Tay

93 4 0
                                    

July 30, 2001

"Mr. Alano, kailangan na po talaga ni Shiela ng surgery sa puso sa lalong madaling panahon. Nahihirapan nang gumana 'yon dahil sa problema roon at kung hindi maaagapan ay i-expect na natin na hindi na kakayanin pa ng katawan niya," paliwanag ng doktor na kaharap ang isang lalaki na nasa edad apatnapu pataas.

Halata na nasa mababang estado ito ng pamumuhay dahil sa may kadungisan nitong kasuotan at itsura.

Nakuyom ni Ronaldo ang mga kamao niya nang sobra at sumiklab ang galit sa dibdib niya. "Eh bakit hindi n'yo pa po siya operahan Dok?! Kailangang-kailangan na pala n'on ng anak ko kaya bakit hindi n'yo pa sinisimulang gawin?!" Kulang na lang ay hawakan niya ang kuwelyo nito nang mahigpit sa galit kung hindi lang talaga ito ang doktor ng anak niya.

Napahinga ito nang malalim. "Ipinaliwanag na naman sa inyo ang mga paunang procedures para maisagawa ang surgery kaya dapat ay naiintindihan na ninyo 'yon."

Napamura na siya rito. "Pera lang ba ang problema?! Magbabayad naman ako kapag nakapaghilap na ako ng pera! Ganyan na ba talaga kayong ga doktor ngayon?! Pinipikit n'yo ang mga mata n'yo sa mga taong kailangang-kailangan ng tulong n'yo katulad namin dahil wala kaming pera!" Nanggagalaiti na siya sa inis.

"Sorry Mr. Alano pero sumusunod lang ako sa patakaran ng ospital." Umalis na ito sa harap niya at iniwan siya roon na nagngingitngit sa galit.

Sa sobrang pag-apaw ng emosyon na iyon sa kanyang dibdib ay napaluha na lamang siya. Pinipigilan niyang mapahagulgol dahil may mga taong dumadaan sa hallway kung nasaan siya pero hindi niya napigilan ang mga hikbi niya.

Hinarap niya na ang katabi niyang pinto at pinili munang tumayo roon nang ilang saglit para kalmahin muna ang nararamdaman. Pinunasan niya ang kanyang basang mukha ng luha gamit ang bimpo na nakasampay sa kanyang balikat at tumikhim upang alisin ang masakit na emosyong bumabara sa kanyang lalamunan.

Nang pakiramdam niyang handa na siya ay binuksan niya na ang pinto.

Ang nasilayan niya kaagad ay ang isang babaeng nasa edad labingpito na nakaratay sa hinihigaan nito. Nakalugay ang buhok nito at maputla na ang balat lalo na ang mga labi na tuyot na rin. Nakapikit lang ito na parang natutulog. Marami mga nakakabit ditong mga tubes na nakakonekta sa mga aparatong panghospital.

Unti-unti na naman siyang nilamon ng isang masakit na emosyon dahilan para lumuha muli siya. Nagtatagis ang kanyang mga ngipin sa pagpipigil niyang mapapalahaw ng iyak nang masilayan ang kaisa-isa niyang anak na nakikipaglaban para sa buhay nito.

Gumalaw ito nang kaunti at dahan-dahang nagmulat ng mga mata. Bumaling ang ulo nito sa kanyang direksyon at tumingin ito sa kanya. Malamya at tila wala ng buhay ang mga mata nito pero nang ngumiti ito ay nabakas ang kasiyahan doon. "T-tay..."

Gustong-gusto niya na talagang mapahugulgol pero ginawa niya ang lahat para mapigilan iyon. Ang higpit-higpit ng hawak niya sa bimpo niya at lahat ng lakas ng loob niya'y ginamit niya para ngumiti rin dito kahit na may nag-uunahang mga luha pa rin mula sa mga mata niya. "Shiela anak..." Lumapit kaagad siya rito at hinalikan ito sa noo.

Hinawakan niya ang isang kamay nito kung saan nakakabit ang dextrose. Hinaplos niya nang marahan at mapanuyo ang buhok nito at lalong hindi nagpaawat ang mga luha niya sa mga oras na iyon.

Nanghihinang nakatingin pa rin ito sa kanya. "T-tay... Bakit ka naiyak?..."

Natigilan siya sa tanong nitong iyon at nang makabawi ay agad niyang pinunasan ang mukha niya para pawiin na nang tuluyan ang pagluha niya. "Wala anak. Naiiyak lang si tatay dahil nilalakasan mo ang loob mo. At kinakaya mong mabuhay kahit na nahihirapan ka na." Pasaway ang mga luha niya na kahit pilit niyang pinupunasan ay naglalandas pa rin sa pisngi niya.

Tay, Bumalik ka Kaagad (One Shot)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon