Dumugo ang gilid ng mga labi ni Cholo at nagkalamat ang tulay ng salamin niya sa mga mata sa lakas ng sapak ng kanyang ama. Hindi niya maunawaan kung bakit kailangan nitong manakit kapag nagagalit. At hindi rin niya alam kung bakit kaunting bagay lang ay galit na agad ito. Wala na nga itong trabaho, nakukuha pang saktan ang nag-iisang nagtatrabaho sa kanilang bahay—ang kanyang ina. At dahil sa pagtatanggol sa kanyang ina, madalas na nakakatikim din siya ng suntok, sapak, tadyak, at minsan pa nga ay paso ng sigarilyo mula sa ama.
"Ikaw na putsa kang bata ka, ilang ulit na kitang sinasabihang 'wag makialam sa away namin ng inay mo. Bumili ka roon ng gin sa kanto. Hoy, bigyan mo ng pera itong bata," baling nito sa kanyang ina.
"Pero pambili na lang ng bigas itong—" Hindi na natapos ng kanyang ina ang sasabihin dahil nabigwasan na ito ng kanyang ama sa pisngi.
Dinaluhan uli ni Cholo ang ina. "Tama na, 'Nay. May kaunting pera ako. Iyon na ang ipambibili ko ng gin ng tatay."
"Pero pera mo 'yon, anak."
"'Wag na kayong maingay, 'Nay. Ako na ang bahala." Gusto pa sana niyang lapatan ng malamig na bimpo ang pisngi nito pero alam niyang kapag nagtagal pa sa pagbili ng alak ay lalo na siyang malilintikan.
Pero parang gusto nang tumalikod ni Cholo nang makarating sa tindahan. Nandoon kasi si Burt, isa sa mga pinakamalapit niyang kaibigan. Mukhang pinapakyaw na naman nito ang tira-tira at cherry balls. Palagi itong nakapostura, palaging naka-tuck in at nakakatuwang tingnan dahil bilog na bilog ang tiyan. Matabang bata si Burt kaysa sa karaniwan.
"'Tol!" bati nito sa kanya. Hindi na siya nakaiwas pa, lalo at sinalubong na siya nito.
"'T-Tol," sabi niya. Kung bakit naman kasi naiwan niya ang kanyang panyo at wala siyang pantakip sa mga labing pakiramdam niya ay kumapal nang mahigit isang pulgada.
"Ano 'yan?" Itinuro ni Burt ang mga labi niya. "Tatay mo?"
Bahagyang tumango si Cholo. Hanggang maaari, ayaw niyang malaman pa ng mga kaibigan ang tungkol doon. Ayaw na ayaw niyang kinakaawaan silang mag-ina. Ilang ulit na niyang niyayaya ang kanyang ina na iwan na ang walang kuwenta niyang ama pero ayaw pa rin nito. Na para bang hindi ito mabubuhay kung wala ang lalaking iyon. Hindi nito naisip na baka ang tatay pa niya ang maging dahilan ng kamatayan nito isa sa mga araw na iyon.
"Isang Ginebra nga po," sabi ni Cholo sa tinderang nakatingin sa kanyang mga labi, pero hindi na nagtanong pa. Nang makabayad ay tumalikod na siya. "Sige, Burt, magkita na lang tayo bukas."
"Sige, 'tol. Kung gusto mo, dumaan ka sa bahay mamaya. Nagluto ng puto ang lola ko."
"Sa susunod na lang." Nagmamadali na siyang bumalik sa bahay. Naabutan niya ang ina na umiiyak sa isang sulok ng sala, habang ang kanyang ama ay aktong tatadyakan ito.
"'Tay, ano ba?!"
"'Yan na ba ang gin?"
"Opo." Tiningnan niya ito nang matalim na mukhang hindi naman nito napansin. Mukhang masaya na ito at nagpunta na sa kusina. Nilapitan niya kaagad ang ina. "'Nay, ayos lang ba kayo?"
"Oo, anak."
"Bakit ba kayo pumapayag sa ganito, 'Nay?"
"Mahal ko ang itay mo."
"Lintik na pagmamahal 'yan, 'Nay. Mahal ba niya tayo, eh, kaunting panahon na lang mapapatay na niya tayo pareho? Siya na ang pinakawalang kuwentang tao sa buong mundo."
Natigilan siya nang tampalin nito ang kanyang bibig. "Tatay mo pa rin siya, Pociolo. Kailangan mong irespeto."
Parang gusto nang magtampo nang husto ni Cholo sa ina. Parang gusto na niya itong pagsalitaan, sumbatan. Pero alam niyang siya na lang ang tanging kakampi nito.
BINABASA MO ANG
Territorio de los Hombres 2: Pociolo Almendra
Romance"No matter how much you hurt me, I don't think I can settle for any other man because I only want you." Balak pikutin ni Cher ang batikang abogadong si Wulfredo Resplandor kaya naman ginawa niya ang lahat upang siya ang maging babaeng lalabas sa bir...