindihan ang pagkatao nito. Kung paanong mas gusto nitong mapag-isa at ibukod ang kaniyang sarili kapiling ang mga aklat niya.
BINABASA MO ANG
Hesper Serval : Panibagong Pahina
Mystery / ThrillerIsang bagong estudyante ang pumasok sa pinapasokang paaralan ni Hesper Serval at nagtagpo ang kanilang mga landas. Hindi niya akalaing ang babaeng ito na nagpatibok ng puso niya ay isa sa mga taong hindi niya dapat makilala.