“Tulong!”
“Tulungan niyo kami!”
Halos mamaos na ang mga boses ng dalawampung kataong nakatayo ngayon sa baybayin ng isang isla. Sigaw sila nang sigaw sa malawak na karagatan at langit, umaasang may dumaan na anumang sasakyang pandagat o panghimpapawid. Kahit nga siguro UFO na may sakay na gwapong alien ay hindi na sila matatakot, makaalis lang sa islang ito.
Agresibo, gutom, nauuhaw, at mababaho --- kulang pa ang mga salitang ‘yan para ilarawan ang kasalukuyang estado nila. Tatlong araw na ang nakalilipas nang lumubog ang barkong sinasakyan nila matapos makaharap ang masamang panahon at galit na dagat. Hindi nila maalala kung paano sila napadpad sa maliit na isla at kung nasaan ang crew at kapitan ng barko, basta nagising na lang sila sa maliit na islang ito. Ang mga taong ito ay galing pa sa iba’t-ibang distrito ng bansang Wattpad, pinatawag upang sumali sana sa isang Convention.
“Hel--” Naputol sa pagsasalita ang magandang babaeng galing sa Chicklit District nang may boses na biglang nagsalita.
“Good morning people of Wattpad! This is President Allen Lau.” Hinanap nila ang boses ng lalaki, ngunit wala man lang silang nakitang iba maliban sa kanila. Tila ba’y galing ang boses nito sa langit. Kilala nila kung sino ang Allen Lau na ‘yon. Siya ang presidente ng Wattpad.
“Tributes! Kumusta naman ang araw niyo?” Nagkatinginan ang lahat. Tributes? Tanong nila sa kanilang isip.
Bigla namang napasigaw ang babaeng taga Historical Fiction. “Hunger Games! Sa Hunger Games lang may tinatawag na tributes! Pero sa ibang bansa at matagal na panahon nang--”
“Welcome to Wattpad’s First Writer Games!” Napasinghap ang dalaga nang makompirma ang hinala niya. Hindi siya makapaniwalang maski ang madugong larong ‘yon ay kokopyahin na rin ng Wattpad at gagawing Writer Games.
“Joke ba ‘to?” Pasigaw na tanong ng lalaking taga Humor District.
Hindi siya sinagot ni President Lau, bagkos ay tuloy lamang sa pagsasalita ang presidente. Ipinaliwanag niya kung ano ang mangyayari at kung nasaan sila. Hindi lang pala basta-basta isla ang kanilang kinalalagyan. Isa pala itong arena. Lahat ng bagay na naroon ay pwedeng gamiting panglaban. Bigla ring may naglitawang mga sandata na wala naman kanina. Sikretong pagbunot ang ginawa para malaman kung sino ang tribute ng bawat distrito. Para raw malaman kung sino nga ba ang pinakamagaling at pinakapatok sa masang manunulat. Sa huli, isang lamang ang dapat manalo.
“Ladies and Gentlemen, let the 1st Writer games begin!” Biglang nawala ang boses ng presidente at napalitan ito ng isang malakas na pagsabog.
Wala pang anu-ano’y nagkagulo na ang lahat. Dahil na rin sa kasalukuyang estado nila, wala na silang ibang naisip kundi ang makipaglaban.
Sa kanyang kaalaman at kakayahan, agad napatay ng lalaking taga Mystery District ang taga Paranormal at Horror District. Mabilis siyang nakakuha ng mga bagay na maaaring pampatay, ginamit niya ito ng walang pakundangan hanggang sa nagkagutay-gutay ang katawan ng dalawa. Madugo at brutal naman ang nangyaring labanan sa gitna ng taga Vampire at Werewolf District. Halos pantay ang laban, duguan na sa leeg ang taga Werewolf habang puno na ng mga kalmot ang katawan ng taga Vampire District. Sa huli, silang dalawa ang namatay sa lubha ng mga sugat na kanilang natamo. Nagkampihan naman ang taga General, Short Story at Poetry District, una nilang kinalaban ang binatang taga Non-Fiction District. Pinilit lumaban ng binata ngunit nadaig pa rin ito, nakapagtamo ito ng maraming saksak mula sa tatlo na kumitil sa kanyang buhay. Tatakbo na sana ang taga Adventure District sa loob ng kakahuyan, ngunit naabutan ito ng taga Action District at pinakitaan ng kanyang galing sa karate. Sunod na pinatumba ng taga Action District ang taga Fantasy at Fan-Fiction District sa pamamagitan ng pamamaril sa mga ito nang sisisid na sana sa karagatan. Nagpatuloy pa ang laban sa pagitan ng mga manunulat.