Punit sa Pahina

21 0 0
                                    

   Pag-uwi ni Sharmaine sa inuupahan nitong maliit na kwarto, agad itong humiga sa kaniyang kama. Bigla siyang napangiti nang maisip niya ang pagtatagpo nila ng binatang iyon. Ngunit kaagad na tinanggal niya ang damdamin na nais isigaw ng kaniyang puso. Nakadama siya ng pagkainis, napapikit at kinamot ang kaniyang ulo anupa't nagulo ang kaniyang buhok. Umupo siya sa kama at tinitigan ang isang larawan na isinabit niya sa likod ng pinto.
" Isang araw na lang Pa, kaya natin to." napabuntong-hininga niyang bulong.
     Kinabukasan, kumakain sa canteen ang dalawang magkakaibigan nang mapansin ni Jezart na tahimik ang kaibigan niya.
" Hoy!" tapik nito sa balikat ni Hesper. " Wag ka ngang magseryoso, hindi bagay sayo." anito.
" Tara na." tanging tugon ni Hesper at dinala na ang plato niya sa dishwasher.
Sinundan ni Jezart ang binata.
" Ano bang nangyari? Siguro nabasted ka ano? " biro ni Jezart. Hindi umimik si Hesper. Patuloy itong naglakad pabalik sa classroom nila. Napakamot na lang sa ulo niya ang kaibigan.
    Hindi maalis sa isipan ng binata ang tungkol sa pagkatao ni Sharmaine. Pinipilit niyang iwasan pero hindi pa rin ito nagiging ligtas sa kaniyang malikot na imahinasyon. Marami ng lumipat na bago sa kanilang paaralan, pero iba ang tama ng dalaga sa kaniya.
Gusto man niya itong lapitan ulit ay hindi na niya magawa. Panay na lang ang tingin niya mula sa malayo.
"Ano ba talagang nangyari kahapon?" usisa ni Jezart na gusto pa rin siyang paaminin.
"Sa ngayon ok na muna ako sa tingnan siya mula sa malayo. Iba siya sa lahat ng nakilala ko." sagot ni Hesper habang tinatanaw ang paglalakad ni Sharmaine papunta sa paborito nitong kubo.
"Paanong iba?" nakakunot ang noong tanong ulit ni Jezart.
"Hindi ko rin alam. Hangga't hindi ako nakakalapit sa kaniya, hindi ko pa kayang alamin."
"Oh di lapitan natin."
"Sa ibang pagkakataon, hahanap tayo ng magandang tayming." aniya.
       Kahit nasa malayo ay ramdam pa rin ni Sharmaine na patuloy pa rin sa pagmamasid ang binata sa kaniya.
Hindi siya pumasok sa paaralan na iyon para lang makipagkaibigan sa ibang estudyante. Hangga't maaari ay iniiwasan niyang may makapalagayan ng loob. Makakasira lamang ito sa mga plano niya sa hinaharap.
    Mahilig talagang siyang magbasa ng aklat, pero hindi tulad ng mga binabasa niya ngayon na mga aklat. Iniwan niya ang mga ito sa kanilang bahay sa malayong probinsiya. Nagbabasa siya hindi dahil sa gusto niya ang mga ito kindi dahil sa gusto niya lang malibang pansamantala.
     Iniisip niyang mabuti kung paano niya iiwasan ng lubosan ang makulit na binatang iyon. Pero aaminin niya na nabighani siya sa mga ngiti nito. Ngayon niya alang naranasang makakuha ng ganoong atensiyon sa buong buhay niya.
Lumaki si Sharmaine kasama ang ama niyang ngayon ay nakaratay sa Ospital dahil sa malubhang sakit.
Simula ng iwan sila ng kaniyang ina ay sinikap niyang mamuhay ng malayo sa ibang tao.
Hindi dahil sa wala siyang tiwala sa kanila kundi dahil hindi niya alam kung paano sila haharapin. Malayo sa mga tao ang kanilang bahay at tanging ama niya lang ang kaniyang nakakausap na madalas naman ay wala sa kanila dahil sa trabaho nito sa bayan bilang isang karpentero.
