"Hala, mag-almusal ka muna at gagabihin daw si Cholo," nakangiting sabi ng inay ni Cholo kay Cher.
Nang magising siya kanina ay wala na ang binata sa kanyang tabi. May note lang itong iniwan. Kailangan daw nitong lumuwas sa Maynila pero babalik din daw mamayang gabi. Nagbilin itong mamasyal siya. Pirmahan na lang daw niya ang lahat ng bills kung sakaling gusto niyang kumain o magpa-spa, everything.
Nagtataka siya kung bakit hindi siya isinama ni Cholo. Hindi naman siya personal assistant. Ang trabaho niya so far ay maging isang bisita—espesyal na bisita. At wala siyang balak na magreklamo.
Dumulog na nga si Cher sa hapag. Sa ilang linggo niya roon, alam na niyang masarap magluto ang inay ni Cholo.
"Lalo kang gumaganda, anak," puna ng matanda.
"Thank you po," nakangiting sagot niya. She knew it was true. Kanina, nang tumingin siya sa salamin ay napansin kaagad niya ang glow sa kanyang mga mata, ang mas makinis na balat niya. Her cheeks were rosy, too.
Tahimik na silang kumain. Nangingiti-ngiti siya. Nami-miss na kaagad niya si Cholo. Nang mapatingin siya sa matanda ay nakita niyang nakamasid ito sa kanya, nakangiti rin.
"Mahal na mahal mo si Cholo, ano?"
Nakagat ni Cher ang ibabang labi at tumango. Humagikgik naman ito. Ang sabi ng matanda, minsan din daw itong nakaranas niyon. Masyado na raw matagal pero naaalala pa nito ang pakiramdam na iyon kahit saglit lang naramdaman.
"Ano po ang ibig n'yong sabihin? Hindi magtatagal itong nararamdaman ko?" tanong tuloy niya.
"Hindi naman siguro, anak. Kanya-kanyang buhay 'yan. Kumain ka pa."
Ganoon nga ang ginawa ni Cher. Nang matapos ay nagpaalam ito na mamamalengke raw muna. Sinundo ito ng driver ng Territorio. Siya naman ay nagpasyang dalawin si Mildred. Isang doorbell pa lang ay bumukas na ang pinto ng bahay. Pero hindi si Mildred ang nagbukas, si Jules.
"O, akala ko nasa Maynila ka?"
"Hindi nga ako makaalis. Sakit ng ulo 'yang si Mildred." Astang iritado ito. Nitong mga huling araw ay palagi talagang iritado ang binata.
"Puwede ba siyang makausap?"
"What for?"
"Anong what for? Tumigil ka nga, Jules. Ikinukulong mo dito 'yong tao, kaya nagagalit sa 'yo, eh."
Sa huli ay pumayag na rin ito. Niyaya niya si Mildred na mag-ikot-ikot. Noong una ay ayaw ni Jules, pero wala na rin itong nagawa sa pangungulit niya. Isinama niya sa hotel ang babae. Masaya naman itong kausap. Sa katunayan, matalino itong babae, panay nga lang ang reklamo kay Jules.
"Nasaan ang boyfriend mo?" tanong nito.
"Nasa Manila."
"Guwapo ang boyfriend mo, 'no? Hindi siya actually guwapo. Hindi ko alam. Basta he's not good-looking per se but he's gorgeous."
"Yeah." Napangiti si Cher. "Bakit, cute din naman si Jules, ah."
"Ah, naku! 'Wag mo nga akong tuksuhin sa lalaking mapang-aliping 'yon. Kung hindi lang ako naipit sa sitwasyong ito, nunca na mag-stay ako sa bahay ng hudas na 'yon." Napaingos pa si Mildred.
Tawa lang siya nang tawa. Ipinakilala niya ito sa fiancée ni Burt. Magkakilala na pala ang dalawa, hindi pa nga lang nakakapag-usap. Nakakulong nga kasi si Mildred palagi sa bahay ni Jules. Sa pagkakaalam niya ay may sariling bahay ang pamilya nito sa Maynila kaya hindi naglalagi roon.
BINABASA MO ANG
Territorio de los Hombres 2: Pociolo Almendra
Romantik"No matter how much you hurt me, I don't think I can settle for any other man because I only want you." Balak pikutin ni Cher ang batikang abogadong si Wulfredo Resplandor kaya naman ginawa niya ang lahat upang siya ang maging babaeng lalabas sa bir...