Kung alam ko lang, hindi ko na sana hinayaan ang sarili kong kulitin ka noon sa facebook at magpaka feeling close sa pag-comment sa picture mo. Leche naman kasi, bakit pa ako masyadong makulit?
Kung alam ko lang, hindi na sana ako nakipagkaibigan pa sayo. E di sana, katulad pa rin ako ng dati, isang masayahing babae pa rin at puno ng ngiti sa labi.
Kung alam ko lang, hindi na sana ako nagpakita sayo nung graduates night. Balak ko na dapat magtago sayo, kasi nakakakaba. Ano na lang iisipin nila, yung isang sikat na lalaki sa campus e may kasayaw na ordinaryong estudyante. Dapat talaga nagtago ako, e di sana, hindi mo rin nagawa yung promise mong isayaw ako. Sana hindi na tayo nagkaroon ng isang masayang alala ng gabing yon.
Kung alam ko lang, hindi na sana ako pumayag na tumakas kasama ka nung gabi ring yon, e di sana, hindi kita lubusang nakilala at nakausap. Sana pala pinigilan ko sarili kong makaramdam ng kilig, para hindi na ako nasaktan.
Kung alam ko lang, hindi na sana ako naniwala nung gabing sabihin mong gusto mo ako. Binara pa kita that time, kasi akala ko nagbibiro ka lang dala ng April Fool’s Day, pero ang sabi mo, maniwala ako dahil nagsasabi ka ng totoo. Sana pala hindi ko na lang pinaniwalaan, e di sana hindi ako nasasaktan.
Kung alam ko lang, hindi na sana ako naghirap humanap ng regalo para sa birthday mo, e di sana hindi ko kailangang kalimutan ang ikalawang gabi na nakasama kita ng matagal. Sana masaya pa rin ako ngayong nanunuod ng mga bituin sa langit.
Kung alam ko lang, hindi na sana ako pumayag na lumabas tayo sa ikatlong pagkakataon at sa araw mismo ng kaarawan ko, e di sana masaya pa rin ako ngayon.
Kung alam ko lang, sana pala hindi na lang kita nakilala. E di sana ngayon, hindi ako nasasaktan at nagdurusa ng dahil lang sayo. Sana hindi na lang ako umasa, e di sana hindi ko na kailangan mag-move on.
Ang dami kong sana, dapat pala, hindi na lang nangyari pa ang lahat. E di sana, wala akong isusulat ngayon.tss Lecheng ikaw, mawala ka na lang din sana.