      Kaya lumaki siyang nag kasama ay ang mga aklat at naging buhay na niya  ang pagbabasa. Lingid sa kaniyang kaalaman, ang buhay ay hindi tulad ng mga nababasa niyang mga kwento na madalas ay may happy ending. Kaya ng magkasakit ang kaniyang ama, wala siyang magawa kundi ang umiyak na lang dahil sa awa sa sarili.
Kaya heto siya ngayon nagpapakatapang sa pagharap sa mga problema niya.
    Si Hesper naman ay palihim pa rin siyang sinusundan sa pagpunta niya sa library. Hanggang sa hindi na siya nakatiis at muli niya itong hinarap nang sundan siya nito hanggang sa likuran ng isang classroom.
Nagtaka ang binata nang bigla na lamang siyang nawala.
"Ako ba hinahanap mo?" salita niya mula sa likuran nito.
Gulat na napalayo sa kaniya si Hesper.
"Bakit mo ba ako laging sinusundan?" pangsindak na tanong ni Sharmaine.
"Hindi ko rin alam. May kung  anong magnet na humihila sa akin papunta sayo." sagot nito habang nakangiti.
Tinitigan siya ni Sharmaine ng malagkit.
"Kung ako sa'yo, titigilan ko na ang pagsunod." aniya at tatalikod na sana ng sinagot siya ni Hesper.
"Bakit naman? Gusto kitang makilala."
Lumingon sa kaniya si Sharmaine na may luha sa kaniyang mga mata.
"Hindi mo ako kilala. Layuan mo ako kung ayaw mong mapahamak." pakiusap ni Sharmaine habang hinahayaan niyang umagos sa kaniyang pisngi ang luhang kusa na lang tumulo.
"Bakit naman ako mapapahamak?" tanong ng binata.
"Wag mo ng itanong. Huling pakiusap ko na sa'yo to. Kapag hindi mo pa ako nilayuan, hindi ko na alam ang mga pwede pang mangyari." anang dalaga at tuluyan ng tinalikuran si Hesper.
   Nakatayo at nakapako ang mga paa ni Hesper habang sinusundan ng tingin si Sharmaine. Kahit nagbanta na ito sa kaniya, ay hindi pa rin siya nito mapipigilang alamin ang totoo sa pagkatao nito.
Dumating si Jezart para kausapin siya,
"Nakasalubong ko si Sharmaine ah. Umiiyak, ikaw ba..."
Hindi sumagot si Hesper at naglakad na pabalik sa classroom nila.
Napakamot ng ulo si Jezart. Simula ng makilala ng kaibigan niya ang babaeng iyon ay nawala na rin ito sa katinoan.
   Bumisita si Sharmaine sa ospital at kinumusta ang kalagayan ng ama. Hindi pa rin ito nagigising simula ng mastroke ito. Halos paubos na ang pag-asa niya na mabubuhay pa ang ama. Ang sabi ng mga doktor ay kailangan itong operahan sa utak dahil sa bumarang dugo, kundi ay tuloyan na itong hindi magising.
Wala siyang magawa kundi ang tingnan ang ama mula sa salamin ng kwarto nito sa ICU. Ni hindi siya makalapit kaya nagkasya na lamang siya sa pagsandal sa kaniyang ulo sa salamin at umusal ng panalangin para sa ama.
    Sinundan ni Hesper si Sharmaine at nakita niya itong pumasok sa ospital. Pero wala siyang lakas ng loob na pumasok din at alamin kung sino ang binibisita nito doon. Sapat na muna sa kaniyang malaman na meron itong kamag-anak na maysakit sa loob. Sapat na sa kaniyang malaman na gaya iba ay mayroon din itong pamilyang kasama.
Iniisip niyang baka stress lang din ang dalaga kaya nakapagsalita ito ng hindi maganda sa kaniya. Hindi siya sigurado, pero hanggang dito lang muna ang kaya niyang alamin.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 15, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Hesper Serval : Panibagong PahinaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon